Ang Sukli

Isang batang lansangan ang nagpapagala-gala sa gilid ng isang karinderya. Marumi ang kaniyang mga paa, dulot ng kawalan ng tsinelas. Maging ang kaniyang balat ay may mga bahid din ng putik at dumi. Hihimas-himas ito sa kaniyang tiyan, ngunit ’di naman tumatanghod sa mga taong kumakain sa loob ng naturang karinderya ’di tulad ng ibang mga batang lansangan.

“Pssst, bata!” isang ale ang ang nagmagandang loob na tawagin ito upang abutan ng singkuwenta pesos na pera. “Sa iyo na lang, oh. Pagkain ang bilhin mo riyan, ha?” anito.

Napangiti naman ang bata. Laking tuwa na sa wakas ay maiibsan na ang gutom na kaniyang nadarama.

“Naku, maraming salamat po, mam!” aniya, kahit nangingiming hawakan ang kamay ng ale, gamit ang marumi niyang mga palad.

Ngiti lamang din ang isinagot ng aleng may mabuting puso, bago ito tumalikod at sumakay nang pauwi. Nilanghap-langhap pa ng batang lansangan ang mabangong halimuyak ng mga pagkaing nanggagaling sa karinderya. ’Di maikakailang natatakam siya sa amoy pa lamang ng mga iyon.

Agad na nakuha ng batang lansangan ang atensyon ng mga taong kumakain doon nang siya’y pumasok. May mangilan-ngilan pang natigilan sa pagkain.

“Anak, itago mo ’yang bag,” maririnig na bulong ng isang ale sa kaniyang anak.

Samantalang, “kapag nanghingi ng limos, sabihin mo wala,” ang sabi naman ng kaniyang asawa.

Advertisement

Ganoon pa man ay hindi iyon ininda ng bata. Sanay na siya sa mga ganoong panghuhusga mula sa kaniyang kapwa. Isa pa, nangingiti pa siyang humakbang papalapit sa tinderang mag-aabot sa kaniya ng pagkaing ipantatawid-gutom niya. Wala na siyang oras upang isipin pa ang sinasabi nila.

“Ano ho iyong pinakamurang ulam na tinda ninyo?” tanong ng batang lansangang hanggang ngayo’y kumakalam pa rin ang sikmura.

“Bakit, bibili ka ba?” masungit ang tonong tanong ng tindera. Tinanguan iyon ng batang lansangan, kaya’t muli itong sumagot. “Itong gulay, bente pesos ang isang order,” sagot pa ng tindera, sa pabalang na tinig.

“Ito ho ang singkuwenta, bigyan n’yo ako ng isang order ng gulay at isang kanin. Pahingi na rin pong sabaw, kung p’wede.” Iniabot ng batang lansangan ang pera upang hindi na magduda pa ang aleng tindera. Malugod naman nang tinanggap nito iyon bago siya sinandukan…

“Pakilagay na lang ho sa plastik. Doon na lang ho ako kakain sa labas, para hindi na matakot ’yong mga kostumer n’yo na baka pagnakawan ko sila,” inosenteng bilin ng batang lansangan.

Nang natapos sa pagsasandok ay ibinalot na ng tindera sa plastik ang mga pagkaing in-order ng bata. Pagkatapos ay iniabot din sa kaniya ang sukli, na hindi na rin niya pinagkaabalahan pang bilangin dahik sa sobrang gutom.

Agad siyang lumabas ng karinderya. Naglakad-lakad muna, at tila may hinahanap ang mga mata. Doon ay nakita niya ang batang babaeng kasama niyang natulog kagabi sa ilalim ng tulay. Mas bata ito sa kaniya. Inaya niya itong saluhan siya sa pagkain, dahil alam niyang kumakalam din ang sikmura nito. Sinubuan niya ang nakababatang kaibigan at masaya nilang inubos ang masarap nilang tanghalian.

“Ang sarap, ’no?” nakangiting aniya sa kaibigan. Magaan na ang pakiramdam nila, dahil sa wakas ay nabusog na.

Advertisement

“Oo nga!” sang-ayon naman nito.

“May pangkain pa tayo mamayang gabi. May bente pesos pa ako, e!” pagmamalaki pa niya sa kasama sabay dukot sa perang nasa bulsa niya.

Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ng bata, nang makitang hindi lamang bente pesos ang hawak niya. Kuwarenta iyon, na parehong nakatupi. Mukhang nagkamali lang ng bigay ng sukli ang tindera sa karinderyang binilhan kanina.

Salat sa pera ang bata. Palaging gutom ang sikmura at halos manlimos na upang makakain. Ngunit walang pag-aatubiling bumalik ito sa karinderyang pinanggalingan, kahit pa muli na naman siyang kinatitigan ng masama ng mga taong naroon. Sa pangalawang pagkakataon, hindi niya muling pinansin pa ang mga bulungan, masasamang titig at panghuhusgang natatamo niya sa mga taong kumakain sa karinderya. Agad niyang tinungo ang tindera niyon at iniabot ang sobrang bente pesos nitong sukli.

“Ale, sobra ho kasi ang sukli ninyo sa akin kanina. Pasensiya na ho kayo kung nahuli. Ngayon ko lang ho kasi nakita, dahil kumain pa ako,” aniya.

Tila ikinabigla iyon ng mga tao sa loob ng karinderya. Na para bang napakaimposibleng may batang lansangan sa mundong ito ang nagsasauli pa ng sobrang sukli. Samantalang ang tindera naman ay natigilan. Tila tinablan ng hiya sa panghahamak kani-kanina lang sa bata.

May isang binata pa ang tumayo, upang kunan siya ng litrato. May mga tao ring nagtanong: “Bakit sinauli mo pa iyong sukli? Hindi ka ba gutom?”

“Gutom po ako, pero ’yong perang ipinambili ko kanina, galing po iyon sa mabuting ale. Tulong ho iyon ng Diyos sa akin, kaya’t bakit ko susuklian ng kasamaan? Natatakot ho akong baka kung gagawa ako ng masama, mas lalong walang biyayang darating sa akin. Iyon po kasi ang naririnig kong sabi ng pari sa misa, ’tuwing nadaraan ako sa simbahan,” ang mahaba ngunit tapat na paliwanag ng batang lansangan.

Advertisement

Nang araw na iyon, halos kilabutan ang halos lahat ng taong kumakain sa karinderya. Hindi nila akalaing makaririnig sila ng mga ganoong salita, mula sa batang mabilis lang kung husgahan ng kanilang mga mata.

Ano ang natutunan mo sa akdang ito?