Hindi Nakuntento sa Mabait

Ehemplo ng isang mabuting asawa si Amado. Pagmamaneho ng truck ang hanapbuhay niya at kahit na hindi gaanong kalakihan ang kita, nabubuhay pa rin niya ang kaniyang mag-anak ng hindi nagkukulang.

Kung wala siyang trabaho ay nasa bahay lamang siya at tinutulungan ang misis na si Mildred sa mga gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak. Kapag nasa trabaho naman ay hindi siya sumasama sa mga kasamahan sa pag-iinom. Tuwid din siyang empleyado. Tuwing sahod ay buong-buo niyang ibinibigay sa asawa ang kinita.

Wala nang hahanapin pa kay Amado. Simpleng buhay man ang maibigay niya sa kaniyang pamilya ay hindi naman ito sakit ng ulo. Pero ang simpleng pamumuhay na ito ay hindi kailanman sasapat kay Mildred. Sa tingin niya ang mabuting asawa, bukod sa napapakain ang pamilya ay napupunan din ang pangangailangan niya bilang babae. At ang saktong kinikita ng asawa ay hindi man lamang makabili ng kaniyang mga naisin.

“Sana naman, Amado, ay makapag-uwi ka naman ng malaki-laki. Saktong-sakto na naman ang pera natin. Alam mo hindi ko na nga alam kung kailan ang huling bili ko ng bagong damit,” wika ni Mildred.

“Tsaka isa pa, ano ba naman ‘yung palitan natin itong cellphone ko ng bago. Kahit ‘yung mumurahin lang! Kahit ‘yung hulugan na kinukuha ng kapitbahay natin. Para naman kahit paano ay hindi ako nahihiya na ilabas ito,” dagdag pa niya.

“Hayaan mo at lalo ko pang pagbubutihan,” tugon ni Amado.

“Dapat kasi tinanggap mo na lang ‘yong inaalok na trabaho sa iyo sa Bataan. ‘Di hamak na mas malaki naman ang sasahurin mo. Malaking bagay iyon sa atin dahil sapat na sapat lang ang mayroon tayo! Ni hindi na nga tayo nakakalabas bilang pamilya!” giit ng asawa.

“Sige, mahal, hayaan mo at pag-iisipan ko,” dagdag pa ni Amado.

Advertisement

Walang pag-aalinlangang tinanggap nga ni Amado ang trabaho sa Bataan. Doon ay wala siyang inisip kung ‘di ang pagka-miss sa kaniyang mag-iina. Sabik na sabik si Amado na makauwi, ngunit kailangan niya itong tiisin upang makaluwag-luwag sila sa buhay. Ilang linggo siyang mananatili sa Bataan para magtrabaho at uuwi paminsan-minsan para makapiling ang pamilya ng ilang araw. Naging ganito ang naging pamamaraan nila sa mga susunod pang buwan.

Minsan isang araw habang bumibili ng meryenda sa tindahan si Amado, narinig niya ang usapan ng mga kapitbahay. Narinig niya na si Mildred daw ay may kalaguyo. Hindi alam ni Amado ang mararamdaman, ngunit hindi siya agad naniwala.

Pero hindi maitatago sa mapagmatyag na mga mata ng mga kapitbahay ang pagkakalapit ni Mildred sa binatang si Cardo. Isang empleyado ng munisipyo. Nagkakilala raw ang dalawa nang magkasabay sa tricycle. Nagpatulong si Mildred dito nang may kinailangan siyang dokumento para sa pag-aaral ng mga bata.

Habang inoobserbahan ni Amado si Mildred, tila wala naman nagbago sa ikinikilos nito, pero dahil hindi na tinigilan ng tsismis ang asawa ay kinausap na niya si Mildred. Mariing itinanggi ni Mildred ang akusasyon sa kaniya at sinasabing inggit lamang daw ang kanilang mga kapitbahay.

Ang pinagtataka ni Amado ay bakit gagawa ng ganitong kwento ang mga kapitbahay lalo pa’t maganda naman ang pakisama niya rito.

Isang gabi nung pauwi si Amado sa kanilang bahay, nakita niya ang hindi inaasahan. Totoo nga ang mga bali-balita na iniiputan siya sa ulo ng asawa. Nakita niya sa isang sulok ng eskinita ang lihim na pagkikita ng dalawa.

Nakita niya na inabutan ni Cardo ng bagong cellphone ang asawa at sa sobrang saya nito ay binalikan ng matamis na halik ang binata. Parang sasabog ang dibdib ni Amado sa sobrang galit na nararamdaman.

Gusto niyang sugurin si Cardo upang pagbubugbugin at gusto niyang kalbuhin ang asawa. Ngunit naisip niya agad ang kaniyang mga anak. Hindi nila kakayanin na wala na ngang nanay na nag-aasikaso sa kanila ay baka mawalan pa sila ng tatay kung makukulong siya.

Advertisement

Hindi lubusang maisip ni Cardo kung bakit nagawa siyang ipagpalit ng asawa. Gumawa siya ng plano. Hindi niya pinahalata kay Mildred na may alam siya sa ginagawa nito.

Isang araw ay umalis si Amado paluwas ng Bataan. Iyon ang akala ni Mildred dahil pag-alis na pag-alis ng asawa ay dali-dali na din itong umalis. Ang hindi niya alam ay sinusubaybayan siya ng asawa. Kitang-kita ni Amado ang lihim na pagkikita ni Mildred at ng kalaguyo nitong si Cardo. Sumakay si Mildred sa likod ng motor ni Cardo at mahigpit itong yumakap sa binata tsaka sila umalis. Halata ang lambing sa bawat galaw ng dalawa.

Walang mapaglagyan ang hinagpis ni Amado lalo na nang makita niyang sa isang motel ang tuloy ng dalawa. Pumasok ang dalawa na halos nakalingkis na si Mildred sa kalaguyo. Iba ang mga ngiti nito.

“Ang bababoy niyo!” ‘yan na lamang ang nasambit niya.

Dahil alam ni Amado na hindi niya ito kakayanin mag-isa at baka kung ano pa ang magawa niya kung hindi niya mapipigilan ang kaniyang galit ay humingi siya ang tulong sa mga pulis. Inabangan nila ang paglabas ng dalawa.

Gulat na gulat ang magkalaguyo nang makita nila si Amado sa labas ng motel na may kasamang mga pulis. Para silang binuhusan ng malamig na tubig.

“Hindi ako naniwala sa mga sinasabi ng mga kapitbahay natin dahil pinagkatiwalaan kita. Ibinigay ko sa iyo ang lahat ng kaya ko. Kahit malayo ako basta mabigyan ko kayo ng maayos na buhay ay tiniis ko. Ganiyan kita kamahal, Mildred. Bakit mo nagawa sa akin ito?” sambit ni Amado habang pinipigil ang kaniyang galit.

“Patawarin mo ako, Amado! Huwag mo akong ipakulong!” pagmamakaawa ni Mildred.

Advertisement

Ngunit huli na ang lahat sapagkat nakapagdesisyon na si Amado. Dinampot ng mga pulis ang dalawa at dinala ang mga ito sa presinto. Sinampahan sila ng kaso ni Amado. Sobrang kahihiyan ang sinapit ng magkalaguyo.

Napunta sa pangangalaga ng ina ni Amado ang mga anak nito habang siya naman ay nagpatuloy pa rin sa pagtatrabaho bilang drayber ng truck sa Bataan para mabigyan sila ng magandang kinabukasan.