Pinagtangkaan ng Lalaking Kitilin ang Buhay ng Kabit Matapos Pagsawaan, Nanginig ang Kanyang Laman sa Pagbabalik Nito

Sa unang limang taong kasal ang mag-asawang si Harvey at Daphne ay naging napakasaya ng kanilang pagsasama. Ang kanilang pagmamahalan ay nagbunga ng dalawang makukulit na supling na pinangalanan nilang Stella at Margo. Bihira lamang mag-away ang mag-asawa dahil pareho nilang ipinangako na magiging iba sila sa mga mag-asawang panay ang away sa bahay.

Ngunit lahat ay nag-iba nang magsimula nang malosyang si Daphne. Dala ng pagkapagod sa pagtatrabaho, at isabay pa ang pagiging ina sa dalawang anak at pagsasa-ayos ng kanilang malaking tahanan, hindi na nagulat ang karamihan na halos mapabayaan na ng misis ang kanyang sarili.

Doon na rin nagsimula ang pagbabago sa pag-uugali ni Harvey. Nagsimula na siyang lumabas-labas ng bahay at magpapaalam sa asawa na mago-overtime sa trabaho, ngunit ang totoo ay lalabas lamang siya kasama ng mga kabarkada.

“Pre! T*ngina, ang pangit na ng asawa ko! Losyang na losyang na e,” kwento ni Harvey sa mga kaibigan.

“Ganyan talaga! Pitong taon na kayong kasal e. Isa lang ang solusyon diyan,” nakangising sagot ng isa.

“Ano?”

“Edi mang-chicks ka na! Hindi naman niya malalaman. At isa pa, sa misis mo pa rin ikaw uuwi.”

“Talaga? E saan naman ako makakakilala ng mga babae. Panay trabaho ko na lang naman at uwi sa bahay.”

Advertisement

“Akong bahala sa’yo!”

Ipinakilala kay Harvey ang isang napakagandang dilag na si Coleen. Maliit na babae lamang ito ngunit saksakan ng kinis ng kanyang balat, maputi, at may maamong mukha. Para siya ay magustuhan nito, agad nagpanggap si Harvey na wala pang mga asawa at mga anak.

Ilang buwan din niyang tinrabaho ang dalaga bago niya nakamit ang matamis nitong oo. Dahil kay Coleen ay gabi-gabi na siyang inuumaga ng uwi, na agad namang napansin ni Daphne.

Isang umaga nang dahan-dahang binuksan ni Harvey ang pintuan ng kanilang bahay, nagulat siya nang makita ng misis na gising pa at naghihintay sa kanya.

“Ano? Bakit dahan-dahan ka pa na para bang may ginawa kang kasalanan ah,” bungad ni Daphne. Sa totoo lang ay wala naman siyang alam sa pambabae ng asawa, at niloloko lamang niya ito noong panahon na ‘yon.

“Ha? Ano ka ba! Ayaw ko lang ma-istorbo sa pagtulog ang mag-iina ko ‘no. At isa pa, hinding-hindi ako gagawa ng kasalanan sa’yo,” pang-uuto ni Harvey.

“Hmp. Talaga, dapat lang! Subukan mo lang, Harvey. Alam mong puro pulis at sundalo ang mga kapatid at tatay ko,” pabirong pagbabanta nito.

Ngunit kahit pa pabiro, tila natauhan si Harvey. Bigla siyang kinabahan nang maalala ang nakakatakot na mga kapatid ni Daphne. Isa pa, pakiramdam niya ay nagsasawa na rin siya sa gabi-gabi nilang pakikita ni Coleen.

Advertisement

Kinabukasan, agad nakipagkita si Harvey kay Coleen upang tuldukan na ang kanilang relasyon. Ngunit kahit anong pilit niya ay ayaw nitong pumayag na makipaghiwalay sa kanya.

“P*ta! Ang kulit mo. Ayoko na nga sa’yo!” sigaw ni Harvey.

“Ganoon na lang ba ‘yon, babe? Akala ko ba’y mahal mo ako? Gagawa pa tayo ng sarili nating pamilya, hindi ba?” umiiyak na tanong ng dalaga.

“Sige, aaminin ko na ha? May asawa at anak na ako. Ginamit ko lang ang maganda mong katawan upang malibang ako. Kaya pwede ba? Aalis na ako.”

Natulala si Coleen sa kanyang narinig. Tila ba hindi pa tuluyang napo-proseso ng kanyang utak ang mga sinabi ni Harvey. Mahigpit pa rin siyang nakahawak sa braso ng lalaki, nang bigla itong maglabas ng kutsilyo.

“Hindi ka bibitaw? Ang kulit mo ah?”

“Isusumbong kita! Hayop ka! Pinaglaruan mo kami! Wala kang awa!”

“Ah, ganon? O, sige. Tingnan natin kung makapagsumbong ka pa,” wika ni Harvey habang papalapit sa dalaga. Isang buwelo lamang at itinurok niya ang matalim niyang kutsilyo sa tagiliran ng dalaga. Nang makitang hindi na ito gumagalaw ay nagmadaling nilinis ni Harvey ang mga ebidensiya na magtuturo sa kanya. Matapos noon ay umalis na lamang siya na para bang walang nangyari.

Advertisement

Dalawang buwan ang lumipas, at laking pasasalamat ni Harvey dahil tila tagumpay ang ginawa niyang pagpapatahimik kay Coleen. Nanumbalik na rin ang pagmamahal at pagkasabik niya sa asawang si Daphne dahil nang makakuha sila ng kasambahay ay nakapag-ayos na itong muli.

“Mahal? Halika, may sorpresa ako sa’yo,” wika ng tila nang-aakit na si Daphne sa kanyang asawa.

“Saan tayo pupunta, mahal?” tanong ng nasasabik na si Harvey.

“Basta! Isuot mo na itong piring na dala ko, bilis.”

Matapos niyang sumunod ay hinila na siya ng kanyang asawa papunta sa kanilang salas. Nasa ina ni Daphne ang mga bata kaya naman tuwang-tuwa si Harvey. Nang tanggalin niya ang piring, lahat ng saya ay napalitan ng kilabot at takot nang makita ang nasa harapan niya.

“Co- coleen?!” anito.

Nasa kanyang harap ang babaeng akala niya ay matagal nang namayapa. Kasama nito ang mga pulis, pati na rin ang mga kapatid at ama ni Daphne.

“Ano? Nagulat ka? Huwag ka nang magsalita pa dahil naibigay ko na sa kanila ang lahat ng ebidensya. Ng panloloko mo, at nang subukan mong patahimikin ako gamit ang kutsilyo mo! Hayop ka!” sigaw ni Coleen.

Advertisement

Isang buwan na pala magmula nang makalabas ng ospital si Coleen. Nang makaalis pala si Harvey noong araw na nangyari iyon ay agad dumating ang isa sa mga kaibigan ng dalaga. Naisugod agad sa ospital si Coleen at naagapan ang pagkaubos ng dugo sa kanyang katawan.

Hindi alam ni Harvey na mayroon palang CCTV sa loob at labas ng apartment ng dalaga. Ibinigay din na ebidensiya ni Coleen ang lahat ng pag-uusap nila sa text at chat ng binata. Una niyang nilapitan ang misis ni Harvey na si Daphne noon upang humingi ng tawad. Ikinwento niya ng buo ang istorya, at mabuti na lamang ay malawak ang pang-intindi nito at nakipagtulungan sa pulisya upang magapi na si Harvey.

Masakit man para kay Daphne, alam niyang biktima lamang din si Coleen ng kanyang asawa. Hindi niya na rin sinubukan pang ayusin ang relasyon nila dahil sa pagkakilabot sa ginawa ni Harvey na pagtatangka sa buhay ng dalaga. Ayaw niyang lumaki ang dalawa niyang anak na may amang kriminal.

Agad dinala sa presinto si Harvey. Hinatulan siya ng panghabambuhay na pagkakabilanggo at kailanma’y hindi na nasilayan ang mga babaeng kaniyang sinaktan at pinahirapan.

Kahit mahirap, itinuloy mag-isa ni Daphne ang pagpapalaki sa dalawa niyang anak. Hindi inaasahang maging kaibigan at katuwang pa niya si Coleen dahil palagi itong dumadalaw sa kanilang bahay upang mangamusta at tumulong sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!