Tuwang-tuwa ang Ina nang Maisilang ang Sanggol, Ngunit May Taning na Pala Kaagad ang Buhay Nito

Nakangiti at may luha sa mata si Rachelle habang pinagmamasdan ang picture ng anak na nakatabi sa kulay asul na cake.

Inaalala niya ang mga pangyayari isang taon na ang nakalilipas. Mapait ngunit matamis din naman ang naging karanasan niyang iyon.

Siyam na buwan na siyang buntis noon sa una niyang anak. Nakaupo siya sa kama nang makaramdam ng pananakit ng tiyan.

“H-hon?” Pag tawag niya sa asawang si Tony.

“Ano ‘yon, hon?” Tanong ng asawa.

“Medyo masakit kasi yung tiyan ko eh. Parang humihilab na ewan.”

“Gusto mo bang magpadala na sa ospital?” Nag-aalalang tanong ng lalake.

Tumahimik lamang si Rachelle at pinakiramdaman ang sarili. Ilang saglit pa ay napasigaw na siya sa sobrang sakit.

Advertisement

“Aaaaagh! D-dalhin mo na ako, hon. Napakasakit na.” Naluluha niyang pakiusap sa asawa.

Madali namang naayos ang mga gamit nila at agad na nagtungo sa ospital. Agad siyang binigyang atensyon ng mga nurse at doktor dahil sa kondisyon niya.

Sinuri ng doktor ang kanyang kalagayan at nagrequest ng ultrasound.

“Mommy. Kailangan po natin na i-cesarian kayo. May nakita po kasi kaming problema sa baby sa loob at baka hindi po kayanin kung magiging normal ang delivery.” Saad ng babaeng doktor.

“A-ano hong problema, doc? Okay lang po ba ang baby ko?” Nag-aalalang tanong ni Rachelle.

“Wag na po kayong mag-alala. Gagawin po namin ang lahat para maging safe kayo ni baby.” Kalmadong sagot naman ng doktor.

Dinala si Rachelle sa kwarto kung saan gagawin ang operasyon sa kanya. Natagalan ng kaunti ang pag-oopera dahil sa kondisyon ng bata sa kanyang loob.

Lumipas ang ilang oras at natapos na ang operasyon. Nagising si Rachelle nang nasa loob na siya ng isang private room. Bumungad naman sa kanya ang malaking ngiti ng asawang lalaki.

Advertisement

“Kumusta pakiramdam mo hon?” Tanong no Tony.

“Okay naman ako, hon. S-si baby? Kamusta si baby?” Tanong agad ni Rachelle.

“Ano kasi hon eh…” Naging seryoso na ngayon ang mukha ni Tony.

“Anong nangyari sa baby natin? Okay ba siya?” Nag-aalalang tanong ni Rachelle.

“Nasa intensive care unit kasi ang baby natin, hon. May problema kay baby.” Saad ng lalaki.

“Anong nangyari? Anong problema sa baby natin, hon?” Nangingilid na luhang tanong ng babae.

Ipinakita ni Tony ang litrato at napatakip na lang ng bibig si Rachelle sa nakita.

“Diyos ko po. Kawawa na ang baby natin.” Umiiyak na ngayon si Rachelle.

Advertisement

“Si doc na daw ang magpapaliwanag sa atin mamaya sa kundisyon ni baby.” Malungkot na saad ni Tony.

Nasa intensive care unit ngayon ang baby. Nakadextrose, may oxygen at kung anu-ano pang nakakabit sa katawan.

Ilang saglit pa ay may kumatok sa kanilang pinto. Bumungad naman sa kanila ang nakangiting doktor.

“Kumusta po kayo?” Tanong nito kay Rachelle.

“O-okay naman po, doc.” Mahinang sagot niya.

“Ahm Mommy at Daddy, may naging problema po kasi si baby. It’s a rare condition po, ibig sabihin, hindi karaniwang nangyayari.”

“A-ano pong ibig niyong sabihin doc?” Tanong ni Rachelle.

“Nagkaroon po ng malformations si baby sa tenga, ibig sabihin hindi nabuo ng maayos.”

Advertisement

“Diyos ko…” Sambit ni Rachelle.

“At saka sa kamay at paa niya, may naging problema din. May mga kulang na daliri at mayroon din namang mga dikit-dikit, pero may mas malala pa po kasi, mommy…” Napatigil ang doctor habang nakatingin sa umiiyak na ina sa harap niya.

“Mommy, may imperforate anus po kasi si baby. Wala po siyang butas sa puwet kaya hindi po siya pwedeng dumede o kumain. After ng ibang tests we found out na may butas din ang kanyang puso.” Dagdag pa ng doktor.

“Ano pong mangyayari sa anak namin, doc? Mabubuhay po ba siya?” Nanginginig na tanong ni Rachelle habang kinakalma ng asawa.

“Honestly mommy, survival rate po ng baby niyo ay 10% lang. Napakadami po niyang complications.” Malungkot na saad ng doctor.

“B-baka may magagawa po kayo, doc? Baka kaya naman makasurvive ng anak ko?” Umiiyak na tanong pa ng babae.

“I’m sorry mommy, I think it’s best kung iuuwi niyo na lang si baby nang sa ganon ay makasama niyo pa siya kahit kaunting panahon pa.” Tinapik lamang ng doktor ang balikat ni Rachelle at Tony at tsaka ito nagpaalam.

Iyak ng iyak si Rachelle sa nalaman. Wala namang magawa ang asawa niya kundi ang damayan siya sa malungkot na balitang nalaman.

Advertisement

Ilang araw pa ang lumipas at nakauwi na din ang pamilya. Dala nila ang baby sa kanilang bahay.

Masaya si Rachelle dahil kapiling ang anak, ngunit labis din na lungkot ang nadarama dahil kahit anong oras ay pwede itong mawala.

Naging masigla naman ang bata. Naging kaligayahan siya ng mag-asawa at kahit na may kulang ito sa katawan ay minahal siya ng magulang ng buong-buo.

Pinayuhan si Rachelle ng kanyang ina na ipacheck up ulit ang bata sa ibang doktor upang humingi ng second opinion.

Dinala naman ni Rachelle ang bata sa malapit na clinic, ngunit hindi niya inaasahan ang mga narinig galing sa doktor.

“May mga vitamins o supplement po kaya na pwede sa anak ko?” Tanong ng ina.

“Nagpapatawa ho ba kayo misis? Nakita niyo nang abnormal yang anak niyo tapos hihingan niyo pa ng vitamins?” Masungit at tila ba nandidiring tugon habang nakatingin sa sanggol ang maarteng doktor.

“Pero doc, kasi ho—” bago pa man siya makapagsalita at pinutol na agad ng doktor ang kanyang sasabihin.

Advertisement

“Wala nang magagawa sa anak niyo misis. Mabuti pa ay umuwi na nga lang kayo at intayin niyong SUMAKABILANG BUHAY na lang ho! Pasensya na. Makakaalis na po kayo.” Masungit na pagtaboy ng doktor sa kanila.

Napaluha si Rachelle habang naglalakad palabas ng clinic. Ibang sakit ang kanyang nararamdaman. Nang mga oras na iyon ay parang gusto niyang saktan at sabunutan ang doktor.

Nakapasakit para sa isang ina na makitang mahirap ang kondisyon ng isang anak, at mas masakit naman ang tignan ng ibang tao ang anak na para bang higit pa sa hayop dahil lang naiiba ito.

Tinignan na lamang niya ang anak habang pumapatak ang luha.

“Sorry anak ha?” At saka ito hinalikan sa pisngi. “Mahal na mahal ka ni Mommy.”

Lagi niyang kinakausap ang anak at sinasabi kung gaano niya kamahal ito. Naiintindihan daw kasi sila nito sabi ng kanyang doktor noon.

Alas dos ng madaling araw noon, naalimpungatan si Rachelle at narinig na umiiyak ang sanggol. Pinuntahan niya ito at napansin na parang naghahabol ng hininga.

“Hon! Hon!” Paggising niya sa natutulog na asawa. “Tignan mo si baby, iyak ng iyak, medyo nag-iitim ang kulay at parang naghahabol ng hininga!”

Advertisement

Napabalikwas naman si Tony at agad bumangon. Dinala nila agad ang sanggol sa malaking ospital upang mapagtignan.

Dinala muli sa intensive care unit ang sanggol at kinabitan ng mga tubo at kung anu-ano pa. Sobrang sakit ang nadarama ni Rachelle habang tinitignan na naghihirap ang kanyang anak.

Kinabukasan ay nagpasya siyang iuwi na lang ang sanggol. Hindi niya matiis na ganoon kahirap ang nararanasan ng kanyang anak.

Inilagay niya ito sa stroller at iginala sa subdivision kung saan sila nakatira.

“Ang sarap ng hangin baby di ba?” Nakangiti niyang sabi sa sanggol.

Ngumiti naman ang sanggol na tila ba naiintindihan talaga siya.

Umuwi sila at inilapag si baby sa kama. Napansin niyang pabilis na ng pabilis ang paghinga nito. Masakit man aminin, pero alam niyang ito na ang oras na kinatatakutan niya.

Lumabas siya saglit upang kumuha ng medyas ng sanggol nang bigla itong umiyak. Nagmamadali siyang bumalik para tignan ang sanggol.

Advertisement

“Nandito na si mommy, wait lang baby ha?” Biglang naman tumahimik sa pag-iyak ang sanggol.

“Namiss mo lang pala agad si Mommy eh. Hehe”

Pumasok naman sa kwarto si Tony at tumabi sa mag-ina. Binuhat niya ang sanggol at hinalikan ito.

“Mahal na mahal ka ni daddy.” Sambit ni Tony habang tumutulo ang luha.

Iniabot niya ang sanggol sa asawa at saka nilaro-laro ang kamay nito.

“Anak… Alam naman ni mommy na nahihirapan ka na.” Umiiyak na salita ni Rachelle.

Muling kinausap ni Rachelle ang baby sa malambing na tono na palagi naman niyang ginagawa.

“Alam mo naman na mahal na mahal ka ni mommy, di ba? Ikaw ang pinakamagandang regalo na natanggap namin ni daddy, pero anak, ayokong nakikita kang nahihirapan. Masakit man sa akin na sabihin pero anak pwede ka nang sumuko anak. Tigil na ang laban ha?”

Advertisement

Bumagsak ang mga luha ni Rachelle. Hindi naman sila matignan ni Tony dahil lubos din itong nasasaktan.

“Alam naman ni mommy na lumalaban ka din para sa amin, pero tama na anak ha? Ayaw na ni mommy na nahihirapan ka, kasi nahihirapan din kaming makita kang ganyan. Mahal na mahal ka namin ni daddy. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko, anak.”

Iniangat ng sanggol ang kanyang kamay papunta sa pisngi ng ina na puro luha at para bang pinupunasan ito. Ngumiti ng isang beses ang sanggol.

Hinaplos naman ng kanyang ama ang dibdib ng sanggol at kinuha nito ang daliri ng ama at hinawakan ng mahigpit.

“I love you, anak…”

Ngumiti ang sanggol ng isang beses pa at pagkatapos ay tumigil na ito sa paghinga.

Labis na sakit ang naramdaman ni Rachelle ng mga panahon iyon. Hindi pa rin niya matanggap na pumunta na sa langit ang anghel na sa kanya’y ibinigay. Pero may kaunting liwanag sa puso niya dahil alam niyang hindi na ito mahihirapan pa.

Nasa maliit na kabaong ang kanyang anak at sa huling pagkakataon, bago ito tuluyang mawalay sa kanila ay hinaplos siya sa mukha ng ina at pinabaunan ng mga salitang…

Advertisement

“Balang-araw makakasama ka din nila mommy at daddy, sa ngayon, ikaw muna ang guardian angel namin ha?”

Ang mga iyon ang mapait at matamis na naging karanasan ni Rachelle sa lumipas na isang taon.

Nakaupo siya, kaharap ang isang blue na cake at picture ng sanggol, ngunit hindi lamang birthday ng yumaong anak ang kanilang ipinagdiriwang ngayon.

Nagdadalang tao na ulit si Rachelle sa pangalawang anak nila.

Lumipas ang ilang buwan at siya’y nanganak sa isang malusog at normal na sanggol.

Masakit man na mawalan ng isang anak, pero nagpapasalamat siya dahil nakapiling nila ito kahit sa maikling panahon lamang.

At ngayong may munting kasiyahan silang muli, nangako siyang mamahalin at aalagaan niya ito ng buong puso, kagaya kung paano nila minahal ang nawalang anak.