Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Todo Pintas Kayo Noon, Tulo Laway Kayo Ngayon - Inday Trending

Todo Pintas Kayo Noon, Tulo Laway Kayo Ngayon

“Naku iha, bumalik kana lang dito kapag payat kana saka kapag wala na iyang mga kamot mo. Sayang ang ganda mo naku agapan mo na ang pag-lobo mo. Mag-exercise ka at mag-diet kung gusto mo talagang mapasama sa mga models ko.” mataray na ika ng isang direktor kay Chelsie, napatungo naman ang dalaga dahil sa kahihiyan, marami kasing mga modelo ang nasa loob ng silid noong sabihin iyon ng direktor.

Pangarap talaga ni Chelsie na maging isang modelo kaya kahit may katabaan, lagi siyang nagbabakasaling makuha ng mga model agency. Kakaiba rin kasi ang gandang mayroon ang dalaga kaya akala niya dahil doon ay makukuha na siya ngunit palagi na lang siyang umuuwing sawi. Dumoble pa ang sakit na nararamdaman niya noong sumakay siya sa jeep para makauwi.

“O neng, usod-usod marami pang sasakay!” ika ng driver ng jeep sa kanya. “Baclaran! Baclaran! Neng sinabi nang umusod ka kasya pa dalawa dyan!” sigaw nito noong makitang hindi pa rin gumagalaw ang dalaga.

“Kuya wala nang maiiusod, mapi-pitsit ko na ang katabi ko.” inis na ika ng dalaga.

“Dapat kasi ang mga katulad mong balyena hindi na sumasakay sa masisikip na jeep, isa lang naman ang ibabayad mo malulugi ako.” sambit ng driver dahilan para mapahiya ang dalaga. Hindi na niya ito pinansin at kusa na lamang siya bumaba.

Labis na pangmamaliit ang naramdaman ni Chelsie noong araw na iyon. Pakiramdam niyang parang kasalanan na sa mundong ito ang pagiging mataba kaya naman simula noong araw na iyon ay nangako siya sa sariling gagawin niya ang lahat para magpapayat.

Binawasan niya unti-unti ang pagkain ng kanin at matatamis, higit pa doon nag-enroll rin siya sa isang gym malapit sa kanilang bahay. Sakto naman na matalik na kaibigan niya ang may-ari nito kaya naman ito na ang gumabay sa kanya sa loob ng gym.

“Go Chelsie! Go Chelsie! Kaya mo yan!” pagbibigay lakas ng loob ng kanyang matalik na kaibigan.

“Gina, ayoko na! Nagugutom na ako!” iyak niya sabay salampak sa sahig.

“Hoy Chelsie, wala ka pang limang minutong nagbubuhat dyan. Huwag mo akong artehan kung gusto maging seksi ha. Kaya mo yan! Tumayo ka dali. Kakain tayo ng marami kapag payat kana!” ika nito, wala namang nagawa ang dalaga kundi sumunod sa kaibigan.

Sa loob ng isang taon, pinagtiyagaan siya ng kanyang kaibigan. Nagbunga naman ang lahat ng paghihirap nila dahil talagang bumagsak ang timbang ng dalaga. Umimpis ang mga braso nito, lumiit ang beywang at tumambok ang pwet na labis naman niyang ikinatuwa.

“Tinawag nila akong dabyana noon ha? Maglaway sila ngayon!” biro ni Chelsie habang tuwang-tuwang pinagmamasdan ang sarili sa salamin.

“Naku Chelsie huwag kana magsayang ng oras, mag-picture ka at i-post mo sa Facebook! Baka sakaling sumikat ka. Kapag yun nangyari, mga model agencies na ang hahabol sayo! Sa ganda at seksi mong yan? Nakaw mag-aagawan yan sila!” ika ni Gina.

Ginawa nga niya ang payo ng kaibigan at hindi naman kalaunan, napansin ng mga tao ang kanyang mga litrato. Dumami ang kanyang mga followers at doon na siya nagsimulang pag-agawan ng mga model agencies.

“Naku Chelsie, sabi naman sayo eh, magpapayat ka lang siguradong papatok ka sa masa, ano start kana sakin bukas?” ika ng direktor na nagpahiya sa kanya noong mataba pa siya. Pinuntahan pa siya nito sa kanyang bahay at may dala-dala pang mga bulaklak.

Ngunit tinanggihan niya ito, hindi dahil sa may sama siya ng loob dito kundi dahil may isang direktor na ang gustong kumuha sa kanya, hindi lang bilang isang modelo kundi pati na rin bilang artista at ito ang pinili ng dalaga.

Sumikat nga nang tuluyan si Chelsie at nang makaipon ay nagpatayo siya ng isang gym na bukas lamang para sa mga matatabang babae na nais magpapayat. Wala itong bayad at siya mismo ang nagtuturo sa mga babaeng nagpupunta doon kapag wala siyang trabaho.

“Laging isa-isip papayat ako at maglalaway sila sakin!” biro ni Chelsie sa mga babaeng nag-eehersisyo sa kaniyang gym, nagtawanan naman ang mga ito.

Sa panahon ngayon, kapag hindi katanggap-tanggap ang iyong itsura, maraming masasakit na pamimintas ang iyong maririnig, pero kapag naman maganda ka o kagwapuhan, asahan mong lahat ng tao gusto ka. Ngunit mangyari lamang na iyong tandaan, huwag mong gawing basehan ang iyong panlabas na kaanyuhan upang maabot ang iyong pangarap, dahil lahat tayo ay may kakayahang magtagumpay. Magtiwala ka lang at makakamtan mo rin ang iyong minimithi.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.