Ang Bintang Kay Caloy

“Tubiiiiggggg!!!! Tubig po kayo diyan!”

Hindi magkandaugaga ang batang si Caloy, 10 taong gulang, sa malaking timba ng tubig kung saan nakalagay ang kanyang mga panindang mineral water, habang nag-aalok ng paninda sa mga pasahero ng bus. Isang tipikal na gawain ni Caloy ang magtinda ng tubig sa mga bus, na kinakailangan niyang gawin dahil kapos sila sa pera. Lima silang magkakapatid. Ang kanilang tatay ay laging lasing kaya walang permanenteng trabaho. Ang nanay naman nila ay mahilig sa paglalaro ng Bingo at sakla.

Nang mga sandaling iyon ay nakahimpil ang bus. Nag-aabang ng mga pasahero. Walang pumansin sa kanya. Abala ang lahat ng mga pasahero sa kani-kanilang mga ginagawa. Halos lahat ay nakadukmo sa kanilang mga cellphone. Ang iba naman ay tulog. Ang iba ay nakatanaw sa durungawan ng bus habang nakasalpak ang earphones sa kanilang mga tenga.

Bababa na sana siya nang hindi sinasadya ay masanggi niya ang isang pasaherong ginang na kapapasok lang mula sa bus. Galit na galit ito dahil nadumihan ang kanyang damit. Hinampas siya nito ng hawak na shoulder bag.

“Bwisit ka! Bakit kasi nagtitinda-tinda ka pa rito? Wala namang bibili. Pampasikip lang kayo sa loob ng bus!” tungayaw ng ginang kay Caloy.

“Ma’am pasensya na po, hindi ko naman po sinasadya,” magalang na paghingi ng dispensa ni Caloy sa nangyari. Napatingin ang mga tao sa kanila. Namula si Caloy. Parang gusto niyang lumubog sa kinatatayuan. Alam naman niya ang kanyang kalagayan. Isa siyang hamak na tindero lamang ng tubig, subalit meron pa naman siyang dignidad at kahihiyan bilang bata.

“Baba ka na, bata. Istorbo ka eh. Marami nang sasakay na pasahero,” asik sa kanya ng kundoktor ng bus.

May isang bumili ng tubig kay Caloy, kaya medyo nagtagal pa siya sa loob. Pagkababa niya sa bus, narinig niyang may sumisigaw na isa sa mga pasahero. Ang ginang na kanyang nakabangga kanina. Subalit hindi na niya ito pinagtuunan ng pansin.

Advertisement

“Nawawala ang wallet ko! Huwag kayong magpapalabas ng kahit sino rito!”

Nagulantang ang mga pasahero. Napalingon sila sa ginang na nasa bandang likuran ng bus nakaupo. Itinuro nito si Caloy na nakalabas na ng bus. Hinabol ito ng kundoktor. Hindi pa siya nakakalayo o nakakasakay sa iba pang bus.

“Sandali lang… huwag ka munang umalis…” pigil sa kanya ng kundoktor.

“B- bakit po?” tanong ni Caloy.

Bumaba ang ginang na nawawalan umano ng pitaka.

“Ikaaaawwww! Ikaw lang naman ang bumangga sa akin! Nasaan ang pitaka ko?!”

“Wala po akong kinukuha mula sa inyo, ate. Maski kapkapan n’yo po ako…” tanggi ni Caloy.

“Sinungaling! Kaya mo siguro ako binangga kanina. Mabilis din ang kamay mo, ‘no? Sigurado ipinasa mo na ang wallet ko sa mga kasama mo!” gigil na bintang ng ginang.

Advertisement

“Hoy, boy, ilabas mo na ang wallet ni ate, kundi sasamain ka sa akin,” galit na sabi ng kundoktor. Hinawakan nito sa kwelyo si Caloy at akmang sasapakin. Nagsisimula na rin silang palibutan ng mga taong nakikiusyoso. May isa pang lalaking sumigaw, “Sus… Ilabas mo na….”

Umiiyak na si Caloy. Nagkandahulog-hulog na ang mga paninda niyang bote ng tubig.

“Wala po kayong makukuha sa akin. Hindi po ako magnanakaw! Maawa naman po kayo sa akin,” pagmamakaawa ni Caloy.

Isang pulis ang lumapit sa kanila.

“Anong nangyayari dito?” tanong nito sa kundoktor. Nakatingin ito kay Caloy.

“Sir, nawalan ho kasi ako ng pitaka. Itong batang ito ang huling bumangga sa akin. Baka lang kako nasa kanya ang pitaka ko. Hulihin n’yo po siya,” sumbong ng ginang sa pulis.

“Naku Ma’am, huwag ho muna kayong mambibintang kung wala kayong sapat na ebidensya. Totoo ba ang sinasabi ng ginang?” malumanay na tanong ng pulis kay Caloy.

“Hindi po ako magnanakaw. Hindi ko po magagawa iyan. Kahit kapkapan n’yo ako,” tumingin nang diretso sa mga mata ng pulis si Caloy.

Advertisement

“Sige, ganito na lang… magpunta tayo sa presinto para maimbestigahan natin ito nang maayos,” sabi ng pulis. Nakaramdam ng takot si Caloy. Pumiglas siya sa pagkakahawak ng kundoktor at kumaripas ng takbo. Hindi niya napansin ang isang humaharurot na motorsiklo. Nabangga siya nito at tumilapon ang duguan niyang katawan. Napakabilis ng mga pangyayari. Agad nilang naitakbo sa pinakamalapit na ospital si Caloy. Kritikal ang kondisyon nito.

Tatlong araw ang lumipas at nagkamalay na rin sa wakas si Caloy. Labis na humingi ng dispensa ang ginang sa ginawa niyang pambibintang dito. Nang mabangga ng motorsiklo si Caloy, sakto namang isa sa mga pasahero ng bus ang nakapulot sa kanyang pitaka, na nahulog lang pala niya sa loob ng bus. Sising-sisi ang ginang sa kanyang nagawa. Hindi raw niya mapapatawad ang sarili kung may nangyaring masama kay Caloy.

Sinagot ng ginang ang lahat ng gastusin sa ospital, gayundin ang mga gamot nito para sa lubusang paggaling. Napiit din ang may-ari ng motorsiklong nakabangga sa kanya, na nagkataon namang lasing pala.

Pagkagaling ni Caloy, hindi na siya ipinagtinda ng tubig ng ginang. Kinupkop siya nito at pinag-aral. Tutal, wala namang pakialam sa kanya ang mga magulang. Itinuring siyang parang tunay na anak, lalo’t malalaki na ang kanyang mga supling na may kanya-kanya ng pamilya.

Nakatapos ng pag-aaral si Caloy sa kursong BS Business Management. Nang sumakabilang buhay si Vivian na kumupkop sa kanya, siya na ang namalakad sa naiwan nitong negosyo. Siya na rin ang nagpaaral sa kanyang mga kapatid. Sumakabilang buhay na rin ang kanilang mga magulang dahil sa matinding karamdaman. Naisipang magtayo ni Caloy ng panibagong negosyo: isang water refilling station, bilang alaala sa isang karanasang nagpabago sa kanyang buhay.