Bago Mag Retiro ay Naatasan ang Karpintero na Gawin ang Huling Proyekto Niya; Hindi Siya Makapaniwala sa Sopresang Natanggap nang Natapos ang Huling Proyekto

Labing pitong taon nang nagtatrabaho si Mang Freddie bilang isang karpintero sa kompanya ni Mr. Lee. Sa lahat ng naging trabahador sa kompanyang iyon ay tanging si Mang Freddie lamang ang siyang nagtagal ng ganoon.

Siya ang pinaka-pinagkakatiwalaan ni Mr. Lee sa mga proyektong kanilang ginagawa. Sa taglay na likas na galing ni Mang Freddie sa paggawa ng bahay ay labis itong ikinatutuwa ng kanilang mga kostumer kaya’t kada buwan ay napakaraming proyekto ang pumapasok sa kompanya.

Napagtapos niya ang kanyang limang anak sa kolehiyo at naitawid ang pamilya sa kahirapan dahil sa kanyang pagkakarpintero. At dahil may kanya-kanyang trabaho na ang mga anak ay napagdesisyunan na ni Mang Freddie na magretiro na sa pagtatrabaho bilang isang karpintero.

“Boss, gusto ko na po sanang magpaalam. Nais ko na po sanang magpahinga sa pagkakarpintero upang makasama ko na ng matagal ang aking asawa at mga anak.

Nais ko lamang din pong magpasalamat sa labing pitong taon na pagkupkop ninyo sa akin sa kompanyang ito,” ang sabi ni Mang Freddie.

“Nakakalungkot naman po Mang Freddie at magpapaalam ka na pala. Ano naman na po ang gagawin ninyo niyan pag nagretiro ka na?” tanong naman ni Mr. Lee.

“Nais ko pong magtayo na lamang ng maliit na negosyo sa tahanan namin upang mayroong pagkaabalahan kahit papaano. Mayroon na rin po akong naipon na maari ko pong gamiting kapital at palaguin,” tugon naman ng lalaki.

“Ganun po ba, Mang Freddie? Kung ganoon po ay kayo po ang bahala. Kung buo na po ang desisyon ninyo ay irerespeto ko po ito at hindi ko na kayo pipigilan pa,” mahinahong sagot naman ng amo.

Advertisement

“Maraming salamat po talaga boss sa oportunidad na ibinigay ninyo sa akin sa mahabang panahon,” nakangiting saad naman ng lalaki.

“Pero pwede po ba akong humingi ng huling pabor bago kayo tuluyang umalis sa kompanyang ito?” pahabol pa ng kanyang amo.

“Ano po iyon, boss?”

“May malaking kliyente kasi ako, nais nila ang isang magandang bahay para sa kanila. Nais ko sana na ikaw ang gumawa nito. Ikaw lamang ang pwede kong pagkatiwalaan sa ganitong kalalaking proyekto,” pakiusap pa ni Mr. Lee.

Napaisip naman ang may edad na karpintero, “Kailan po ba ito sisimulan, boss?” tanong niya.

“Sa lalong madaling panahon sana. Huwag kang mag-alala, malaki ang matatanggap mo sa proyektong ito, Mang Freddie. Pandagdag pa ito para sa pinaplano mong negosyo,” alok pa ng amo.

“Sige, boss. Kung huling proyekto ko naman na ito sa kompanya ninyo ay aking gagawin na ang lahat at ibubuhos ko lahat upang mapaganda ito,” nakangiting tugon pa ni Mang Freddie.

“Mas malaki pa ito sa mga nahawakan mong proyekto kaya ikaw lamang ang may kakayahan na tapusin itong ganito kalaking bahay. Salamat, Mang Freddie! Maaasahan talaga kita, kahit na ipapahinga mo na lamang sana ang oras na gugugulin mo para dito,” tuwang-tuwang wika ni Mr. Lee.

Advertisement

“Oo naman, boss. Naging malaking parte na ng buhay ko ang kompanyang ito, kaya’t gagawin ko ang lahat upang mapaganda natin ito para sa inyong kliyente.”

Sinimulan na nilang planuhin ang bahay na itatayo sa isang malaking bakanteng lupa. Kanilang kinuha ang isang tanyag na arkitekto upang idisenyo ang malaking bahay na gagawin.

Agad namang umorder ng pinakamatitibay at mahal na materyales si Mang Freddie upang makasiguro sa kaledad ang gagawing proyekto. Matapos ang ilang araw na pagpaplano ay agad na nilang sinimulan ang paggagawa ng bahay.

Naggugol siya ng maraming panahon para rito. Ginawa niya itong magarbo at ibinuhos ang dugo’t pawis para sa proyekto. Hindi na alintana ang mainit na araw, basta makasiguro lamang na matutuwa ang kliyente nila.

Palaging dumadalaw si Mr. Lee sa lokasyon upang tignan ang mga pagbabago sa ginagawang bahay. Labis ang lungkot niya habang tinitignan si Mang Freddie na ginagawa ang huling proyekto. Isa siya sa mga naging malapit na kaibigan niya sa kompanya.

“Napakahusay mo talaga, Mang Freddie! Akalain mong parang kailan mo lang sinimulan itong bahay, ngayon ay malapit na itong matapos? Bilib na talaga ako sa’yo!” papuri ng amo sa karpintero.

“Lahat ng ito ay para sa kompanya, boss. Buong puso ang dedikasyon ko upang matapos lamang ito. Paniguradong matutuwa ang kliyente ninyo dito. Napakaganda, boss!” tugon naman ng karpintero.

Napangiti lamang si Mr. Lee habang inililibot ang mga mata sa mataas na bahay. Kaunting ayos na lamang at matatapos na rin ang malaking bahay. Muling bumalik si Mang Freddie sa trabaho at saka ipinagpatuloy ang paggagawa ng bahay.

Advertisement

Makalipas ang ilang buwan ay sa wakas natapos na rin ang isang napakagandang bahay. Moderno ang disenyo nito at sobrang kaaya-aya. Lahat ng makakita ay namamangha sa pagkakagawa nito. Bakas ang tibay at buong pusong pagpupursigi ni Mang Freddie na mapaganda ito.

Agad na ipinatawag ni Mr. Lee si Mang Freddie sa kanyang opisina upang kausapin ito bago tuluyang umalis sa kompanya. Pinasama nito ang buong pamilya ng karpintero upang pagsaluhan ang mga pagkaing ipinahanda bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo sa kompanya.

“Napakaganda ng ginawa ninyo, Mang Freddie! Ibang klase ka talaga,” malakas na papuri ni Mr. Lee.

“Ito tanggapin ninyo, ang bonus niyo,” iniabot ni Mr. Lee ang isang makapal na sobre.

Napangiti lamang ang karpintero at magalang na tinanggihan ito. “Naku, huwag na po Mr. Lee. Sapat na sa akin ang ginawa ninyong pagtulong sa akin at sa pamilya ko sa mahabang panahon.”

“Kayo po ang mas malaki ang naitulong sa akin, kaya tanggapin ninyo ito,” inilapat ng amo ang sobre sa kamay ng karpintero at saka ngumiti.

“Buksan mo, Mang Freddie. Galing din iyan sa kliyente ko na ginawan mo ng bahay kaya sigurado akong matutuwa ka.”

“Maraming salamat po talaga boss! Napakabait ninyo sa amin,” maluha-luhang tugon ni Mang Freddie.

Advertisement

Kumuha naman ng isang maliit na pulang kahon si Mr. Lee at saka ibinigay sa asawa ni Mang Freddie. Regalo daw niya ito dahil sa kabaitan at katapatang ipinamalas ng asawa. Napaluha na lamang si Mang Freddie at ang asawa nito nang makita ang laman ng sobre at kahon.

“Titulo ho iyan ng bahay na itinayo ninyo Mang Freddie, at ang mga susi sa kahon ay ang susi sa bago ninyong tahanan. Ikinagagalak kong makatrabaho kayo ng matagal na panahon, kaya regalo ko iyan sa lahat ng ginawa ninyo para sa aking kompanya,” nakangiting wika ng lalaki.

Hindi pa rin makapaniwala si Mang Freddie sa mga nangyayari. Patuloy ang pagbuhos ng kanyang mga luha dahil sa mga nangyayari. Isang napakagandang regalo ang natanggap niya sa labing pitong taon na pagtatrabaho.

Ang mga karanasan ni Mang Freddie ay maihahalintulad sa mga naging karanasan natin, dahil sa buhay na ito ay tayo mismo ang karpintero ng sarili nating kapalaran at tayo rin ang gumagawa ng ating magandang pangalan, at tayo rin ang lumilikha ng sarili nating kapalpakan.

Araw-araw ay itinatayo natin ang bawat haligi ng ating buhay at tayo lang ang nakakaalam kung ito’y matibay, at tayo rin lang ang nakakaalam kung kayang tibagin ito ng anay.