Walang Ibang Libangan ang Babaeng ito Kung Hindi Magkalat ng Tsismis, Natauhan Ito Nang Malamang Siya ang Dahilan sa Kagimbal-Gimbal na Sinapit ng Kaibigan

Kakamulat pa lamang ng mata ni Ailyn ngunit nakangiti na agad ang ginang. Paano ba nama’y may ipon na naman siyang mga bagong tsismis na ikukwento sa kabarkada. Imbis na malungkot sa sinapit ng mga taong nakapaligid sa kanya ay natutuwa pa ito kapag may kamalasang nangyayari sa iba.

“Mare! May bago akong chismis. Ready?” Tuwang tuwa na naman si Ailyn, kasabay ng mainit na pandesal ang mainit-init pang chika ng byudang babae. Ito na lamang ang naging libangan niya mula nang nakapag-asawa na ang dalawang anak.

“Lagi kang may bago mare ah? Sige nga, malaman ba ‘yan?!” Tugon ni Vicky, isa sa mga madalas na katsismisan ni Ailyn.

“Alam mo ba? Si Father Ray ng church natin? May anak daw! Aba’y akalain mo yun, ang nanay e yung madre na palaging nakaalalay sa kanya sa simbahan.” Tuwang tuwa na naman si Ailyn sa nasagap na balitang mas sariwa pa sa mga nabiling tilapia sa palengke.

“Nako. Dapat ko ‘yang maibalita kay Anita. Palagi yung nasa simbahan e!” Tuwang-tuwang sagot naman ni Vicky.

“Teka lang, syempre may isa pa. Mas matindi ito!” Dagdag ni Ailyn.

( )

“Kilala mo si Elsa? Iyong mukhang balyenang anak ni Aling Nena? Aba, wala ka! Nakapag-asawa ng Amerikano. Pagka-pogi pogi at balita ko mayaman daw. Kapag sinuwerte ka nga naman, ano?”

At para pa mas pumatok sa mga kasamahan, palagi pang dinadagdagan ni Ailyn ang mga naririnig na tsismis.

Advertisement

Lunes nang maisipan ni Ailyn na pumuntang palengke upang mamili ng mga gamit sa bahay. Nang mahinto ang jeep na sinasakyan, bigla niyang nakita ang kaibigang si Ester, misis ni Lino, na may ibang kayakap na lalaki sa isang maliit na kainan. Napangiti na naman ang ginang sa kanyang nakita. “May maitsitsismis na naman ako sa mga kumare ko!” Sambit nito sa sarili.

At dahil nga mahilig itong magdagdag ng kwento, nang makita na naman ang mga kumare ay agad agad sinabing “Alam niyo ba nakita ko si Ester sa may palengke? Aba! May kalandiang ibang lalaki! Nagyayakapan at naghahalikan ba naman sa harap pa ng maraming tao. Napakaseloso pa naman ni Lino. Yari siya pag nakarating. Tsk tsk tsk. Akala mo pa kung sinong anghel, may landi naman pala sa katawan!” Nakangisi pang sambit ni Ailyn na may pagmomonstra ng mga kamay.

At dahil maliit lang na lugar ang barangay ni Ailyn at hindi lang siya ang tsismosa sa kanilang lugar ay agad-agad kumalat ang mga tsismis.

Sumunod na araw, nagising si Ailyn sa ingay ng sunod sunod na wang-wang ng sasakyang pulisya na nagdaan sa kanyang bahay. Imbis na kabahan ay napangiti pa ito. Naisip niyang panibagong pasabog na naman ang maririnig niya paglabas.

( )

Nagmadaling nagpalit ng damit ang Ginang. Paglabas ng kanyang bahay ay nakita niyang may lalaking pinoposasan ng mga pulis. Hindi nakatiis ang babae at agad nakiusyoso.

“Mamang Pulis! Ano hong nangyari?” Tila reporter sa isang TV station sa pagtatanong.

“May misis na napatay ng kanyang mister e. Sa sobrang galit daw at pagseselos, nabalitaan daw kasing may kalaguyo ang misis niya.” Sagot ng pulis na nagmamadali.

Namutla ang mukha ni Ailyn. Tumakbo pa siya papalapit sa crime scene, at nakita ng kanyang dalawang mata ang bangkay na inilabas ng mga pulis sa bakanteng lote malapit sa kanila. Binaril sa ulo ng apat na beses. Matapos ay pinagsasaksak pa ang ari ng babae. Lalong kinilabutan si Ailyn nang makita ang mukha ng bangkay.

Advertisement ( )

“O, Diyos ko!” Yun na lamang ang nasabi ni Ailyn habang nakatakip ang kamay sa bibig.

Bigla namang dumating ang isa pang kaibigang si Vicky. “Mare! Nabalitaan ko. Kapatid daw pala ni Ester yung yakap yakap niya. Namatay daw ang asawa ng kapatid kaya pinapagaan lang ni Ester ang loob nito.”

( )

Hindi lubos maisip ni Ailyn na may buhay na mawawala nang dahil sa mga maling tsismis na ikinalat niya. Umiyak nang umiyak ang ginang. Sa panahong ito niya naisip ang lahat ng mga salitang nabitawan niya sa lahat ng chinichismis nya. Labis ang pagsisisi ni Ailyn sa lahat-lahat. Ngunit ano nga bang magagawa ng pagsisisi? Maibabalik pa ba nito ang buhay ng butihing ginang?

Lalong tumindi ang kirot sa kanyang puso nang makita ang tatlong anak ni Ester na naglulupasay at halos himatayin kaiiyak sa nangyari sa kanilang ina.

Magmula noon, natutunan ni Ailyn na hindi dapat gawing libangan ang mag ubos ng oras sa pakikisawsaw sa buhay ng ibang tao. At lalong hindi dapat magkalat ng tsismis na ikakasira ng buhay ng iba. Kaya’t imbis na makipag tsismisan, inilaan na lamang ni Ailyn ang kanyang oras sa pag-aalaga sa mga apo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!