Naging Malapit ang Matanda sa Kaniyang Drayber, Ito Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Anak na Matagal na Niyang Hinahanap

Tinitignan na naman ni Don Gregorio ang mga litrato ng kaniyang pamilya na masinsing nakasalansan sa mga photo album sa loob ng silid-aklatan sa kaniyang mansyon. Miss na miss na niya ang kaniyang asawa at anak. Maaga siyang iniwan ng mga ito sa mundong ibabaw. Ang asawa niya ay matagal nang kasama ng Panginoon habang hindi pa rin natatagpuan ang katawan ng kaniyang anak. Ang paniniwala ng karamihan ay sumakabilang buhay na rin ito pero lagi niyang dasal na sana ay buhay pa ito.

Ngayon ay mag-isa na lamang siya sa buhay kasama ang ilang kasambahay at mga trabahente sa malawak na lupain ng kaniyang hacienda. “Kailan niyo ba ko susunduin? Gusto ko na kayong makasama. Malungkot ang mamuhay ng nag-iisa,” sunud-sunod ang pagpatak ng mga luha mula sa kaniyang mga mata.

“Don Gregorio, pwede po ba akong umuwi sa probinsya namin? Mga dalawang linggo po sana kung inyong mamarapatin. Nais ko po sanang makapiling ang aking pamilya ngayong Pasko,” pagpapaalam ni Godofredo, ang drayber ni Don Gregorio.

Dahil kay Godofredo ay medyo nabawasan ang pangungulila ni Don Gregorio sa kaniyang pamilya lalong-lalo na kay Alfredo, ang nag-iisa niyang anak. Nung unang beses niya itong nakita ay niyakap niya ito agad ng mahigpit sa pag-aakalang nagbalik na ang kaniyang anak ngunit nagkamali siya. Bagama’t parang pinagbiyak na bunga ang dalawa ay imposibleng anak niya ito. Masyado itong bata para maging anak niya.

“Matagal-tagal na rin pala nung huli kang umuwi sa inyong probinsya. Walang problema basta’t babalik ka, ha,” pagpayag ni Don Gregorio sa kaniyang drayber.

Limang taon nang namamasukan si Godofredo bilang drayber ni Don Gregorio. At dahil kamukha ito ng kaniyang anak ay madaling napalapit ang loob niya dito. Dagdag pa na pareho sila ng pag-uugali ng kaniyang anak, mabait, matulungin, maaalahanin at magalang. Madali nga lang mag-init ang ulo nito at medyo pikon kaya hilig na hilig niyang asarin ito.

“Sa pagbabalik mo dapat may asawa ka nang dala, ha. Mas maiigi kung may laman na agad.”

Sa lahat ng mga empleyado niya ay kay Godofredo siya naging mapagbigay. Tuwing nangangailangan ito ng tulong ay nakaagapay siya agad dito. Madalas din niya itong bigyan ng mga bagong kagamitan. Taun-taon din siyang nagpapadala ng kahon-kahong grocery sa mga magulang nito.

Advertisement

Nagbago ang isip ni Don Gregorio nang maalala niya muli ang kaniyang anak. “Sasama ako sa iyo sa pag-uwi mo ng probinsya. Gusto kong makita ang lugar kung saan ka lumaki. Magandang pagkakataon na rin iyon para makilala ko na ang iyong pamilya.”

Ang katotohanan ay ayaw lang ni Don Gregorio na mag-isang magdiwang ng Pasko. Idadaanan na naman niya sa paglalasing ang lahat maibsan lang ang labis niyang kalungkutan at pangungulila sa kaniyang asawa’t anak. Sa pagkakataong ito ay nais naman niyang maging masaya malayo sa apat na sulok ng kaniyang bahay na punung-puno ng alaala ng kaniyang pamilya.

“Sigurado po ba kayo Don Gregorio? Kung gayon ay ihahanap ko kayo ng hotel na matutuluyan. Maliit lang po ang aming bahay at nagsisiksikan kaming matulog sa iisang kwarto. Hindi kayo magiging komportable kung sa bahay namin kayo tutuloy.”

Tinanggihan ni Don Gregorio ang suwestiyon ni Godofredo. “Walang kaso sa akin iyon. Gusto kong lubos na makilala ang pamilya mo lalo na ang mga magulang mo. Hindi naman kayo mahihirapan sa akin dahil hindi ako mareklamo at hindi rin ako mapili sa pagkain. Kahit araw-araw mo kong pakainin ng tuyo at pinakuluang gulay tatlong beses sa isang araw ay ayos lang sa akin.”

Dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan at magpapasko din noon nung lumubog ang barkong sinasakyan ni Alfredo. Nung gabing iyon ay may mga masamang loob ang nagpasabog sa ilalim na bahagi ng barko. Nagresulta ito ng malaking butas at mabilis na lumubog ang barko. Maraming namatay nung araw na iyon. Ang iba ay tinangay ng alon sa malalapit na probinsya.

Hindi kabilang si Alfredo sa mga na-rekober na bangkay kaya’t inisa-isa ni Don Gregorio ang bawat barangay at probinsyang nakapalibot kung saan lumubog ang barko sa pag-asang baka doon niya matagpuan ang kaniyang anak pero naglaho na lamang parang bula ang katawan nito. Ang suspetsa ng karamihan ay kinain na ito ng mga pating.

Isang libing ang ginanap para kay Alfredo kahit walang lamang bangkay ang ataul. Idinaos ito ni Don Gregorio kahit malakas ang paniniwala niyang buhay pa ang kaniyang anak dahil hiniling ito ng mga kamag-anak, malalapit na kaibigan at kakilala ng anak. Naniniwala ang mga ito na hindi nakaligtas ang kaniyang anak sa trahedya.

Dumating ang araw ng pag-uwi ni Godofredo sa kanilang probinsya. Tulad ng napag-usapan ay sumama sa kaniya si Don Gregorio at ang malaking sasakyan na niya ang ginamit nila para magkasya ang kahon-kahong grocery na binili niya para sa pamilya nito. Bumili din siya ng mga regalo para sa kanila.

Advertisement

Habang papalapit sila sa probinsya ni Godofredo ay pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ni Don Gregorio. Binalot ng matinding kaba ang buong katawan niya. Tila ba isang pahiwatig na may malaking kaganapan ang magaganap sa kanilang pupuntahan.

“Nandito na po tayo, Don Gregorio. Pagpasensyahan niyo na po ang maliit naming tirahan,” sambit ni Godofredo matapos niyang i-park ang sasakyan. Hindi muna bumaba ng sasakyan si Don Gregorio. Pinagmasdan muna niya ang kapaligiran habang ang drayber niya ay inisa-isa nang bitbitin ang kanilang mga dala sa loob ng kanilang bahay.

Malapit sa dagat ang bahay ni Godofredo. Malamig ang simoy ng hangin. Nang inikot ni Don Gregorio ang kaniyang mata sa kapaligiran ay napagtanto niyang pamilyar sa kaniya ang lugar. Isa ito sa mga pinuntahan niya para hanapin ang kaniyang anak. Ngayon ay hindi na siya sigurado kung tama ba ang kaniyang desisyon na sumama sa kaniyang drayber.

Natuod si Don Gregorio sa kaniyang kinatatayuan ng isa-isa nang ipinakilala ni Godofredo ang miyembro ng kaniyang pamilya. “Ito nga po pala ang mga kapatid kong sina Gorio at Gracia. Ang aking ina na si Arcella. At ang pinakamabait na tatay sa buong mundo, ang tatay kong si Gido.”

Hindi maalis ang mata ni Don Gregorio sa isang tao sa kaniyang harapan. Bagama’t malaki ang pinangayayat nito at nangitim ang kulay ng kutis nito ay sigurado siyang kilalang-kilala niya ito.

“Ayos lang po ba kayo, Don Gregorio?” Nagtuluy-tuloy na ang pagpatak ng kaniyang mga luha nang marinig niya ang tinig nito. Hindi na niya napigilan ang bugso ng kaniyang damdamin kaya’t mahigpit niya itong niyakap. “Alfredo, anak ko! Sa wakas ay nahanap na kita! Buhay ang anak ko! Ang tagal na kitang hinahanap dito lang pala kita matatagpuan!”

Bagama’t naguguluhan si Gido sa inasal ng amo ng kaniyang anak ay niyakap na lang niya ito habang hinahagod ang likod nito.

Nang mahimasmasan na si Don Gregorio ay kinuwento niya ang nangyari sa anak niya. Bilang patunay na si Gido ang nawawalang anak niya na nagngangalang Alfredo sa tunay na buhay ay nilabas niya ang litrato nito na nakalagay sa kaniyang pitaka. Napag-alaman din niya ang sinapit ng anak matapos ang trahedya. Kaya pala ito hindi nakauwi sa kaniya, kaya pala siya nahirapang hanapin ito at kaya pala siya nito hindi nakilala kanina ay dahil nagka-amnesia ito.

Advertisement

“Natagpuan po siya ng tatay kong mangingisda sa dalampasigan. Duguan po ang ulo niya. Dahil wala naman po kaming pera para ipaospital siya ay inuwi na lang siya ng tatay ko sa bahay para doon gamutin. Ilang araw po siyang walang malay at inaapoy ng lagnat. Nung nagising na siya ay wala siyang matandaan tungkol sa kaniyang pagkatao. Ipinaalam po namin ang tungkol sa kaniya sa aming barangay. Hindi ko alam kung bakit hindi nila nabanggit sa inyo ang tungkol sa kaniya nung hinanap niyo ang anak niyo sa lugar namin. Dahil hindi namin alam kung kaninong pamilya namin siya dadalhin ay kinupkop na lang siya ng mga magulang ko hanggang sa nagkaibigan kami at bumuo ng sariling pamilya,” paliwanag ni Arcella kay Don Gregorio.

Hindi na bumalik ang memorya ng anak ni Don Gregorio pero ayos lang ito sa kaniya. Ang mahalaga ay kapiling na niyang muli ang kaniyang anak kasama ng pamilya nito. Kaya pala agad na napalapit ang loob niya sa kaniyang drayber na si Godofredo ay dahil apo niya ito at ito ang magiging susi upang mahanap niya ang kaniyang anak.

Ang Paskong iyon ang pinakamasayang Pasko sa buhay ni Don Gregorio. Matapos ang dalawang linggo ay kasama na niyang lumuwas ang pamilya ng anak. Sama-sama na silang mamumuhay sa kaniyang hacienda. Ang mansyon na dating nababalot ng matinding kalungkutan ay muling napuno ng matinding kasiyahan dahil sa pagbabalik ng kaniyang anak at kasama pa nito ang binuo niyang pamilya.