Inaapi-api ng Bunsong Anak ng Amo ang Anak ng Kanilang Kasambahay; Lalo Itong Makatatanggap ng Pagmamahal at Atensyon Kaysa sa Kaniya

Inaapi-api ng Bunsong Anak ng Amo ang Anak ng Kanilang Kasambahay; Lalo Itong Makatatanggap ng Pagmamahal at Atensyon Kaysa sa Kaniya

FamilyLoveStories

Si Niña ay anak ng isang kasambahay na naninilbihan sa isang marangyang pamilya sa Maynila. Sa kabaitan ng mag-asawang amo ay pinahintulutan nila na magkasama ang mag-ina sa kanilang tahanan. 

Nang dahil dito ay naging kalaro si Niña ng mga anak ng mag-asawa. Sila ay sina Angelo at Kate. Maayos ang pakikitungo ng magkapatid sa kaniya nung umpisa. Ngunit nagbago ang pakikitungo ng bunsong babae kay Niña nung minsan nitong makita na nilalaro niya ang mga laruan nito.

“Mga laruan ko ‘yan ah! Bakit nasa sa’yo ‘yan?!” bulyaw ni Kate kay Niña.

“Akin ‘to. Binigay ‘to sa akin ng Mommy mo,” depensa ni Niña.

Agad na hinablot ni Kate ang mga laruan kay Niña at kinompronta ang kaniyang ina. Kahit na anong pakiusap ng ina sa anak na ibigay na lamang ito kay Niña sapagkat marami naman na siyang mga laruan ay ayaw niya na itong bitawan. Walang nagawa ang ina ni Kate. Kinausap na lamang niya si Niña at humingi ng tawad sa inasal ng kaniyang anak. 

“Hayaan mo, sa susunod bibigyan kita uli, pero ‘wag mo nang papakita sa anak ko ah,” ang bilin ng ina kay Niña.

Mula noon ay palihim nang binibigyan ng ina ni Kate si Niña ng mga laruan. Ngunit ‘di kalaunan ay nadiskubre ito ni Kate dahilan upang pag-initan niya ang dating kalaro. Sa tuwing nakikita niya ito ay parati niya itong inaaway at inaapi. 

Hindi naman nilalabanan ni Niña si Kate ngunit mas sumiklab ang galit nito sa kaniya sapagkat lagi siyang pinagtatanggol ni Angelo. Parati rin siyang sinasamahan nitong maglaro at inaalagaan na lalong nagpalapit sa dalawang magkaibigan.

Dahil sa atensyon at pagmamahal na ibinbigay ni Angelo at ina nito kay Niña ay lalong inaway ni Kate ang pobreng bata. Labis ang pang-aaway na ginawa niya sa pagkakataong ito kaya naman napagdesisyunan ng ina ni Niña na paglayuin na ang dalawang bata. Pinauwi niya na lamang ang kaniyang anak sa probinsiya sa pangangalaga ng kaniyang mga magulang.

Makalipas ang ilang taon nung nagkasakit ang ina ni Niña ay kinailangan nitong umuwi ng probinsya upang makapagpagaling at makapagpahinga. Upang hindi mapabayaan ang mga gawain sa mansyon ay si Niña muna ang humalili sa ina kahit kasalukuyan siyang nag-aaral sa unibersidad.

Malaki ang pasasalamat ng mag-asawang amo kay Niña dahil dito sapagkat alam nilang mahirap makahanap ng bagong kasambahay na mapagkakatiwalaan kaya naman tinulungan nila ang dalaga sa mga pangangailangan nito sa kaniyang pag-aaral. Ito ay bilang tugon na rin sa matagal na pagsisilbi sa kanila ng ina nito at sa masamang ginawa noon ng kanilang bunsong anak rito.

Sa pagbabalik ni Niña sa mansion ay muli silang nagkita-kita nina Angelo at Kate. Gaya ng dati ay masungit pa rin si Kate sa kaniya habang si Angelo naman ay sabik na sabik siyang makita. Kung tratuhin siya ng binata ay kagaya pa rin noon maliban sa mas maginoo na ito at mas malambing ngayon.

Dahil dito ay mas lalalim ang pagkakaibigan ng dalawa hanggang sa mapagtanto nila na unti-unti na silang nagkakagustuhan. Susubukan ni Niña na pigilan ang kaniyang nararamdaman sapagkat alam niya ang lugar niya sa pamamahay na ‘yun. Pilit niyang iiwasan si Angelo ngunit lalo itong lalapit sa kaniya. Para sa binata ay hindi mahalaga ang katayuan sa buhay ni Niña. Ang mahalaga para sa kaniya ay ang kalooban ng dalaga at ang matinding pagmamahal niya para rito.

Sa pagpupursigi ni Angelo na ligawan si Niña na hindi naman tinutulan ng mga magulang niya ay napasagot niya ang dalaga. 

Nung nalaman ni Kate ang tungkol sa relasyon ng dalawa ay agad niya itong tinutulan. Muli na namang inaway-away ng dalaga si Niña at ipinahiya pa ito sa kanilang unibersidad.

“Huwag mong nilalandi ang kuya ko! Tandaan mo na katulong ka lang namin sa bahay! Alamin mo ‘yung lugar mo!” sigaw ni Kate upang marinig ng karamihan sa kanilang unibersidad.

Ginawa ni Kate ang lahat upang siraan si Niña sa unibersidad at paghiwalayan ang magkasintahan. Ngunit nung nalaman ni Angelo ang mga pinaggagagawa niya ay agad siya nitong kinagalitan.

Ikinaasar ni Kate na siya na naman ang naging kontrabida. Isinisisi niya ang lahat ng ito kay Niña. Para sa kaniya ay inagaw ng dalaga ang lahat sa kaniya, ang pagmamahal at atensiyon ng kaniyang mga magulang at ang kapatid.

Dahil dito ay nag rebelde si Kate. Siya ay napabarkada sa mga masasamang impluwensiyang tao na kung saan ay madalas na naglalabas gabi-gabi upang mag-inuman.

Nung mapansin ito ni Angelo ay agad niyang pinagsabihan si Kate ngunit tila ba’y sa atensiyon na nakuha ng dalaga sa kaniyang kuya ay mas nagustuhan niyang ipagpatuloy ito.

Isang gabi ay muli na namang nagpunta sa isang club sina Kate at mga kabarkada nito. Kahit na lasing na lasing na siya ay ayaw pa rin niya paawat sa pag-inum. 

Napansin siya ng isa nilang kaklase na kaibigan ni Niña na nagpapartime bilang taga linis doon kaya naman ipinaalam niya kay Niña ang sitwasyon ni Kate, “Yung kapatid ng boyfriend mo nandito ngayon sa club, lasing na lasing. Baka mapano pa ‘to dito. Mukhang hindi mapagkakatiwalaan ‘yung mga kasama niya.”

Sa pag-aalala ni Niña ay agad niyang kinontak si Angelo upang mapuntahan nito at masundo si Kate.

“Salamat Mahal, sige susunduin ko na siya,” tugon ni Angelo.

Kahit alam ni Niña na susunduin na ni Angelo ang kapatid nito ay tila ba’y hindi siya mapalagay. Nang dahil dito ay pumunta rin siya sa bar upang masiguro ang kaligtasan ni Kate.

Pagdating niya roon ay nakita niya si Kate na walang malay at isinasakay sa sasakyan ng isang lalaki. Masama ang kutob niya kaya sinundan niya ito at ipinaalam kay Angelo na natagalan sa pagpunta dahil naipit ito sa trapiko.

Sa kaniyang pagsunod sa sasakyan ay nakita niyang pumarada ito sa isang motel. Agad na ipinaalam ni Niña ang lokasyon nila kay Angelo bago siya pumasok rito upang iligtas si Kate. Pinigilan niya ang pagchecheck-in ng binata kasama ang kapatid ng kaniyang kasintahan na walang malay.

Sa pagtataka ng tauhan ng motel ay pinalabas na lang ng binata na dating nobya niya si Niña na nagseselos dahil may iba na siyang kasama ngayon. Kahit na ganoon ay hindi pa rin tumigil si Niña na pigilan sila. Sa kanilang pagtatalo ay napalakas ang tulak ng binata kay Niña hanggang sa napaupo ito sa sahig. Ngunit ilang sandali ay ang binata naman ang napaupo sa sahig nang dahil sa pagkakasapak sa kaniya ni Angelo.

Sa pagdating ni Angelo at sa pagpigil ni Niña ay nailigtas sa tiyak na kapahamakan si Kate. Matapos mai-report sa mga pulis at mapatingnan si Kate ay napag-alaman na pinainom ito ng pampatulog na gamot kaya wala siyang kalaban-laban na nadala sa kung saan.

Dahil dito ay malaki ang pasasalamat ni Kate at ang pamilya nito kay Niña. Napagtanto ni Kate na wala namang inagaw sa kaniya ang dalaga kaya naging maayos na muli ang pakikitungo niya rito. Nagustuhan niya na ito at natanggap niya na ito bilang kasintahan ng kaniyang kuya at parte ng kanilang pamilya.

More Stories