Maniniwala o Matatakot?

Umiiyak na naglalakad si Faye sa seaside sa isang mall malapit sa kanila. Kusa na lang pumapatak ang mga luha nito sa tuwing dumadaan sa isip niya ang lahat ng pinagdadaanan niya.

“Pagod na pagod na ako,” wika nito sa sarili.

“Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Kaya ko pa ba? Ano Faye, kaya mo pa ba?” naiiyak nitong tanong sa sarili.

Naging isang mahabang araw kasi ang araw na ito para kay Faye. Mula sa maingay na umaga nito dahil sa kanyang nag-aaway na magulang, dagdag pa ang walang laman na niyang wallet na sinundan pa ng mahabang sermon mula sa kanyang boss sa opisina, hindi na maipinta ni Faye ang kanyang mararamdaman sa araw na ito.

Akala niya ay dito na magtatapos ang ‘di magandang pangayayari sa buhay niya ngunit dinagdagan pa ito ng mga kaibigan niya hindi sumipot sa kanilang pagkikita. Nakasalubong pa nito ang dating kaklase na noon ay tinuturuan niya lang sa klase, pero ngayon ay isang lawyer na. Pakiramdam ni Faye ay napakawalang kwenta niya nang tao sa mundo.

Kaya imbes na umuwi agad ay mas pinili nitong pumunta malapit sa isang dalampasigan. Isa kasi ang dagat sa nagpapakalma sa kanya. May malapit na dalampasigan sa isang mall sa Maynila. Kahit matao dahil sa dami ng kainan at pasyalan doon ay hindi ito ininda ni Faye. Ang mahalaga sa kanya ay makaupo sa seaside ng nakaharap sa dagat, para kahit umiyak siya nang umiyak ay hindi ito makikita ng ibang tao.

Habang nakaupo at tulala ay mahinang boses niyang kinausap ang sarili.

“Ano na Faye? Ano na? Ganito ka na lang ba?” tanong nito sa sarili.

Advertisement

“Siguro tama nga si nanay, napag-iiwanan na ‘ko. Sinayang ko lang yung mga pagkakataon dati. Wala rin naman pala akong kahahantungan,” sabi nito sa sarili habang inaalala ang sinabi ng kanyang ina kaninang umaga.

“Bakit kasi puro na lang sakit? Bakit parang hindi na tumigil lahat ng pagsubok? Bakit parang hindi natatapos? Napapagod na ako,” ani Faye habang unti-unting pumapatak ang mga luha niya.

Lumaki si Faye na kasama ang kanyang buong pamilya. Ngunit tulad ng ibang pamilya, lahat ay may kanya-kanyang pagsubok na pinagdaraanan. Dahil kapos sa pera at madami silang magkakapatid, pinili na ni Faye na magtrabaho na lamang para may katulong ang mga magulang nito sa pagta-trabaho para sa kanilang pamilya.

Labag man ito sa kanyang ina dahil nais nitong makatapos ang anak, ay nagdesisyon na si Faye na hindi muna tapusin ang pag-aaral. Alam niya kasi ang hirap na pinagdadaanan ng mga magulang nito sa araw-araw na pagkayod para lang matustusan ang mga pangangailangan nilang pitong magakakapatid.

Ilang beses din kasi ntong pinalipas ang mga pagkakataon na makapag-aral ng libre. Hindi na niya kasi ito lubos na matutukan pa dahil mula nang tumigil sa pag-aaral ay nagtrabaho na nang nagtrabaho si Faye. Bukod sa regular na trabaho niya, samu’t-saring raket din ang pinapasok niya. Nakakapagod man ay hindi niya ito ininda basta makita niya ang masasayang ngiti ng kanyang mga kapatid pag uwi nito sa kanilang bahay.

May pagkakataon naman na nagkakaproblema ito sa trabaho. Nagkakamali siya sa mga ginagawa at napapabayaan na nito ang kalidad ng kanyang pagta-trabaho. Alam ni Faye na may mas igagaling pa siya, ngunit hindi na niya alam kung magagawa niya pa.

“Faye, ano nang nangyayari sa’yo? Hindi ka naman ganyan dati! Bakit ngayon ay napakawalang kwenta mo na,” umiiyak niya itong sinabi sa sarili.

Dumagdag pa ang realisasyon na hindi niya naabot ang pangarap na gusto niya, at napag-iwanan na siya ng mga taong kasabayan niyang nagsimula.

Advertisement

Walang mapagsidlan ang pagod at sakit na nararamdaman ni Faye sa mga sandaling iyon. Maya-maya ay nagulat ito nang may biglang lumapit sa kanya at tinabihan siya.

“Grabe, ang sarap tumambay dito ‘no?” wika ng dalagang sabay niyang nakatanaw sa dagat.

“Oo nga e. Lagi ka bang nandito?” tanong ni Faye na biglang pinunasan ang kanyang mga luha.

Nag-aalangan man na kausapin ang isang estranghero ay hinayaan niya na lang ito tumabi sa kanya at makipag-usap.

“Oo, madalas ako dito lalo na sa tuwing masaya ako,” nakangiting sagot ng babae.

“‘Wag mo punusan ‘yang luha mo. Hayaan mo siyang umagos nang umagos hanggang sa maubos ito kasabay ng sakit na nararamdaman mo,” dagdag nitong sinabi kay Faye.

At tuluyan na ngang umiyak si Faye.

“Hindi ko kasi alam ang gagawin ko. Gusto ko nang sumuko kaso wala rin naman patutunguhan kung susuko na ako. Pero hindi ko na rin kasi alam kung saan ako lulugar sa mundong ito. Para bawat araw na magdaan ay may kaakibat na lungkot,” sagot naman ni Faye.

Advertisement

“Parang walang katapusan pagtatanong sa sarili kung sino, ano, bakit at paano. Walang katapusang pag-iisip ng mga ‘paano kung’ at mga ‘siguro’ na kailanman ay hindi masasagot,” dugtong nito.

Tahimik na nakinig ang dalaga kay Faye. Hinayaan niya itong ilabas ang lahat ng hinagpis at ibuhos ang lahat ng kanyang luha.

“Hindi ako pala-iyak na tao. Lagi akong nakikita ng mga tao na masaya lang palagi. Kaya nga minsan ay naiisip ko na sana’y may magtanong naman sa akin kung okay pa ba ako at kung kaya ko pa, para kahit papaano ay maramdaman kong may nag-aalala para sa’kin,” ani Faye habang patuloy na nakikinig lang ang dalaga.

“Alam mo ba minsan nga ay naisip ko kung tunay nga ba akong masaya. Naisip ko na baka malungkot naman pala talaga tayong lahat, at hinahayaan natin ang bawat saya na takpan yung kalungkutan,” patuloy na sabi ni Faye.

Nagkaroon ng kaunting katahimikan ng matapos si Faye sa pag-iyak. Tila napagod na rin ang mga mata nito sa pagluha.

“Mali ka, Faye. Hindi tayo malungkot talaga, masaya talaga tayo. Sadyang nakakalimutan lang natin sumaya kapag nakakaramdam na tayo ng mga pagsubok o problema. Hinahayaan natin na lamunin ng kalungkutan ‘yong malaking kasiyahan sa ating mga puso,” wika ng babae kay Faye habang patuloy ang pagtitig nila sa kalawakan ng payapang dagat.

“Lagi mo ring tatandaan na ang buhay ay hindi isang karera. Hindi mo kailangan makipag-unahan, hindi mo kailangang makipagpagalingan. Hindi mo kailangan magmadali sa buhay. Oo may mauuna sa’yo, pero hindi ibig sabihin noon ay napag-iwanan ka na,” dagdag pa ng babae.

“Kasi kung para talaga sa’yo, ibibigay ‘yan sa iyo. Paano kung hindi mo naranasan lahat ng pagsubok na ‘yan? Sa tingin mo ba magiging kasing tatag mo ‘yang sarili mo ngayon? Dinala ka sa sitwasyon na ‘yan kasi kaya mo, kasi walang ibang makakagawa at walang ibang makakalagpas kundi ikaw lang. Kahit mahirap, kahit masakit na, lagi mong titingnan ang magandang naidududulot ng pagsubok sayo.” sabi ng babae kay Faye na nakikinig sa kanya.

Advertisement

Napansin ng babae na tahimik nang nakikinig si Faye at wala na rin luha ang lumalabas sa mga nito. Bakas pa rin ang lungkot sa mga mata nito kaya agad niya itong hinila patayo.

“Basta ‘pag sobrang sakit na, ilabas mo lang lahat ng nararamdaman mo. Ibalik mo sa mundo lahat ng sakit na pinaparamdam niya sa’yo,” bilin ng babae habang hinila siya nito at niyayang mamasyal.

“Halika! Pumasyal tayo, hahanapin natin ulit yung saya sa puso mo,” paanyaya nito kay Faye.

Sumama na rin Faye dahil mabait naman ang babae. Nag-ikot sila sa bayside, nagkwentuhan ng mga masasayang ala-ala, sumakay sa mga rides habang sumigaw ng malalakas para mailabas lahat ng ‘di magandang enerhiya. Sinamahan pa siya ng babae na pumunta sa isang shop na may kumakantang banda, at napilit niya si Faye na kumanta rito.

Naging mahaba din ang kanilang pamamasyal. Hanggang sa nagka-yayaan silang magpakuha ng litrato sa isang photo booth machine.

Nang magpapaalam na ang dalawa sa isa’t isa ay nagbilin na ang babae.

“Faye! Magpakatatag ka. Hindi mo kailangan hanapin ang sarili mo para lang may mapatunayan sa mundo, ikaw ay ikaw. Kailangan mo lang mahanap yung pagmamahal mo sa sarili mo. Nandiyan lang si Faye na hinahanap mo, nasa puso mo,” wika nito habang kumakaway palayo kay Faye.

Nang makauwi ay agad na pinagnilayan ni Faye ang mga sinabi ng babae. Mahirap man, pero alam niya na dapat siyang magpakatatag pa lalo, hindi lang para sa kaniyang pamilya na umaasa sa kanya, ngunit higit sa lahat ay para sa kaniyang sarili.

Advertisement

Kinabukasan pagkatapos sa opisina ay bumalik si Faye sa may seaside. Nais niya sanang makita ulit ang babae para pasalamatan. Ngunit lumipas ang gabi na hindi niya ito nakita.

Sinubukan niyang ipatanong ito sa mga lugar na napuntahan nila hanggang sa mapagtanungan niya ang banda na pinayagan siya kumanta kasabay nila.

“Ha? Eh wala ka naman kasama kahapon eh. Ikaw lang mag-isa. Nung nagtanong kami kung sino gustong kumanta ay bigla mong tinaas yang kamay mo nang nakangiti,” sagot ng bokalista ng banda.

“Ay hala seryoso po ba kayo?” pagtatanong nito ulit na takang-taka dahil malinaw na malinaw pa rin ang naalala niyang nangyari kahapon.

Hanggang sa naisip nitong tingnan ang litrato mula sa photobooth kahpon at halos mahimatay siya nang makita na walang siyang kasama sa litrato. Nagtaka at kinabahan ito dahil hindi niya maintindihan kung paano iyon nangyari.

Habang papauwi ay paulit ulit niya iniisip ang nangyari at nang makapagpahinga na siya sa kanyang kwarto ay unti-unti niya ng naintindihan ang nangyari.

Ang babae kasama niya kagabi ay ang kanyang sarili. Masayahin na salamin ng kanyang sarili ang babaeng akala niya ay kausap niya kahapon. Dito niya mas naintindihan ang mga huling katagang sinabi nito. Sa pagkalungkot ni Faye, ay natagpuan niya ang sarili na tumulong sa kanya para makita ang mabuti sa isang sitwasyo at kung paano mahanap ay kasiyahan sa kanyang puso.

Na sa panahon na pakiramdam natin ay pagod na tayo, ugaliin lang nating hanapin ang mabuti at saya sa ating mga puso. Na ang sarili natin ang una natin kakampi sa mga pagsubok at pighati ng buhay, at ang sarili rin natin ang laging unang makatulong sa paulit-ulit na pagbangon natin sa lahat ng ating pagkakadapa.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!