Kahit Masama ang Pagtrato ng Binata sa Kanilang Drayber ay Patuloy pa rin ang Matanda sa Pagsisilbi sa Kaniya; Malalim pala ang Nililihim Nitong Dahilan

Kahit Masama ang Pagtrato ng Binata sa Kanilang Drayber ay Patuloy pa rin ang Matanda sa Pagsisilbi sa Kaniya; Malalim pala ang Nililihim Nitong Dahilan

FamilyLoveStories

Sampung taon nang nagtatrabaho si Mang Domeng bilang drayber sa pamilya nila Don Facundo. Sa tagal niya sa kanila ay halos nasubaybayan niya na ang paglaki ng mga anak nitong sina Lucas at Mira. 

Si Mira na bunsong anak ang paborito ni Don Facundo. Halos lahat ng pagmamahal at atensiyon ay ibinubuhos niya sa dalaga. Agad din niyang ibinibigay kahit ano man ang hilingin nito. Habang tira-tira na lamang at halos wala siyang interes sa panganay na anak na si Lucas.

Nang dahil dito ay kinaawaan ni Mang Domeng si Lucas. Kahit na madalas ay masama ang trato sa kaniya ng binata ay patuloy pa rin siya sa pagsisilbi at pag-aalaga rito sa tuwing ito ay naglalasing sa bar. Kahit inaabot ito ng madaling araw sa mga inuman ay hinihintay niya ito at sinisiguradong makakauwi ito nang ligtas sa mansyon.

Isang gabi ay napunta sa presinto si Lucas nang dahil sa pakikipag-away nito sa bar. Kahit anong tawag niya sa kaniyang ama ay hindi siya pinuntahan nito upang tulungan kaya naman noong hindi na makatiis si Mang Domeng ay siya na ang nagpiyansa rito gamit ang kaniyang sariling ipon.

Pagkauwi nina Lucas ay agad niyang kinausap ang kaniyang ama sa hindi nito pagtulong sa kaniya.

“Mabuti pa si Mang Domeng pinyansahan ako. Ikaw na ama ko, wala ka man lang pakialam sa’kin! Anong klaseng ama ka?!” bulyaw ni Lucas.

“Ano pa bang gusto mo? Pinalaki kita at tinutustusan ko naman ang lahat ng pangangailangan mo pero ganito pa ang ginagawa mo!” sagot ni Don Facundo.

“Ginagawa ko ‘to dahil sa’yo,” sagot naman ni Lucas.

Ipinaalam niya sa kaniyang ama na pilit niyang kinukuha ang amor at atensiyon nito noon pa man kaya naman parati niyang ginagalingan sa eskwela at parati siyang sumusunod sa mga kagustuhan nito. Ngunit gayunpaman ay balewala pa rin siya rito kaya naman siya ay nagrebelde upang makuha man lang ang atensiyon nito.

Kinuwestiyon din ni Lucas ang hindi pantay na pagtingin ng ama sa kanilang magkapatid, “Si Mira ang dahilan ng pagkawala ni Mama. Nam*tay si Mama na pinakamamahal mo sa pagluwal kay Mira, pero bakit mas mahal at mas pinapaboran mo pa rin siya?” 

“Dahil si Mira lang ang tunay kong anak sa inyong dalawa! Hindi kita anak!” pagsiwalat ni Don Facundo bago isalaysay ang mga nangyari noon.

Niloko umano siya ng pamilya ng ina ni Lucas. Nagdadalantao na pala ito bago pa sila ikasal. Imbes na ipaalam sa kaniya ay nilihim nila ito at pinaako sa kaniya ang sanggol na hindi niya kaano-ano bilang sarili niyang anak nang wala siyang kaalam-alam. Huli na noong ipaalam ito sa kaniya ng asawa noong nag-aagaw buhay ito matapos ipanganak si Mira.

“Kung hindi lang ako nakapangako sa Mama mo noon na patuloy kang tutustusan ay matagal na kitang pinabayaan. Kaya kung matapos ang lahat ng iyon ay puro kahihiyan at sakit pa ng ulo lang ang gagawin mo, mabuti pang umalis ka na sa poder ko!” ang sabi ni Don Facundo.

Ikinagulat ni Lucas ang kaniyang mga narinig. Doon niya naunawaan kung bakit biglang nagbago ang trato sa kaniya ng kinilala niyang ama matapos p*manaw ng kaniyang ina.

Nang dahil doon ay naramdaman ni Lucas na wala na siyang puwang sa bahay na ‘yun. Wala na siyang nagawa kundi umalis sa mansyon bitbit ang mga maletang naihanda na ni Don Facundo bago pa siya makauwi. Isinama siya ni Mang Domeng sa kaniyang tahanan sapagkat alam niyang walang maaasahan na matutuluyan ang binata.

Dahil sa mga nangyari ay lalong nagpakalango sa alak si Lucas. Parati siyang nagwawala at napapaaway sa tuwing siya ay nalalasing kaya naman nang minsan ay inawat na siya ni Mang Domeng sa paglalasing. Imbes na sumunod at magpakumbaba sa pagkupkop sa kaniya ng matanda ay kinagalitan pa niya ito.

“Bakit ba parati kang nakikialam sa buhay ko? Drayber ka lang naman namin!” bulyaw ni Lucas.

Sapagkat sanay na si Mang Domeng sa ganoong pagtrato sa kaniya ni Lucas ay hinayaan niya na ito. Pilit niyang inunawa na mahirap ang pinagdadaanan ng binata. Patuloy niya na lang inalagaan at pinagsilbihan si Lucas hanggang sa unti-unti nitong nakita ang mga ginagawa niya para rito.

Naalala ni Lucas ang hirap ni Mang Domeng sa paglilinis sa mga gulong napasukan niya at ang parati nitong paghihintay sa kaniya sa bar upang makauwi siya sa mansyon noon. Kung tutuusin ay para bang mas nagpakaama pa sa kaniya si Mang Domeng kaysa sa amang nagpalaki sa kaniya.

Nang dahil doon ay unti-unting nagbago ang trato ni Lucas kay Mang Domeng. Tinulungan niya na rin ito sa mga gawaing bahay at naghanap na rin siya ng trabaho upang makatulong sa mga gastusin lalo na’t umalis na rin si Mang Domeng sa pagtatrabaho kay Don Facundo upang mas matutukan siya.

Isang araw, sa kaniyang paglilinis ay ikinagulat niyang makita ang isang kahon na naglalaman ng mga lumang litrato at mga liham.

Pagkauwi ni Mang Domeng ay agad niya itong kinompronta.

“Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit kayo may litrato ni Mama na magkasama? Bakit ka niya pinadadalhan ng mga love letter?” sunud-sunod na mga tanong ni Lucas.

“Totoo ba? Ikaw ba talaga ang tunay kong ama?” dagdag pa niya.

Nang dahil doon ay napaamin si Mang Domeng kay Lucas. Ipinaalam niya ang naging relasyon niya sa ina nito at kung paano sila pinaghiwalay ng Lolo nito sapagkat salat siya sa yaman.

“Nung nabalitaan ko ang pagkam*tay ng Mama mo ay nagbakasakali akong magpakilala sa’yo kaya lang noong nakitang ko maayos na ang kalagayan mo at mas maibibgay ni Don Facundo ang mga pangangailangan mo ay pinili ko na lang manahimik. Pinili ko na lang na magtrabaho sa pamilya niyo upang makita at makasama ka kahit paano.  Upang kahit paano ay maalagaan at maparamdam ko ang pagmamahal ko sa’yo. Patawarin mo ako kung hindi ko pinaalam sa’yo,” ang sabi ni Mang Domeng.

“Paano ko naman po kayo hindi mapapatawad e kayo lang po ang taong totoong nagmahal sa akin mula nang nawala si Mama. Pinahalagahan niyo ako at ‘di pinabayaan kailanman,” sagot ni Lucas na agad na yumakap kay Mang Domeng.

“Kayo po sana ang makapagpatawad sa akin sa masamang pagtrato ko sa inyo,” dagdag pa ni Lucas.

Mula noon ay nabuhay bilang mag-ama sina Mang Domeng at Lucas. Naibsan ang pananabik ni Mang Domeng sa kaniyang nag-iisang anak habang ganoon din si Lucas sa pananabik niya sa pagmamahal ng isang ama na hindi niya na kailangang limusin pa.

More Stories