Natutong Magdabog ang Batang Ito Matapos Pagselosan ang Bagong Silang na Kapatid; Isang Pangyayari ang Magpapa-Alala sa Kaniya ng Kahalagahan ng Pagiging Kuya

Simula nang isilang ang kanyang nakababatang kapatid na si Darlene, nagsimula na rin mautusan ang nuwebe anyos na si Tristan. Noong una’y tuwang-tuwa pa ang bata dahil sa wakas ay magiging kuya na siya. Subalit nang makaranas ng paggawa ng ilang gawaing bahay, tila napuno ng inis at pagkasawa ang batang lalake.

“Kuya? Pwede bang pakihugasan na ang kaunting pinagkainan sa lababo? Papaliguan ko pa kasi ang kapatid mo.”, munting hiling ng inang si Joy.

“Kakahugas ko lang kanina, Mama ah! Ako na naman?”, reklamo ni Tristan.

“Sige na, Kuya. Nakita mo nang hirap si Mama sa pag-aalaga kay baby oh.”, malambing pa ring sabi ng ina. Bakas na sa mukha ng kanyang anak ang pagka-inis sa magkakasunod na utos at pakiusap.

“Ano ba ‘yan! Maglalaro pa dapat ako ng basketball kasama ng mga kaibigan ko eh!”, patuloy na reklamo ng bata.

“Puwede ka namang maglaro pagkatapos, hindi ba?”, unti unti nang nawawalan ng pasensiya si Joy sa kanyang panganay.

Agad namang napansin ni Tristan ang pagbabago sa tono ng ina kaya padabog na itong sumunod sa takot na hindi payagang lumabas ng bahay.

“Lagi na lang ako. Wala na akong ibang ginawa kung hindi sumunod sa utos. Dapat kasi hindi na lang pinanganak si Darlene e! Dati naman ako lang ang baby. Maghapon lang akong nakahilata o di kaya’y naglalaro!”, inis na inis na bulong ni Tristan sa sarili, habang padabog na nagsimulang maghugas ng pinggan.

Advertisement

Pahabol pa ng ina nang marinig na bumubulong ang anak, “Pauwi na ang Papa mo, iinit mo muna ang ulam para nakahanda na pagdating niya.” Lalong nainis ang bata, at dinig na dinig ang mabigat na yapak nito habang ginagawa ang mga utos sa kanya.

Nang dumating ang Papa ni Tristan na si Ronald, agad itong nilapitan ng kanyang misis.

“Mahal, kanina napansin ko ang panganay mo. Panay ang dabog. Nagugulat ako sa mga inaasal ng anak mo. Hindi naman siya dating ganyan.”, malungkot na sabi ni Joy sa asawa.

“Ganoon ba? Sige, ako ang bahala. Pagsasabihan ko agad pagkauwi niya.”, mabilis na tugon ng ama.

Nakauwing pawis na pawis at madungis si Tristan mula sa pagbabasketball kasama ang mga kaibigan. Pagkapasok ng bahay, siya ay pinaupo ng ama sa kusina at kinausap.

“Tristan, ang sabi sa akin ng Mama mo panay daw ang pagdadabog mo sa tuwing pinakikiusapan ka? Bakit ganoon?”, malumanay na tanong ng ama. Umaasa siyang magsabi ang bata sa kanya ng tunay na nararamdaman dahil noon pa ma’y mas malapit na ang bata sa kanya.

“Wala po. Sorry po.”, tanging mga salitang nasambit ng bata.

Pinagsabihan ng husto ng ama si Tristan.

Advertisement

“Alam mo namang nasa trabaho ako halos buong araw. Ang Mama mo, tulungan mo. Halos kapapanganak pa lamang niya. Alam kong matalino ka, kaya maiintindihan mo ang pakiusap namin sa iyo.“

Akala ng mag-asawa ay naintindihan na ng kanilang panganay ang mga pangaral sa kanya. Lingid sa kanilang kaalaman na lalo lamang umigting ang inis sa puso ni Tristan.

“Alam mo ba, araw araw na lang akong pinapagalitan sa bahay dahil sa Darlene na ‘yan. Palaging siya na lang ang bida. Siya ang magaling! Siya ang nakakaaliw!”, hinaing ni Tristan sa kaibigang si Marc.

“Hahaha! Hindi na ikaw ang prinsipe sa inyo!”, pang-aasar pa nito.

“Nako! Pag ako napuno, ewan ko na lang!”, patuloy na pagrereklamo ng binata, na akala mo ay aping-api sa kanilang tahanan.

Isang araw ay kinakailangang pumunta saglit ng mag-asawa sa ospital dahil nakakaramdam ng pananakit sa tahi sa puson ni Joy. Bilin ng doktor na huwag munang magbuhat ng mabigat ang misis upang hindi ito lumala. Kaya naisip ng mag-asawa na iwan na lamang panandalian kay Tristan ang sanggol na si Darlene.

“Tristan, anak? Ikaw muna ang bahala sa kapatid mo, ha? Sandali lang kami ng Papa mo. Mag-bonding muna kayong mag Kuya! Hehe.”, malambing na bilin ni Joy.

“Ah, sige po Mama. Ingat po kayo.”, magalang na sagot naman ng bata.

Advertisement

Nang makaalis na ang kanyang ama’t ina, may kumatok sa pintuan ng kanilang tahanan.

“Tristan! Bilisan mo, may mga dayong tiga kabilang barangay sa court! Hinahamon tayo kung sino raw ba talaga ang mas magaling mag basketball. Tara na! Bilis!”, pagmamadaling yaya ni Marc sa kaibigan.

“Nako! Umalis sina Mama e. Nandito si Darlene, kailangan kong bantayan.”, paliwanag ni Tristan.

“Ano ka ba! Hayaan mo na ‘yan. Tulog naman o! Sandali lang tayo. At saka ‘di ba lagi kang napapagalitan dahil sa batang ‘yan? Tara na!”, pangungunsinti ng binatilyo.

Napaisip si Tristan. Mahimbing nga namang natutulog ang kapatid, at sandali lamang siyang maglalaro upang bago pa makauwi ang kanyang magulang ay nasa bahay na siya.

“Oo na, tara na. Bilis!”, pagpayag ng batang lalaki.

Humahataw sa paglalaro si Tristan sa ginawang basketball court sa malapad na kalye nang makita ang galit na galit na ama’t inang tumatakbo papalapit sa kanya.

“Tristan! Halika dito! Ikaw bata ka? Nasaan ang kapatid mo? Hindi ba’t kabilin-bilinan kong bantayan siya at wag mong iiwan?”, galit na galit na tanong ni Joy.

Advertisement

Nagpaliwanag ang bata. Sinabi niyang mahimbing naman itong natutulog sa kanilang bahay.

“Natutulog?! Saan?! Wala, Tristan! Wala si Darlene sa bahay!”, halos himatayin ang amang si Ronald sa pag-aalala.

Nanlaki ang mata ng bata. Nanindig ang kaniyang mga balahibo nang marinig na wala sa bahay ang kapatid. Naalala pa nitong dahil sa pagmamadali ay naiwan niyang bukas ang pintuan nang siya’y umalis.

Sising-sisi ang bata at panay hingi ng tawad sa mga magulang.

“Sorry? Tristan, sorry?! Maibabalik ba ng sorry mo ang kapatid mo?”, humahagulgol ng lubos si Joy.

Agad namang nagreport sa pulisya si Ronald sa nawawalang anak.

Habang naghihintay ang mag-anak ng responde mula sa mga pulis, lumapit si Marc kay Tristan sabay bulong ng, “Naks! Nasasagot na ang mga panalangin mo ah. Ayan, wala na nga ang kapatid mo. Ikaw na ulit ang prinsipe sa inyo!”, pabirong hirit nito.

Imbes na matuwa’y galit na galit na tumayo si Tristan at sinigawan ang kunsintidor na kaibigan. “Walang nakakatawa sa sinabi mo! Lumayas ka nga sa harap ko!”

Advertisement

Nang umalis na ang kaibiga’y napaluhod ang bata at napaisip sa kanyang mga nagawa. Taimtim itong nanalangin.

“Lord, sana po’y mapatawad niyo ako sa mga nagawa ko. At yung mga hinihiling ko po noon na sana’y mawala na si Darlene, binabawi ko po ‘yon! Nagkamali po ako! Pangako, magbabago at magiging mabuting anak at kapatid na po ako. Ibalik niyo lang po ang kapatid ko!”

Patayo na ang bata sa pagkakaluhod, nang may bigla siyang marinig na pamilyar na tunog.

“Waaah, waaaah, owaaah!”, agad napalingon si Tristan nang marinig ang iyak ng kapatid na si Darlene.

Laking gulat nito nang makita ang ama’t ina na kasama na ang kapatid.

“Ano pong nangyari?!”, gulat na gulat na tanong ni Tristan. Gulat ngunit tuwang-tuwa nang marinig muli ang dating para sa kanya’y nakakainis na iyak ng kapatid.

“Ikaw bata ka! Ang Lola Mercy mo, nang madaan daw siya kanina sa bahay ay naririnig niya ang pag-iyak ng kapatid mo. Nang pumasok daw siya’y wala ngang tao. Kaya kinuha niya muna si Darlene at iniuwi sa kanila.”, ‘ika ni Joy, na masayang-masaya na nakita na ang bunso.

Agad namang niyakap ni Tristan ang kapatid. Kahit hindi naiintindihan ng bunso ay humingi pa rin ito ng tawad sa kapabayaang kaniyang ginawa.

Advertisement

Napabulong muli si Tristan sa langit habang nakapikit, “Diyos ko, maraming salamat po. Hinding-hindi ko po makakalimutan ang araw na ito.”

Magmula noon ay naging napakabuti ng anak ni Tristan at kailanma’y hindi na niya sinuway ang bilin ng kanyang mga magulang.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!