Isang Sirang Inidoro Lamang Pala ang Magdadala ng Tunay na Pag-ibig sa Babaeng Mahina ang Pamiit

Nakagawian na ni Karen na umuwi sa probinsya tuwing Sabado ng umaga at doon manatili hanggang Linggo ng hapon. Nasa kolehiyo siya at kumukuha ng kursong Medical Technology.

Sumapit ang araw ng Sabado, alas dos na ng hapon nang siya’y magising. Nanlaki ang kanyang mata dahil nasobrahan siya sa tulog. Dali-dali siyang tumayo at naligo upang makauwi pa rin ng maaga.

Habang nasa biyahe ay nakaramdam siya ng kaunting pananakit ng tiyan. Hindi siya mapaigi, parang nakakaramdam siya ng pagkahilo at paghapdi ng sikmura, kaya dumaan muna siya sa isang mall malapit sa terminal ng van na sinasakyan pauwi.

Kumain siya sa isang fast food chain kung saan ang manok ay masaya. Nagmadali siyang kumain upang hindi abutan ng pila pag-uwi.

Nang makalabas sa kainan ay lumakad na siya patungo sa sakayan ngunit nakakaramdam siya ng pagsakit muli ng tiyan. Pero sa pagkakataong ito, hindi dahil sa gutom, kundi dahil tinatawag siya ng inang kalikasan upang magbawas.

“Wrong timing naman ‘to,” bulong niya sa sarili.

Noong una ay napipiit pa niya na hindi magbawas, pero pakiramdam niya ay kahit anong oras ay dudungaw na ito para silayan ang mundo. Nanlalamig na siya at tumatayo na ang balahibo sa sobrang kilabot.

Napapahinga na lamang siya ng malalim habang nasa pila ng sakayan ng van. Butil-butil na rin ang kanyang pawis dahil hindi na niya kayang piitin pa ang dumi. Umalis siya sa pila at nagmadaling maglakad patungo sa banyo ng terminal.

Advertisement

Kinatok niya ang banyo na para sa babae ngunit nakasarado ito.

“Ma’am, sira po ‘yang banyo na ‘yan ngayon,” sigaw ng isang lalaki.

Tumango lamang siya at ngumiti.

“My goodness, may naghe-hello na sa puwit ko, pero sira naman ang CR dito,” mahinang reklamo niya.

Nang maramdaman niyang natatalo na siya sa labanan ng pagpiit ay napasarado na lang siya ng kamay at napahinga ng malalim. Maya-maya pa ay may dumungaw na upang silayan ang mundo sa kanyang likuran kaya minabuti niyang pumasok na sa banyo ng mga lalaki.

Pagkapasok sa banyo na para sa lalaki ay ibinaba na niya agad ang mga gamit at saka umupo sa trono. Napakapit na lamang siya sa pader at ipinikit ang mata. Humugot ng pwersa at saka idineposito ang kanina pang gustong sumilay sa kamunduhan.

Matapos ang matagumpay na pagbabawas ay nag-ayos si Karen at sinubukang buhusan ang inidoro, ngunit paikot-ikot lamang ang tubig at ayaw lumubog. Ilang beses pa niyang sinubukan ngunit ayaw talaga.

Naririnig na niyang kumakatok ang susunod na gagamit.

Advertisement

“kinse minutos ka na dyan sa loob ah?! Wala ka na bang mas ibibilis pa?” tanong ng lalaking parang galit na.

Tumatagaktak na ngayon ang pawis ni Karen at tila ba hindi na alam kung anong gagawin.

“Ano, dyan ka na ba tumira sa loob ng kubeta ha?!” muling sigaw ng lalaki.

Pinindot na lamang niya ang flush ng matagal sa pag-aakalang lulubog na ito ngunit imbes na lumubog ay umapaw ang tubig mula rito at kumalat sa sahig, papunta sa labas ng katabing kyubikel.

“Naku po,” mahinang bulong ng babae sa sarili.

“Ano ba yan! Napakabalahura mo naman!” sigaw ng lalaking galing sa labas.

Nag-iisip na si Karen ng gagawin ngayon.

“Lalabas ba ako tapos tatakbo ng mabilis o hihintayin ko na lamang na umalis sila?” tanong niya sa kanyang isip.

Advertisement

Maya-maya pa ay kinatok na siya ng tao sa labas.

Huminga siya ng malalim at saka binuksan ang pintuan, tatakbo na sana siya ngunit nakita niya ang mahabang pila ng mga kalalakihan sa banyo. Napalunok na lamang siya ng isa at saka yumuko, nagtakip ng mukha at saka nagmadaling maglakad.

Pumila na lamang siyang muli at saka umarteng parang walang nangyari. Nang makasakay ay napansin niyang nakatitig sa kanya ang lalaking katabi.

“Alam mo miss? Maganda ka sana, sayang, balahura lang,” bulong ng lalaki sa kanya.

Napaubo siya ng marinig ang wika ng lalaki at saka ipinikit ang mata na kunwari ay natutulog.

“Sa susunod, siguraduhin mo muna na maayos ang flush ng banyo bago ka gumamit, para hindi nakakahiya,” bulong muli ng lalaki.

“Pwede bang manahimik ka na lang? Malay ko bang sira yung flush ‘di ba?” mahinang tugon ng babae.

Tinignan niyang maigi ang lalaki. Lumaki ang kanyang mga mata nang makilala kung sino ito, si Vincent, ang pinagkakaguluhang lalaki lang naman sa kanilang paaralan at hinahangaan ng halos lahat ng kababaihan.

Advertisement

“Lord naman, bakit sa dinami-dami ng makakakita nun, bakit siya pa?” bulong ng kanyang isip habang napapakagat ng labi.

Nagkunwari na lamang siyang tulog sa kabuuan ng byahe dahil sa hiyang inaabot. Nang makauwi ay kumain na lamang siya at nagkulong sa kuwarto. Iniisip niya ang mga pangyayari kanina lang, habang sinisisi ang halo-halong kinain kahapon.

Natapos ang buong linggo at siya’y bumalik na sa Maynila. Habang nakaupo sa kantina ng eskuwelahan ay nakita niya si Vincent, tatayo sana siya upang umalis ngunit huli na, nagtama na ang kanilang mga mata.

“Puwedeng makiupo?” tanong ni Vincent habang dala-dala ang pagkaing kabibili lamang.

“Ah, nagkakilala na ba tayo noon? Di ko kasi matandaan,” inayos niya ang buhok at akmang tatayo na sana.

“Gusto mo bang ipaalala ko sayo kung saan tayo nagkita noon?” nang-aasar na saad ni Vincent.

“Umupo ka lang diyan at sabayan mo akong kumain,” dagdag pa nito.

Umupo na lamang si Karen at pinanood si Vincent habang kumakain.

Advertisement

“Ano bang gusto mo?” tanong ng babae.

“Ikaw,” mabilis na sagot naman ng lalaki.

“A-ako? Ano bang pinagsasasabi mo?”

“Wag ka nang magulo diyan! Maupo ka lang diyan, o baka gusto mong isigaw ko yung nasaksihan ko nung isang linggo,” pananakot naman ng binata.

Napairap na lamang si Karen. Matapos kumain ni Vincent ay umalis na lamang ito at iniwan siyang mag-isa sa lamesa.

Lumipas ang mga araw, Sabado nang muli. Maaga nang umalis si Karen ng dormitoryo at siniguradong nakapagbawas na bago umuwi. Nang makasakay na sa van ay laking gulat niya nang makita na si Vincent na naman ang katabi.

Hindi na siya kumibo at natulog na lamang. Nagising siya dahil sa malakas na preno ng drayber ngunit nagulat siya nang makita na nakaakbay sa kanya ang lalaki na natutulog din.

Nakaramdam siya ng pag-iinit ng mukha at napakapit na lamang ng mahigpit sa kanyang palda, ipinikit ang mata at saka inilagay ang ulo sa braso ng binata. Lihim naman na ngumiti si Vincent nang gawin ito ng dalaga.

Advertisement

“Hatid na kita sa inyo?” tanong ng binata nang sila’y makababa na.

“May paa naman ako, kaya ko nang umuwi mag-isa,” pagtataray naman ng dalaga.

“Alam ko, pero gusto kitang ihatid eh,” pamimilit pa rin ng lalaki.

“Bakit ba kasi?” medyo naiiritang tanong na ni Karen.

“Ikukuwento ko lang sa mama mo yung ginawa mo nung nakaraan Linggo,” natatawas saad ni Vincent.

Hinatid siya ng lalaki hanggang sa kanilang bahay. Bago pumasok ang dalaga ay may sinabi ito sa kanya na nagpatigil ng kanyang mundo.

“Tungkol dun sa sinabi ko nung nakaraang Lunes, totoo yun,” wika ng binata.

“A-ano yun?”

Advertisement

“Gusto kita Karen, lagi mo akong nakakasabay tuwing umuuwi ka dito sa bayan natin pero hindi mo ako napapansin,” seryosong tugon naman ng lalaki.

“Wag mo nga akong pinaglololoko!”

“Totoo yun, Karen. Nagkaroon lang ako ng lakas ng loob na kausapin ka, dahil dun sa nangyari nung nakaraang Linggo, pero Karen, matagal na kitang gusto.

Gusto kitang ligawan Karen, pero wag kang mag-alala, hindi ako na-turn off sa’yo, mas lalo nga ata akong nahulog dahil sa naging reaksyon mo noon eh,” natatawang saad ni Vincent.

“Patunayan mo muna!” paghahamon naman ni Karen.

Seryoso nga si Vincent sa kanyang mga salita, masigasig na niligawan niya ang dalaga. Pumupunta din siya sa kanilang bahay upang doon ay pormal na umakyat ng ligaw. At dahil mukhang seryoso naman talaga ang lalaki, ay sinagot na rin siya ni Karen.

Isang araw ay isinama ni Vincent ang nobya sa kanilang bahay. Ipinakilala niya itong pormal sa kanyang magulang, na lubos namang ikinasaya ng magulang ng lalaki. Gustong-gusto nila ang pagiging makulit at mabait ni Karen.

Matapos kumain doon ng meryenda ay nakaramdam si Karen ng pananakit ng tiyan, na pamilyar na pamilyar sa kanya kung anu nang kasunod. Nagpaalam siya kay Vincent na gagamit muna siya ng banyo dahil naiihi na siya.

Advertisement

Itinuro ng lalaki ang banyo sa ikalawang palapag dahil ginagamit daw ng kanyang ama ang banyo sa ibaba. Nagmadali nang umakyat si Karen at doon ay nagdeposito ng kargada.

Nang matapos ay kanyang pinindot ang flush, ngunit ayaw din nitong lumubog.

“Diyos ko, ito na naman po,” mahinang sambit niya. Sinubukan niya ng isang beses pa ngunit ayaw talaga.

“Baby, ayos ka lang ba diyan?” sigaw ni Vincent.

“Ahh, oo. Nag-aayos lang ako ng make up,” tugon naman niya. Butil-butil na ang kanyang pawis, dahil sobrang mapapahiya siya pag nagkataon.

“Buksan mo saglit ang pinto, may iaabot lang ako,” pakiusap ng lalaki.

“Saglit na lang at matatapos na ang make-up ko,” sigaw muli ng babae.

Wala na siyang ibang magawa kundi gawin ang nakakdiring bagay na pwede niyang magawa, dinakot niya ang deposito at saka inihulog sa maliit ng bintana ng banyo. Agad niyang hinugasan ng mabuti ang kamay at saka tinaktakan ng alcohol.

Advertisement

Pagbukas niya ng pinto ay ngumiti lamang siya kay vincent na may hawak ng toilet pump ngayon.

“Ahh, barado kasi yan, nakalimutan kong sabihin sayo,” nagngingiting wika ng binata.

“Ah, okay lang. Umihi lang naman ako,” tugon naman ng dalaga, ngunit bakas naman mukha nito ang butil ng mga pawis.

Maya-maya lamang ay nakarinig sila ng malakas na sigaw galing sa labas.

“Ano ba yan?! Saan galing itong nahulog na t*e?” sigaw ng mama ni Vincent na kasalukuyang naghahalaman sa labas.

Nagkatinginan lamang si Vincent at Karen at saka sabay na natawa.

“Kadiri ka talaga,” natatawang sabi ni Vincent.

“Pero ayos lang, mahal na mahal naman kita,” at saka niya hinalikan sa noo ang dalaga.

Advertisement

Nang dahil sa nakakahiyang pangyayari sa terminal ng van ay nagkaroon ng kulay ang buhay pag-ibig ni Karen. May mga pagkakataon talagang dumaradating ang pag-ibig sa di inaasahang pagkakataon. Nakakatawa mang isipin pero dahil sa sirang inidoro ay nakatagpo siya ng kanyang magpakailanman.