Ang Ginintuang Lalaki

Maagang bumangon si Victor dahil ngayon ang araw na lilipad siya patungong America. Hindi raw para maging OFW kundi para dalawin ang kapatid niyang labinlimang taon nang doon naninirahan. Binayaran ng kapatid niyang si Marco ang lahat ng pamasahe, maging ang lahat ng gagastusin ni Victor sa pagpasyal doon.

Nang makababa ng airport, taas noong pumasok sa entrada ang kwarenta anyos na binata suot-suot ang makapal na damit panlamig at ang mga kumikinang niyang diyamante. Naninilaw rin si Victor nang dahil sa mga gintong alahas na suot niya.

Napababa ng kanyang suot na shades sa mata at napakunot ng noo si Victor nang makita kung paano nagasgasan ang bagong-bago niyang maleta.

“Hoy! Punyeta! Alam mo bang mahal ang bag na iyan? Galing pang America ‘yan. Tapos gagasgasan mo lang?!” sigaw ni Victor sa kaawa-awang tauhan ng airport.

“Ah, eh… Sir, sorry ho! Hindi ko ho sinasadya. Medyo dumulas ho kasi yung hawakan kaya bigla na lamang lumaglag ang maleta ninyo,” paliwanag ng nakayukong tauhang si Hector.

“Tonto! Kaya ka trabahador lang dito e. Alam mo? Sa tingin ko nga’y mas mahal pa sa buhay mo ang presyo ng maletang iyan!” patuloy pang pamamahiya nitong si Victor.

Dahil sa lakas ng boses ni Victor, pati na rin sa kumikininang at naninilaw niyang hitsura, hindi maiwasan na pagtinginan siya ng iba pang mga tao sa airport. Gayunpaman, wala siyang pakialam at imbes na mahiya ay tila natutuwa pa siya sa atensyong ibinibigay sa kanya.

Maya-maya pa ay dumating na ang manager nitong si Hector dahil wala pa ring humpay ang pamamahiya at pagmamaliit ni Victor sa kanya.

Advertisement

“Sir, ano pong problema?” propesyonal na tanong ng manager kay Victor.

“Ayan kasing tauhan ninyo! Walang modo, walang kwenta! Dapat kasi hindi kayo tumatanggap ng mga walang pinag-aralan e, para hindi kami napeperwisyo,” angil ni Victor sabay turo ng nasabing maleta.

Gusto na sanang sagutin ng manager ang lalaki at sigawang “Diyos ko! Kakarampot na gasgas lang, at kung tutuusin e hindi kamahalan ang maleta na ‘yan!”. Ngunit bilang manager, katungkulan niyang maging kalmado at propesyonal sa lahat ng oras. Lalong-lalo na sa harap ng mga galit at nagmumurang mga kostumer.

“I’m really sorry for what happened, Sir. ‘Wag po kayong mag-alala. Bilang kapalit, upgraded na po ang seat niyo. Sa VIP seat na po kayo uupo. Muli, pasensiya na po,” aniya.

Ngiting-ngiti naman si Victor ngunit ayaw niyang ipakita sa mga tao.

“Dapat lang!” tanging sagot ng lalaki sabay suot muli ng kanyang shades.

“Sir, diretso na po tayo rito. Pakitanggal na lang po ang lahat ng mga alahas at sapatos ninyo para sa ating detector,” pakiusap ng manager.

“ANO?! Ayoko nga! Baka mawala pa ang mga iyan ‘no! Mahal ang mga iyan, mas mahal pa sa mga buhay ninyo,” muling pagmamatigas nito.

Advertisement

Maya-maya pa, habang nakikipagtalo pa rin itong si Victor, isang malakas na sigaw ang nagpatigil sa kanila.

“Tito Victor! Tito Victor!” sigaw ng isang binatilyo na pamangkin pala ng mayabang na lalaki.

“Mabuti’t nahabol pa kita! Sabi ni Tito Marco, hindi ka raw niya matawagan,” dagdag pa ng binatilyo.

“Eh ano bang problema? ‘Wag mo nga ‘kong pinapahiya rito,” bulong ni Victor sa kanya.

“Eh kasi tito, sabi niya ‘wag ka na raw tumuloy muna sa America. Postponed na raw po ang pagpunta niyo sa bahay nila kasi nakahanap na sila ng drayber. Dito na lang daw po muna kayo ulit sa Pilipinas at ipagmaneho sina Lolo at Lola,” pagkalakas-lakas na sabi ng binatilyo, na siyang labis na ikipinahiya nito.

Nang dahil doon, nakayuko na at nagmamadaling umalis nang bigla siyang tawagin ng lalaking inapi-api niya kanina.

“Sir, naiwan niyo po ‘yong mga alahas ninyo. Puro stainless steel lang pala,” natatawang bwelta nito. Hindi niya ugali ang mambastos, kaya lang sobra-sobra ang ginawang pagpapahiya sa kanya kanina.

“Akala mo kung sinong milyonaryo. Wala ka ngang pera pero matapobre ka! Ungas!” biglang sigaw ng isang matandang babae na kanina pa pala nanonood sa kanila.

Advertisement

Tunay ngang walang masama sa pagiging drayber, ang masama ay ang panghahamak sa kapwa.

Pahiyang-pahiya si Victor dahil rinig na rinig niyang pinagtawanan siya ng mga tao. Hinatak na niya ang pamangkin at nagmadaling tumakbo papalabas. Simula nang araw na iyon, isinumpa na ni Victor na hinding-hindi na siya magmamataas sa kapwa.