Idol ko si Ma’am!

Suspendido ang panghapong klase sa Kalakhang Maynila dahil sa malakas na buhos ng ulang dulot ng hanging habagat. Tuwang-tuwa naman si Sonia, 46 na taong gulang, isang guro sa pampublikong paaralan. Kung malakas manalangin ang mga mag-aaral na masuspinde at mawalan ng pasok, mas lalo na ang mga gurong tulad niya.

Dalawampu’t pitong taon na siyang nagtuturo, at sa tagal na niyang ginagawa ito, nagsisimula na siyang mabagot. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, maliban na lamang kung Sabado at Linggo, wala siyang ginawa kundi magsulat ng lesson plan, gumawa ng visual aids, at magpatahimik o mandisiplina ng makukulit na mag-aaral. Sa elementarya siya naitalaga, kaya naman kailangan lahat ng asignatura ay alam niyang ituro. Sawang-sawa na siya sa paulit-ulit na mga gawain. Gusto niyang mag-iba ng career. Eh anong alam mong gawin? Laging sumasagi sa isip niya. Wala siyang alam gawin para sa ikabubuhay niya kundi pagtuturo.

Makulit lang talaga siya. Matigas ang ulo. Isinasama na siya ng kanyang mga kapatid sa Amerika, subalit matigas ang kanyang kalooban. Dito lamang siya sa Pilipinas maninirahan at magtatrabaho. Ayaw niya sa ibang bansa. Pasyal-pasyal, maaaring umubra pa, pero ang ipilit sa kanyang manirahan sa isang bansang dayuhan, mukhang maghahalo muna ang balat sa tinalupan.

Stressed out? Burned out? Anuman ang tawag dito, isa lang ang sigurado niya: napapagod na siya! Nagsasawa na! Minsan, nakakaramdam siya ng pagsisisi kung bakit niya piniling maging isang guro. Gusto niya kasing maging reporter noong kabataan niya pa. Iyong tipong napapakinggan sa radyo, o kaya naman ay napapanood sa telebisyong gaya nina Korina Sanchez, Jessica Soho, at Karen Davila. Subalit naparam ang kanyang mga pangarap dahil buhat sila sa pamilya at angkan ng mga guro. Mahigpit ang bilin ng kanilang ina: kailangang maipagpatuloy ang dugo at salinlahi ng pagiging mga panday ng karunungan!

Nagsimulang magturo sa isang pribadong paaralan si Sonia sa edad na 19. Gusto niya, lahat ng mga mata at tenga ay nasa kanya. Kapag maingay ang klase at may hindi nakikinig sa kanya, pakiramdam niya’t hindi siya magaling na guro. Kaya naman pinaghusay niya ang kanyang sarili, hanggang sa napaglabanan niya ito. Tumagal siya ng tatlong taon sa naturang pribadong paaralan, bago lumipat sa pampublikong paaralan. Sabi kasi ng kanyang mga kapatid, naroon ang tunay na arena ng pagtuturo.

At totoo nga. Nanibago siya. Kung dati ay de-aircon ang mga silid at faculty room, magtiis ka sa bentilador o pamaypay. May ilang mga pasilidad na maayos, subalit marami ring hindi. Malaki ang populasyon ng mga mag-aaral sa loob ng klase. Kulang ang mga upuan. Masikip. Nakakatuyo ng utak. Malayong-malayo sa pampribadong paaralang pinanggalingan niya. Subalit kailangan niyang masanay.

Hindi na rin nakapag-asawa si Sonia. Hindi naman sa walang nanligaw sa kanya, sadyang mataas lamang ang pamantayan niya sa sinumang lalaking makapagpapatibok ng kanyang puso. Kaunting kapintasan lamang na mapuna niya, inaayawan na niya ito. Minabuti na lamang niyang mag-isa sa buhay kaysa naman kumuha ng batong ipupukpok sa kanyang ulo.

Minabuti ni Sonia na magtungo na lamang sa mall upang humanap ng dentista. Magpapagawa siya ng panibagong pustiso. Agad siyang nag-book ng Grab. Parang pamilyar sa kanya ang larawan ng Grab driver.

Advertisement

Habang nasa loob ng sasakyan, panay tingin sa kanya ang Grab driver. Naiilang na siya, subalit hindi siya nagpahalata. Type kaya ako nito? Mukhang bata-bata pa naman ang lalaking ito. Ayaw niyang komprontahin dahil baka hindi siya ibaba sa dapat niyang puntahan. Babawian na lamang niya sa review.

Nang makarating na sa mall, iniabot na ni Sonia ang bayad.

“Naku Ma’am, huwag na po…”

“Ha? Bakit? Saka bakit ka tingin nang tingin sa akin? Kanina ko pa napapansin, akala mo hindi ko nahahalata ha…” masungit na kompronta ni Sonia sa lalaki.

“Ma’am, hindi n’yo na ba ako nakikilala? Ako po si Edgar. Isa po ako sa mga naging estudyante n’yo noon. Kayo po ang Sibika at Kultura teacher namin,” nakangiting sabi ni Edgar.

Kaya pala pamilyar ang mukha ng lalaking ito sa kanya! Minsan, sa dami ng mga estudyanteng dumaan sa kanyang pangangalaga, naaalala niya ang mukha subalit hindi ang pangalan.

“Ay oo nga! kumusta ka na?” Masayang sabi ni Sonia.

“Heto Ma’am… Libangan ko lang po ang pag-Grab, habang naghihintay ng VISA papuntang France. Mag-migrate na po kami ng pamilya ko. Alam niyo po, isa po kayo sa mga pinaka-mahuhusay naming guro.”

Advertisement

Tumagal pa nang kaunti ang kanilang kwentuhan, hanggang sa nagpaalam na si Sonia. Pakiramdam niya, napakadakila niyang tao dahil isa siya sa mga tumatak at naging inspirasyon ng mga dati niyang estudyante.

Pagdating sa mall, agad siyang humanap ng magandang dental clinic. Nang pumasok na siya, agad siyang sinalubong ng dentista.

“Ma’am Sonia Ruaro? Kumusta po? Ako po si Adelia Manawan. Former student n’yo po…” nakangiting sabi ng dentista.

“Siya nga? Ah oo, naalala ko na. Ang galing mo naman! Naabot mo ang pangarap mong maging dentista,” nakangiting sabi ni Sonia.

“Ma’am, malaking impluwensya n’yo sa akin. Naalala n’yo po, pinagalitan n’yo po ako sa harap ng klase dahil hindi ako nagsisipilyo noon? Sabi n’yo, mahalaga ang pagsisipilyo para gumanda ang ngipin. Tinandaan ko po iyon. Napahiya po kasi ako, kaya sabi ko sa sarili, patutunayan ko sa sarili ko na mapapaganda ko ang ngipin ko at iba pang ngipin ng tao. Saludo po ako sa inyo, Ma’am,” nakangiting paliwanag ng dentista.

Ginawa nito ang pustiso niya at may libreng check-up pa. Hindi na siya pumayag na walang bayad ang pustiso dahil masyado itong mahal. Nakakuha siya ng malaking discount. Nagagalak ang puso ni Sonia. Parang nananadya ang tadhana na makaharap niya ang mga dating mag-aaral na ngayon ay matagumpay na sa buhay, at nagbibigay ng patotoong isa siya sa mga nagbigay ng inspirasyon sa kanila, sa panahong ito na lumalamlam na ang dating nag-aalab na ningas sa pagiging isang guro.

Kinabukasan, nakangiting humarap si Sonia sa kanyang mga estudyante. Ganado rin siyang gumawa ng lesson plan at visual aids. Nanumbalik ang sigla at ningas ng kanyang pagtuturo.

Bagong pag-asa ang kanyang nararamdaman at natatanaw. Hindi siya dapat panghinaan ng loob. Kailangan niyang ipagpatuloy ang kanyang bokasyon dahil marami pa siyang mabibigyan ng inspirasyon. Anuman ang mangyari, mabubuhay at mawawala siya sa daigdig na ito bilang isang guro.