Pasabog sa Dyip

Isang umaga, sa isang paradahan ng dyip ay naghihintay ng pasahero ang drayber at ang kaibigan nitong matalik na palaging kasa-kasama sa biyahe. Mag-a-alas nuwebe na ng umaga ay anim palang ang sumasakay sa kanila. Lalagpas na sila sa itinakdang oras sa pag-aabang nila sa nasabing paradahan.

“Tara pare, alis na tayo, sa Quiapo nalang tayo humanap ng pasahero. Diskartehan nalang natin ito,” wika ni Sergio sa kaibigan.

“Sige pare, i-abante mo na!” sagot naman ni Rodel.

Ilang sandali pa, may sumakay na grupo ng mga lalaki at babae. Mga halos nakaporma ang mga ito at mukhang may mga lakad. Sumunod naman ang grupo ng mga construction worker, magkahalong pawis at amoy ng pabrika ang mga katawan ng mga lalaki. At mga ilang minuto pa, nakalayo na ng bahagya ang dyip ay may napansin pa si Sergio na kumakaway na tatlong estudyanteng babae na sumakay rin. Mayamaya ay may sumakay na isang babae at lalaki na halatang magkasintahan dahil panay ang yakapan at halikan sa isa’t’ isa. At ang pinakahuling pasahero ay isang matandang babae na may mahabang saya.

Kumpleto na ang mga pasahero sa loob ng dyip at nagsimula na ulit umabante ang sasakyan. Di pa nagtatagal na umaandar ang dyip ay nakaramdam ng gutom si Sergio inihinto niya muna saglit ang dyip sa tabi ng kalsada na kung saan mayroong nagtitinda ng pagkain. Sa di inaasahan ay nakilala niya ang tindero ng mga kakainin.

“Bojit? ikaw nga ba? Dito ka na nagtitida sa tabi ng kalsada? Anong nangyari sa puwesto niyo sa palengke?” tanong ng drayber.

“Ikaw pala, Sergio. Pinaalis kami dun, pare. Bawal na raw magtinda roon kaya nagtitiyaga na lang kami dito sa tabi ng kalsada. Wala e, kailangan na kumayod para sa pamilya,” anito.

“Tama iyan pare. Maiba ako, mga kakanin na pala ang tinitinda mo? Wala na iyong dati gaya ng turon at maruya? Iyon kasi ang paborito ko, e.”

Advertisement

“Aba, e mayroon pa akong tinda niyan. teka, o heto may dalawang pirasong turon at tatlong pirasong maruya pa ako dito, bilhin mo na!” alok ng lalaki.

“Ayos iyan pare! Sige, bilhin ko na lahat,” sagot ni Sergio.

Iniabot ng lalaki ang turon at maruya na inilagay sa maliit na plastik.

“Wow pare, mainit init pa ito ah!

“Ay siyempre, bagong luto lang kanina iyan.”

“Sige pare. Mauna na kami, Sa uulitin ha?” paalam ni Sergio at muling pinaandar ang dyip. Habang nasa biyahe ay kinain ng lalaki ang biniling turon at maruya. Inalok pa niya ang kaibigang si Rodel ngunit tumanggi ito dahil busog pa raw. Mayamaya ay may naamoy na kakaiba si Rodel.

“Grabe, bukas na bukas itong dyip pero amoy na amoy hanggang dito sa harap ang mabahong amoy na iyon!” anito na hindi na nakatiis sa mabahong amoy. Nagkatinginan ang mga pasahero na tila sinisiyasat ng bawat isa kung sino ang nagpakawala ng mabahong amoy na iyon.

“Uy, sino ba ang nagpakawala ng amoy? Buti at hindi tayo bus na kulob kundi ay grabe pa ang maamoy natin!” patuloy na patutsada ni Rodel.

Advertisement

Sa kalagitnaan ng biyahe, may malakas na boses ang nagsalita, isang reklamo ng estudyanteng nakakaamoy ng mabaho.

“Napakabaho naman! Habang tumatagal ay mas lumalala ang alingasaw!” inis na sabi ng dalagita.

Napakasangsang ng amoy na kumalat sa loob ng dyip. Aroma ng isang bulok na durian. Parang pinaghalo-halong bulok na sinigang sa bayabas at suka ng lasing. Sobrang nakakahilo sa baho.

Dahil sa sobrang baho ay napilitan nang bumaba ang ilang pasahero. Ang mga natira na lang sa loob ay mga matitibay ang sikmura na gustong-gusto nang makarating sa kanilang pupuntahan kaya nagtiis na lang na tinakpan ng mga ito ang ilong para hindi maamoy ang masansang na amoy na bumalot sa loob ng dyip.

Hindi nakatiis si Rodel at muling nagtanong sa mga natirang pasahero.

“Kung meron po diyang nat*e, maari naman po kayong magsalita, huwag po kayong mahiya.”

Ngunit wala pa ring umaamin.

Napikon at nagalit na si Rodel sa sobrang baho.

Advertisement

“Ano ba iyan! Sa tinaga-tagal nating magkasama sa biyahe ay ngayon lang ako minalas ng ganito, pare!” anito.

Hindi na nakatiis is Sergio at nagsalita na rin “Grabe naman sa baho! Ano pare, sino kaya ang nagpakawala ng kabahuang iyan, huli mo na ba?” tanong nito.

“P*tang i*a nga eh, wala pa rin umaamin. Ikaw nga ang inaalala ko, dapat nga ay ikaw ang sobra kung magalit dahil posibleng nat*e-han itong dyip mo,” nag-aalalang sabi ng kaibigan.

Mayamaya ay biglang inihinto ni Sergio ang pagmamanaeho sa dyip. Ang iba ay nauntog nang malakas sa prenong ginawa ng drayber

“Kay malas naman ng araw na ito,” sambit ni Sergio at hinampas ang manibela.

“Teka, anong nangyari pare, nakabangga na naman ba tayo?” gulat na tanong ni Rodel.

“H-hindi pare, hindi ko na napigilan,” biglang bumaba sa dyip ang lalaki at nagmamadaling tumakbo. Sumunod na rin sa pagbaba si Rodel ngunit wala naman siyang nakitang bangga o sira sa labas ng dyip. Wala rin silang nabanggang sasakyan.

Pagbalik ng lalaki sa dyip, laking gulat niya sa kanyang nakita. May t*e sa upuan ni Sergio.

Advertisement

Napasigaw nang malakas ang kaibigan. “P*tang I*a mo, pare. Hayup kaaa! Ikaw palaaa!”

Napagtanto ni Rodel na si Sergio pala ang nagmamay-ari ng nakakasulasok na amoy na iyon. Ang totoo ay hindi na napigilan ni Sergio ang tawag ng kalikasan dahil sa kinaing turon at maruya. Napag-alaman niya na sira na pala ang nakain niya at kaya pala mainit iyon kanina ay ininit na lang ng tindero para hindi halatang panis na. Nasira ang tiyan niya sa panis na pagkaing nilantakan. Nagreklamo siya sa lalaking nagbenta sa kanya at inamin naman nito ang ginawang kasalanan. Sayang nga lang dahil suki pa naman niya ang lalaki ng ilang taon, tapos ay nalaman niya na niloko lang siya nito at pinakain pa siya ng panis. Natutunan ni Sergio na huwag basta-basta kakain ng mga pagkaing nabibili sa tabi-tabi para hindi na maulit ang nangyaring kahihiyan sa kanya.