Nakasanayan na ng Dalaga ang Maluwag at Maginhawang Buhay; Sa Isang Iglap ay Nagbago ang Lahat nang Minsang Pinatikim sa Kanya ang Reyalidad at Kahirapan ng Buhay

Lumaki si Lyca sa isang pamilya na nasa kalagitnaan ang antas. nakakaluwag-luwag sila sa buhay pero hindi tulad ng ibang mayayaman na kayang bilhin ang halos lahat ng mamahaling bagay sa mundo. Simple ngunit masaya at may pagkakaisa ang kanilang pamilya.

Napalaki sila ng maayos ng kanilang pamilya, napupunan naman din at natutustusan ang lahat nilang pangangailangan pati na ang ilang bagay na kanilang nagugustuhan. Apat silang magkakapatid at pangalawa sa Lyca sa bilang.

Nagsimula ang kanilang pakikibaka sa hamon ng buhay noong mag kolehiyo na ang kanyang kuya. Hindi na nagiging sapat ang kinikita ng kanyang mga magulang upang mapag-aral sila sa maganda at pribadong paaralan.

Kinailangan ng kanyang ina na mangibang bansa upang masolusyonan ang mga kinakaharap na problema. Iyon din ang panahon kung saan nangapa sila ng sobra sa buhay na mayroon sila ngayon.

Natutunan nilang magluto ng pansariling pagkain, maglaba ng mga pinaghubarang damit, matuto ng mga gawaing bahay at magawa ang mga bagay na hindi nila nakasanayang gawin habang lumalaki.

Dahil abala na ang kanyang kuya sa pag-aaral sa unibersidad, kinailangan ni Lyca na magsipag at tumayong ina para sa mga nakababatang kapatid habang wala ang kanilang mama. Gumigising siya ng umaga upang maghanda ng pagkain, mag ayos ng mga uniporme ng mga kapatid at maglinis ng tahanan bago pumasok sa paaralan.

Naging mahirap para sa kanya ang kumuha ng ganoong obligasyon, ngunit kailangan niyang maging matatag para sa magulang, mga kapatid at pangarap na inaasam-asam.

Nag-aral siya ng hayskul sa isang pribadong paaralan na pinamamahalaan ng mga madre. Noong una ay hirap na hirap siya sa panibagong pakikisama sa mga kaklase, subalit hindi naglaon ay natutunan naman na din niyang makisama.

Advertisement

Sa kanyang pagpasok sa panibagong paaralan ay hindi niya inaasahan na malaki pala ang pagbabagong idudulot nito sa kanya. Mula sa pagiging responsibleng anak ay mauuwi pala siya sa pagiging black sheep ng pamilya. Natutunan niyang mag bisyo sa murang edad.

“Suspendido ka ng dalawang buwan dahil sa paglabag mo sa patakaran ng eskwelahang ito! Di ba’t nakalagay na sa libro ninyo na bawal ang manigarilyo at mag-inom sa paaralan? Bakit ginawa mo pa rin ha?” galit na sabi ng Punong Madre ng paaralan.

“Sorry po, sister. Pangako na hindi ko na po uulitin,” nahihiyang tugon naman ni Lyca.

“Dapat lamang! Dahil pag ito naulit pa, sinisiguro ko na mapapatalsik ka sa paaralang ito,” seryosong saad naman ng madre.

Dalawang buwan siya nanatili sa bahay at doon ipinagpatuloy pansamantala ang pag-aaral. Labis naman ang pagkawasak ng puso ng kanyang ama nng mabalitaan ang nangyari sa anak.

“Anak, bakit mo naman ginawa iyon? Nagkulang ba kami sa’yo? ‘Di ba sapat ang mga paalala na ginawa namin ng mama mo?” umiiyak na tanong ng ama ni Lyca.

“Sorry po, papa. Pangako po na hindi na ito mauulit pa. Bigyan ninyo lamang po ako ng pagkakataon na makabawi,” nahihiyang tugon naman ng dalagita.

Hindi rin niya maipaliwanag ang sakit na nadama noong makita ang kanyang ama na lumuluha dahil sa mga bagay na nagawa niya. Pakiramdam niya ay itinapon niya ang lahat ng sakripisyo ng kanyang mga magulang at ang kanyang mga pangarap dahil sa kasalanang nagawa.

Advertisement

Sinubukan niyang bumawi sa mga naging pagkukulang at nagtagumpay naman siya, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay bumalik na naman ang pagiging pasaway ni Lyca. Muntikan pa siyang hindi makapagtapos ng 4th year dahil nahulihan siya na humihithit muli ng sigarilyo sa may banyo ng paaralan.

Tumawag ang mama niya sa paaralan upang makausap ang direktor ng paaralan. Iyak ito ng iyak habang nagmamakaawa na hayaang makaakyat ng entablado at makapagtapos ang anak. Inobserbahan muna ng mga guro kung magkakaroon pa ng pagbabago kay Lyca bago siya pinahintulutang makapagtapos ng hayskul.

Nung mag kolehiyo naman ay hindi pinayagang mag Maynila si Lyca. Mas minabuti na ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya sa isang unibersidad na malapit nasa probinsiya lamang nila. Dahil sa mga ginawa ni Lyca noong hayskul ay nawalan na ng tiwala sa kanya ang kanyang magulang.

Kumuha siya ng kursong Information Technology. Noong una ay naging ayos lamang ang takbo ng kanyang pag-aaral, hanggang sa dumating muli ang isang malaking dagok sa kanilang buhay.

Noong 2nd year siya ay aksidenteng nadulas sa trabaho ang kanyang ina at na-komatos doon. Iyon ang pinakamadilim na naging parte ng kanilang buhay. Dahil nga sa kalagayan ng ina, pansamantalang natigil ang pagpapadala sa kanila. Hindi naman sapat ang kinikita ng kanyang ama upang matustusan ang lahat ng kanilang gawain.

Nang magkamalay na ang kanyang ina ay agad itong pinuwi sa Pilipinas. Hindi na nila ito muli pang pinabalik sa ibang bansa para mangamuhan. Dahil dito ay mas lalong naging gipit sila sa pagpepera.

Ang maginhawang buhay na nakasanayan nila ay kinailangan nilang isuko at mamuhay ng naaayon sa laki ng salapi na pumapasok sa kanila. Tuwing magkakaroon ng eksaminasyon at laman lagi ng opisina ng direktor ng kurso si Lyca upang makiusap na pakuhain siya ng eksam kahit na hindi pa nakakabayad.

Suki na din siya ng promissory notes tuwing bayaran ng matrikula. Habang tumataas ang lebel ng kanyang pag-aaral ay palaki naman ng palaki ang kanyang gastos. Masaya naman siya na kahit ganoon ay naigapang niya ang 2nd year niya sa unibersidad.

Advertisement

Dumating na sila sa puntong walang-wala na talaga sila. May kaunting inggit siya minsan sa tuwing nakikita ang magagandang gamit, cellphone at mga branded na damit ng mga kaklase.

“Hindi panghabang buhay na ganito lang ang buhay ko. Hindi parati nasa baba lamang ako. Kailangan kong lumaban para sa pangarap ko,” bulong niya sa kanyang sarili.

Nag-alok siya ng pag gagawa ng mga proyekto, takdang aralin at ibang mga gawaing pang eskwela sa mga kamag-aral, kapalit ng sapat na bayad para rito. Kahit pag gawa ng thesis ng mga malapit nang magtapos ay pinatos na niya upang may maitustos lamang sa pag-aaral.

Pati pagbebenta ng mga make-up at mga sabong pampaganda ay pinasok na niya madagdagan lamang ang kinikita. Pati panandaliang kurso sa TESDA na libre ay isinabay na niya sa pag-aaral upang mas lumawak pa ang pwede niyang maidagdag sa kanyang mga side line.

Nang makatapos na sa TESDA ay agad siyang nag aplay sa isang kilalang beauty salon at doon nagtrabaho ng paglilinis ng kuko at pagkukulay ng buhok. Pagod man ang pangangatwan ay kinailangan niya lumaban sa hamon ng buhay. Hindi na alintana ang pagod ng katawan. Lahat ng lakas niya ay isasakripisyo niya para sa pangarap.

Nakaipon siya ng malaking halaga na sapat na upang mabayaran hanggang huling semester niya sa unibersidad. Paunti-unti ay nabibili na niya ang mga pangangailangan at ilang gamit na nagugustuhan. Pag-aakala ng iba ay anak mayaman siya, pero ngumingiti siya at sinasabi ang tunay na dahilan.

“Wow naman, Lyca! Ikaw na ang rich kid! Afford na afford ang mga mamahaling gadgets ah?” biro ng isang kaklase.

“Lahat ng mayroon ako ngayon ay pinaghirapan ko. Lahat ng ito ay bunga ng dugo at pawis ko. Masarap lang pala talaga na mahawakan at mabili ang mga bagay na alam mong pinaghirapan mo,” nakangiting tugon naman ni Lyca.

Advertisement

Sa ngayon ay nakapagtapos na si Lyca ng kolehiyo. Nagtatrabaho na din siya sa isang Advertising company. Ngayon ay nakakatulong na siya sa bahay at pinag-aaral ang mga kapatid na sumunod sa kanya.

Minsan, sa tuwing inaalala niya ang hirap na pinagdaanan ay magkahalong ngiti at luha ang nangyayari sa kanya. Sa tuwing kumakain sila ng masarap na pagkain at naiisip niya ang mga panahong candy lamang ang laman ng sikmura niya kapag hindi nakakakain ng tanghalian.

Hinulma siya ng pagsubok sa buhay upang mas maging matatag at malakas na tao. Simple lang naman ang gusto niyang iparating na mensahe sa kwenti niyang ito, kahit gaano kalalim pa tayo ilubog ng pagsubok ng buhay, pilitin nating lumangoy pataas at abutin hanggang marating natin ang tuktok ng tagumpay.

Hindi nawawala ang pagsubok sa buhay, ang kailangan lamang natin ay ang maging matatag at matiyaga. Ibigay natin lahat ng ating makakaya at hayaang ang Diyos na lamang ang bahalang umakay sa atin sa iba pang pagdaraanan. Hangga’t may umaga pang dumarating, tuloy lamang ang laban!