May Lihim na Kinakatagpong Ibang Lalaki ang Babae sa Opisina, Hindi Niya Alam na May Balik na Karma ang Panlolokong Ginawa Niya sa Asawa

Tatlong taon nang kasal sina Cheryl at Connor. Pareho silang nagtatrabaho sa call center ngunit magkaiba ng kumpayang pinapasukan. Mayroon silang dalawang anak at pawang mga nag-aaral na. Mabait na asawa si Connor, sa katunayan ay hindi ito seloso di gaya ng ibang mister na makita lang na may kasamang ibang lalaki ang misis ay nagagalit na agad. Kaya nakapasuwerte ni Cheryl sa lalaki.

(photo for illustration purposes only.)

“Hon, Sunday bukas at pareho tayong walang pasok. Pagkatapos nating magsimba ay ipasyal natin sa mall ang mga bata,” yaya ng lalaki.

“Sige ba, tutal ay wala naman tayong gagawin dito sa bahay. Nakakainip lang. Pagkatapos ay ipasyal din natin sila sa zoo,” ani Cheryl.

Tuwing sasapit ang araw ng Linggo ay family day talagang maituturing ng kanilang pamilya kaya masayang-masaya ang mga bata kapag walang trabaho ang mga magulang.

Lunes ng umaga ay maagang umalis si Cheryl para pumasok sa trabaho. Hindi na niya ginising ang asawa dahil ayaw niyang maistorbo ang tulog nito. Pang-gabi kasi ang trabaho ng kanyang mister at siya naman ay pang-umaga. Pagdating sa opisina ay hindi agad siya dumiretso sa working station. Agad siyang pumunta sa parking area at may hinihintay na kung sino. Mayamaya ay may dumating na kotse at ipinarada iyon. Bumaba ang lalaking sakay ng kotse at nilapitan si Cheryl sabay halik sa labi ng babae.

“Hi, babe!” bati nito.

“Good morning, nag-breakfast ka na?” tanong ng babae.

“Hindi pa nga,e! Saan tayo magkakainan este kakain ng breakfast,” bulong nito.

Advertisement

Halata namang kinilig si Cheryl sa ibinulong ng lalaki. Kinurot niya ang tagiliran ng kausap sabay sabing…

“Kung saan mo gusto,” aniya sa malanding tinig.

Walang kaalam-alam si Connor na may ibang lalaking umaaligid sa kanyang asawa.

Palihim na lumabas ng gusali sina Cheryl at ang lalaki para mag-almusal sa malapit na fast food chain. Luminga-linga muna ang mga ito sa paligid dahil baka may makakita sa kanila.

Nang makabalik sa opisina ay tinanong agad ni Malou ang kaibigan.

“Hoy, Cheryl! Saan ka na naman nagpunta?” tanong ng babae.

“K-kumain lang ako ng breakfast. B-bakit ba?” aniya.

“Sino ang kasama mo?”

Advertisement

Kinabahan si Cheryl sa tanong na iyon ng kaibigan.

“A, e w-wala!” tanggi niya.

“Bakit hindi mo ako sinama? Akala ko ba kaibigan mo ako? Ikaw ha, nagsolo ka na!”

Nakahinga ng maluwag ang babae. Buong akala niya ay nabuking na siya nito.

“Pasensya na, gutom na gutom na kasi ako, e. Kaya hindi na kita nahintay,” paliwanag niya.

Mabilis na lumipas ang oras at uwian na naman. Imbes na gamitin ang elevator ay bumaba si Cheryl sa hagdan ng fire exit para makapunta sa parking area. Ilang minuto siyang nag-abang roon hanggang sa dumating rin ang kanina pa niya hinihintay.

Nang magkita sila ng kalaguyo ay muli siya nitong hinagkan sa labi. Pagkatapos ay inalalayan siya ng lalaki na pumasok sa kotse nito.

(photo for illustration purposes only.)

“Sigurado ka na ihahatid mo ako?” sabi ni Cheryl.

Advertisement

“Bakit ayaw mo ba ?” tanong ng kausap.

“Hindi naman sa ganoon, kaso baka may makakita kasi sa atin, e.”

Hinimas ng lalaki ang kanyang pisngi. “Huwag kang mag-alala, babe. Walang makakakita sa atin.”

“Nakukunsensiya na kasi ako. Mabait si Connor at mahal na mahal niya ako. Hindi ko gustong saktan ang asawa ko,” aniya.

“Hindi ko naman hinihiling na hiwalayan mo siya. Okay na ako sa set up nating ‘to. Patago-tago at paiwas-iwas. Hindi mo na ba gusto ang ginagawa natin?”

“G-gusto, pero…”

“Pero natatakot kang malaman ng mister mo? Don’t worry, hangga’t walang nakakakita sa atin ay safe tayo,” wika pa ng lalaki.

Pinaandar na nito ang kotse at inihatid na ng lalaki si Cheryl hanggang sa Cubao. Pagdating doon ay bahala nang sumakay ang babae pauwi sa kanila.

Advertisement

Nang makarating sa bahay ay naabutan pa niya ang asawang si Connor na nagbibihis. Paalis na rin ito para pumasok sa trabaho.

“Good evening, hon! Ang mga bata?”

“Nasa kuwarto nila, hon at nanonood ng paborito nilang programa sa TV,” sagot ng mister.

“Teka, bakit narito ka pa, di ba dapat kanina ka pa nakaalis? Mag-aalas-otso na!”

“Tinignan ko pa kasi ang balita kanina sa TV. Nahuli nung asawa na may ibang kinalolokohang lalaki ang misis, alam mo ba ang ginawa nung lalaki sa asawa niya?”

Napalunok si Cheryl bago nagsalita. “A-ano?”

“Kinitil ang buhay sa pamamagitan ng pagsakal. Tapos kawawa din ang mga anak nila dahil dinamay rin nung lalaki, pinaslang din sa sakal ang mga kaawa-awang bata,” kuwento nito.

Natigalgal si Cheryl sa sinabi ng asawa. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang kinatatayuan.

Advertisement

“Hon, hon, ano’t natulala ka riyan?” tanong ng lalaki.

Saka pa lang natauhan ang babae.

“W-wala, wala, hon. Pagod lang ako sa biyahe.

Habang nakahiga sa kama ay desidido na si Cheryl. Tatapusin na niya ang bawal na relasyon niya sa kaopisina. Matapos na marinig sa asawa ang sinabi nito tungkol sa napanood nito sa balita ay nakaramdam ng takot ang babae sa maaaring maging bunga ng kanyang kataksilan.

Kinaumagahan ay nakipagkita siyang muli sa kanyang kalaguyo sa parking area at sinabi na makikipaghiwalay na siya rito.

(photo for illustration purposes only.)

“What? A-anong problema?” naguguluhan nitong tanong.

“Ayoko na. Mahal ko ang pamilya ko at ayoko itong masira kaya dapat na nating tapusin kung anuman ang mayroon tayo,” paliwanag niya sa kausap.

Nagmamadali siyang umalis sa parking area at iniwang mag-isa ang lalaki.

Advertisement

Nag-half day siya sa araw na iyon. Plano niyang sorpresahin ang kanyang mag-aama kaya bumili siya ng mga pagkain para sabay-sabay nilang pagsaluhan pagdating niya sa bahay. Tamang-tama at nagpalit ng day off ang asawa kaya kumpleto silang pamilya na magsasalo sa hapunang binili niya.

Pagdating niya sa bahay ay nakita niya ang mister na tahimik na nakaupo sa sala.

“Good evening, hon! Bumili ako ng pagkain para sa atin ng mga bata!” masaya niyang bati.

Hindi kumikibo ang lalaki. Napansin niya na hawak nito ang cellphone at titig na titig sa larawan na naroon.

“H-hon, may problema ba?” taka niyang tanong.

“Hanggang kailan mo ako balak na lokohin?” wika nito sa mahinang boses.

Bigla siyang pinagpawisan ng malapot sa sinabi ng asawa.

Tumayo ito sa kinauupuan at ipinakita sa kanya ang kanina pa nito tinititigan sa cell phone. Laking gulat ni Cheryl nang makita ang larawan.

Advertisement

“H-hindi!”

Halos hindi siya nakakilos nang ipakita sa kanya ni Connor ang larawan nila ng ka-opisinang si Jeremy, ang matalik na kaibigan ng kanyang asawa. Nakakandong siya sa hita nito habang naghahalikan sila ng lalaki.

“P-paano mo nakuha ang larawang iyan?”

“Sisihin mo ang tanga at bobo kong kaibigan, dahil nagkamali yata siya ng pinagsendan ng larawang iyan. Imbes na sa iyo pinadala ay sa akin sinend ng gunggong!” bunyag nito.

(photo for illustration purposes only.)

Napahagulgol na ng iyak si Cheryl at napaluhod na sa harap ng asawa.

“H-hindi ko sinasadya, hon! Patawarin mo ako!” iyak ng babae.

“Bakit mo nagawa sa akin ito? At sa mismong bestfriend ko pa!” mangiyak-ngiyak nitong sabi.

“Oo, nagkamali kami. Hindi namin iyon ginusto. Bigla na lang nangyari at wala akong nagawa. Naging mahina ako at inaamin ko iyon!” aniya.

Advertisement

“Kagabi lang ay may napanood akong lalaki na niloko ng asawa. Wala akong kaalam-alam na niloloko rin pala ako ng sarili kong asawa. Alam mo ba sa mga oras na ito ay gusto ko kayong paslangin ng gag*ng iyon sa ginawa ninyong panloloko sa akin, pero hindi ko gagawin dahil may takot pa rin ako sa Diyos at mahal ko ang mga anak natin,” hayag ng lalaki.

Ang hindi alam ni Cheryl ay nakahanda na pala ang mga bagahe nito. Kanina pa pala nakapag-impake ang mister. Nakita niyang lumabas rin ng kuwarto ang dalawa niyang anak at nakabihis na pang-alis ang mga ito. Alam na niya agad ang balak ng asawa kaya wala na siyang nagawa kundi ang umiyak.

Niyakap ng mahigpit ni Cheryl ang mga anak.

“Bakit po kayo umiiyak, ma?” tanong ng bunsong anak.

‘W-wala ito anak, napuwing lang ang mata ko,” aniya habang pigil ang pag-iyak.

“Ma, aalis daw po kami sabi ni papa. Mauuna po muna kami sa pupuntahan namin at susunod na lang daw po kayo kasi ay busy pa po kayo sa work,” anito.

“Huwag po kayong magtatagal, sunod ka po agad, ma ha?” wika naman ng panganay niya.

“Magpapakabait kayong dalawa, huwag niyong bibigyan ng problema ang papa niyo ha?” aniya habang walang tigil ang pagdaloy ng luha sa mga mata.

Advertisement (photo for illustration purposes only.)

“Tara na mga anak! At mahuhuli tayo sa biyahe!” sabi ni Connor.

Wala nang nagawa si Cheryl nang tuluyang lumabas ng pinto ang kanyang mag-aama. Hindi niya inakala na sa isang iglap ay nasira ang kanyang pamilya dahil lang sa pagkakamali niya. Labis niyang pinagsisihan ang pagtataksil sa asawa kaya tinanggap niya ang kaparusahan nito. Nagpakalayo-layo muna ang mag-aama habang pilit na pinaghihilom ng lalaki ang sugat na ginawa niya rito. Hindi naman siya nawawalan ng pag-asa na muling mabubuo ang kanyang pamilya sa tamang panahon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!