Sino ang Pipiliin Ko?

“Kung talagang tunay na lalaki ka Jordan ay pananagutan mo ang ginawa mo sa anak namin!” galit ngunit malumanay na sabi ni Aling Agnes, ina ni Cornelia.

Hindi makapagsalita si Jordan dahil hindi na rin alam ang kanyang gagawin. Ilang oras nang nakaalis si Aling Agnes ngunit tila nakapako siya sa kanyang kinauupuan. Hindi makagalaw at kahit na maraming tao sa mall ay tila hindi niya nakikita ang mga ito. Mayamaya ay napatayo siya at naisabunot sa ulo ang mga kamay. Para siyang pinagsakluban ng langit at ng lupa. Muli siyang napaupo at binalikan ang mga nangyari.

Limang taon na silang magkasintahan ni Antonieta, kapwa sila nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya. Ang totoo ay noong hayskul pa nagsimula ang kanilang pagkakakilala ngunit nang nasa kolehiyo na sila ay saka mas lalong lumapit ang kanilang pagtitinginan. Tatlong taon ang kanyang hinintay bago nakamit ang matamis nitong ‘Oo’.

“Talaga ba, Antonieta, sinasagot mo na ako?” masayang tanong ni Jordan.

“Kailangan ba talaga paulit-ulit? Oo, Jordan, sinasagot na kita,” wika ng kasintahan.

Mahal na mahal niya si Antonieta at alam niya na mahal na mahal din siya nito. Maayos ang kanilang relasyon at aprubado ng kanilang mga magulang ang kanilang pag-iibigan. Ngunit may nagbabantang magbago sa lahat ng ito at marahil ito ay kanyang pagkakamali na pagsisisihan habang siya ay nabubuhay.

Naging malapit sa kanya ang kapitbahay na si Cornelia. Apat na taon ang tanda niya rito, tila ba nakababatang kapatid na ang turing niya sa dalaga. Maraming pagkakataon na humingi ito ng pabor sa kanya. Dalawa lamang ang mga ito sa bahay, si Cornelia at ang ina nito dahil ang ama ng dalaga ay nagtatrabaho sa ibang bansa kaya siya ang pinapakiusapan kapag may kailangang kumpunihin sa bahay ng mag-ina.

“Huwag kang mag-alala, ako na ang gagawa ng nasira niyong gripo sa banyo,” sabi ng lalaki.

Advertisement

“Naku, salamat, Jordan! Mabuti na lang at nariyan ka, hindi ko siguro alam ang gagawin ko kapag wala ka,” tugon ni Cornelia.

Marahil ito ang dahilan kaya nahulog ang loob sa kanya ni Cornelia. Napapansin niyang lagi itong sumusulyap sa kanya. Nagpapaganda at madalas itong nagbibigay ng mga kakanin at iba pang pagkaing pang-meryenda na ang dalaga raw ang nagluto. Isang araw ay muling nagpatulong sa kanya ang dalaga.

“Jordan, napundi ang ilaw namin, tulungan mo naman kami na magawa ito. Hindi na magawa ni Mang Kanor, e. Please, Jordan,” sabi ni Cornelia sa malambing na boses.

“O sige, gagawin ko mamaya,” laging sagot ni Jordan.

Nais lamang naman niya na maging mabuting kapitbahay ‘di ba? Ngunit bakit pakiramdam niya ay pilit itong pumapasok sa kanyang puso. Alam ni Cornelia na may kasintahan na siya, ilang ulit na rin kasi na isinama niya si Antonieta lalo na at may okasyon sa kanilang bahay. Naipakilala na rin niya ang kasintahan kay Cornelia dahil naaanyayahan din nito si Antonieta sa mga okasyon sa bahay nito dahil nga malapit na kapitbahay naman ang dalaga.

Minsan ay kinausap siya ni Antonieta.

“Jordan, parang iba ang kutob ko kay Cornelia, babae din kasi ako, may pakiramdam ako na may pagtingin siya sa iyo, ” malumanay na sabi ng kasintahan.

“Uy, nagseselos siya! Huwag kang magselos, mahal dahil magkaibigan lang kami ni Cornelia,” aniya.

Advertisement

“Bakit wala ba akong karapatang magselos? pero hindi nga, napapansin ko kasi na talagang may kakaiba sa kanya, e,” sagot naman ni Antonieta.

“Ikaw ang mahal ko, parang kapatid ko lang iyon,” pang-aalo niya rito.

“Ay basta, layuan mo ang babaeng iyon!” matigas na sabi ng kasintahan.

Sinunod niya ang payo ni Antonieta at Lumayo kay Cornelia at marahil napansin iyon ng dalaga. Ngunit minsan ay nangyari ang hindi inaasahan.

Masamang-masama ang loob ni Jordan kay Antonieta nang araw na iyon. Kaarawan kasi ng lalaki ngunit hindi ibinigay ng dalaga ang regalong hinihingi niya rito.

“Limang taon na tayo, mahal pero hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa atin?” pagmamaktol na sabi niya sa kasintahan.

“Ano ka ba? May tiwala sa atin sina Itay at Inay, bakit kailangan nating gawin iyon? Hindi puwede” pagdiriin nito.

Nainis siya kaya tumambay muna siya sa isang bar at nilunod sa alak ang sarili. Ewan ba niya at bakit naroon si Cornelia. Hindi niya alam kung bakit naroon ang dalaga. Nakitabi ito sa kaniya at marahil dahil sa alak ay naibuhos niya ang sama nang loob kay Cornelia.

Advertisement

“Yung girlfriend ko kasi, hindi ko maramdaman ang pagmamahal niya. Ayaw ibigay ang sarili sa akin, kanino pa ba niya inirereserba iyon kundi sa akin lang din. Lahat naman ay gumagawa noon, masyadong pa-virgin!” naiinis niyang sabi, bunga iyon ng pagkalango niya sa espiritu ng alak. Hindi naman niya iyon masasabi kung hindi siya lasing.

“Nandito naman ako, bakit kasi hindi na lamang ako. Matagal na kitang mahal Jordan,” malumanay na wika ni Cornelia.

Nag-init ang kanyang pakiramdam at dahil na rin sa sobrang kalasingan ay humantong sila sa motel at may nangyari sa kanila ng dalaga.

Makalipas ang dalawang buwan ay kinausap na siya ni Aling Agnes. Ang isang beses na pagniniig nila ni Cornelia ay nagbunga. Ngayon ay kailangan niyang mamili sa dalawang babae sa kanyang buhay, si Antonieta na kanyang kasintahan ng limang taon o ang ina ng kanyang magiging panganay? Ang babae ba na kanyang minamahal o ang babaeng lubos na nagmamahal sa kanya. Alin ang magpapasya, puso ba o ang kanyang isipan?

Sino man ang kanyang piliin ay siguradong may masasaktan. Kaya labis-labis ang kanyang pagisisi sa ginawa niyang kamalian. Iyon na marahil ang KARMA niya, kung sino sa dalawang babae ang mas matimbang sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!