Ang Tulay ng Pagpapatawad

Matagal na nagtrabaho sa Dubai si Minerva, 51 taong gulang. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, samo’t saring mga problema kaagad ang bumungad sa kanya.

Ang kanyang sugarol na asawa na si Eddie ay nambabae, at ang dapat sana’y mga perang pinampagawa sa kanilang bahay upang magkaroon ng ikalawang palapag ay naglahong parang bula. Ang mas masakit, kumare pa niya ang naging babae nito.

Ang kanyang panganay na anak na si Carlo ay maagang nakabuntis at hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa maagang responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat.

At ang bunsong anak naman niyang si Beverly, ay napabarkada at napabalitang sumasama kung kani-kaninong lalaki upang magkaroon ng sariling pera.

Napatulala lamang si Minerva sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Hindi matatapos dito ang lahat. Balak niyang ayusin ang mga gusot na dumating sa kanyang buhay.

Una niyang pinuntahan ang bahay ng kanyang kumare kung saan naroon ang kanyang asawa. Nagdamit siya ng seksi, at pumostura, bagay na hindi naman niya ginagawa noon. Pagkabukas ng pinto at mabungaran ang mukha ng asawa, mag-asawang sampal ang agad na pinadapo niya sa mga pisngi nito.

Nang lumabas ang kanyang kumare, sinabunutan niya ito. Hindi naman ito pumalag at sinabing mahal na mahal niya si Eddie at handa niyang tanggapin ang anumang parusa, makasama lamang ang kanyang asawa.

Sukat noon ay sinabi ni Minerva na wala na siyang balak pang makipagbalikan kay Eddie, at sinabihang magsama sila sa impyerno.

Advertisement

Ang hindi kayang matiis ni Minerva ay ang kanyang mga anak, lalo na ang anak na si Beverly na napariwara ang buhay.

Pinuntahan niya ito sa bahay ng barkada kung saan ito nakikipanuluyan. Agad na tumayo ang babae at nakapamaywang na humarap sa kanya.

“O anong ginagawa mo rito? Mga tropa, narito na pala ang nanay kong pabaya! Siguro wala ng pera kaya umuwi ulit dito! Mukha kasing pera iyan!” tungayaw ni Beverly. Nagtawanan ang buong barkada nito. Nag-iinuman sila at humihithit ng sigarilyo.

Nilapitan ni Minerva si Beverly. Hinawakan ang braso. “Umuwi na tayo!”

“Bitiwan mo ako! Wala kang kwentang nanay!” Pumiglas si Beverly at saka sinampal nang malakas ang kanyang ina. Naghiyawan ang kanyang mga kaibigan habang binibigkas ang kanyang pangalan. “Bebeng! Bebeng! Bebeng!”

Sinapo nang kaawa-awang ina ang kanyang nasaktang pisngi. Pero higit na nasaktan ang kanyang kalooban sa ginawa ng anak.

“A-anak… p-patawarin mo ako. Wala akong ginawang kasalanan sa’yo. Ginusto ko lang na magkaroon kayo ng mas maayos na buhay kaya nangibang-bansa ako. Hindi iyon para sa sarili ko. Para sa inyo ‘yon!”

“Hindi naman kailangan ‘yan! Hindi namin kailangan ng pera mo! Mabuti pa bumalik ka na lang sa pinanggalingan mo. Mas masaya ka ro’n ‘di ba?” naiiyak na sabi ni Beverly sabay alis. Sinundan naman ito ni Minerva hanggang sa makarating sila sa isang tulay.

Advertisement

“Bumalik ka na sa Dubai! Hindi ka namin kailangan!” itinulak ni Beverly ang kanyang ina na napahandusay naman sa sahig.

“Ayaw mong makinig sa akin? Sige… mas mabuti pa ngang mawala na lang ako!”

Bumalikwas sa pagkakasalampak sa sahig si Minerva. Tumuntong sa hawakan ng tulay at akmang tatalon.

“Makinig ka sa akin, Beverly. Nagpakapagod ako sa ibang bansa para mabigyan kayo ng magandang buhay. Dahil kayo ang buhay ko. Pero ngayong nagkakaganyan kayo, parang wala na rin ang lahat. Sira na ang buhay ko, dahil sinira n’yo na rin ang buhay n’yo!”

“Ikaw ang sumira ng buhay namin! Ikaw ang dahilan ng lahat! Huwag mong isisi sa amin kung bakit kami nagkakaganito. Pinabayaan mo kami!” umiiyak na sumbat ni Beverly sa kanyang ina.

Sa mga narinig na sumbat mula sa anak, nagdilim ang paningin ni Minerva. Bigla siyang tumalon sa tulay. Lumagpak ang kanyang katawan sa mabaho at maputik na ilog.

“Naaaaaay!”

Nagulat si Beverly sa ginawa ng ina. Mas mabilis pa sa kidlat na umakyat siya sa tulay. Pikit-mata, tumalon siya sa maruming tubig ng tulay upang iligtas ang kanyang kaawa-awang ina. Mabuti na lamang at mababaw lamang ang tubig kaya nasaklolohan kaagad niya si Minerva.

Advertisement

Naitakbo kaagad sa pinakamalapit na ospital ang mag-ina dahil sa mga rumespondeng residente na nakakita sa mga pangyayari. Pagkamulat ng mga mata ni Minerva, bumungad sa kanya ang mukha ng luhaang si Beverly, na biglang yumakap sa kanya.

“Patawarin n’yo po ako. Hindi ko po sinasadya ang mga nasabi at nagawa ko. Mahal na mahal ko po kayo, nay. Minsan na kayong nawala sa amin, ayaw ko na mawala ulit kayo sa amin nag tuluyan.”

Nagyakap nang mahigpit sina Minerva at Beverly. Naiayos ni Minerva ang lahat. Bumalik sa kanya si Eddie at humingi ng kapatawaran. Pinatawad niya ito, subalit bilang paggalang na rin sa sarili, hindi na siya nakipagbalikan pa.

Sinuportahan naman niya ang anak na si Eddie sa pagiging ama nito. Habang si Beverly naman ay bumalik sa kanyang pag-aaral. Ipinasya na rin ni Minerva na manatili na lamang sa Pilipinas at magtayo ng sariling negosyo upang makabawi sa kanyang mga anak.

Hindi makapaniwala si Minerva na ang tulay na kanyang tinalunan ay magiging tulay ng pagpapatawad.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.