Ang Tanda ng Isang Dakilang Ina

Matapos ang halos tatlong taong pagsubok na magkaroon ng sariling anak ang mag-asawang si Kelly at James, sa wakas ay nabiyayaan na sila ng Maykapal.

“Mahal! Buntis na ako! Sa wakas!” masayang balita ni Kelly habang iwinawagayway ang positibong pregnancy test kit sa asawang si James.

Napakasaya ng araw na iyon para kay James. Mula kasi noong kolehiyo pa sila ay matagal na nilang pinag-uusapan ang pagkakaroon ng maraming supling. Matagal din kasing pinangarap ni James si Kelly dahil siya ang pinakamagandang dilag noon sa kanilang eskwela. Kaya naman ngayong nagtagumpay na sila sa pagbuo sa isa sa mga pangarap nila’y naging napakasaya nila.

Mabilis na lumipas ang siyam na buwan. Alagang-alaga ni James ang asawa lalong lalo na nang malaman niyang lalaki ang ipinagbubuntis nito. Araw-araw ay pinapakain niya ang napakagandang misis ng prutas, gulay, at kung ano ano pang masustansyang pagkain. Madalas niya rin itong masahihin upang mawala ang stress nito dala ng unang pagbubuntis. Si James na nga ata ang pinaka-maalagang mister sa mga oras na iyon.

Matagumpay ang naging pagpapaanak kay Kelly. Sa pinakamahal ba namang ospital dinala ni James ang asawa at ang pinakamagaling na doktor pa ang kanyang kinuha upang masigurong magiging ligtas ang buhay ng kanyang mag-ina.

Ngunit matapos makapanganak ni Kelly, madalas niyang napapansin ang tila ba pandidiri ni James sa kanyang katawan. Lalong lalo na sa mga markang naiwan sa kanyang tiyan dala ng panganganak.

“Hon, bakit ganyan? Dati ang kinis kinis mo. Dati ang puti puti mo. Ni isang linya ng kahit na anong peklat o imperpeksyon ay walang mababakas sa balat mo. Pero bakit nakakadiri na ang tiyan mo ngayon? Parang may libag palagi!” bulalas ni James habang tinititigan ang tiyan ng asawa.

“Tapos oh, kapag hinawakan, ang gaspang! Yuck!” patuloy pa ng lalaki. Dire-diretso ito sa pananalita na tila ba walang pakialam sa nararamdaman ng misis niya.

Advertisement

Pinagpasensiyahan na lamang ni Kelly ang mister niya. Pilit niyang inintindi na unang beses pa lamang naman nitong maging isang ama kaya naman hindi ito sanay na makakita ng ganoong mga marka sa tiyan ng misis niya.

Ngunit sa araw-araw na lamang na ginawa ng Diyos ay hindi na natigil sa pagpuna si James sa kutis ng kanyang asawa.

“Hon, hindi na ba ‘yan mawawala? Paano ka na makakapagsuot ng two-piece niyan kapag nasa beach tayo? E kung dati tulo ang laway ng mga kalalakihan sa tuwing makikita kang naka two-piece. Hangang-hanga sila sa akin kung paano ka nakuha. Tapos ngayon ganyan na?” ratsada ng bunganga ni James habang nakahiga sa tabi ng kanyang misis.

Sa mga oras na iyon, hindi na nakapagtimpi pa si Kelly.

“Diring-diri ka? Ganyan na katindi ang pandidiri mo sa akin? Na hahantong na sa ikakahiya mo ako?” wika ng nagagalit nang si Kelly.

“Hindi naman, hon. Nagtatanong lang naman ako kung hindi na ba mawawala ‘yan,” sagot ni James.

“Hindi ko alam! Ginusto ko ba ‘to?! Pero alam mo? Kung ipagpapatuloy mo ‘yang mga pinagsasasabi mo sa’kin araw-araw, malamang nga’y hindi na ‘to mawala! Iba ang mawawala!” sigaw ni Kelly.

“Ha?” maiksing sagot ng naguguluhang si James.

Advertisement

“Kami ng anak mo! Kami na lang ang mawawala sa’yo! P*cha! Para kang bata e. Ano, ganoon ba kahalaga sa’yo ang itsura ko? Pangit na pangit na nga ako sa sarili ko nitong mga nakakaraang araw! Bukod sa tumaba ako, e nalosyang pa ako dahil sa pagpapadede at pagpapatahan sa anak mong buong araw e umiiyak! Tapos ganyan ang maririnig ko sa’yo araw-araw?!” mahabang litanya ni Kelly. Matapos nito ay kinuha niya ang bata sa crib at nagsimulang maghakot ng gamit.

Nataranta naman ng labis si James. Kahit anong pigil niya’y ayaw magpapigil ni Kelly sa pag-eempake. Kaya naman naisipan niyang lumuhod sa harapan nito.

“Hon! Kelly! Sorry! Diyos ko, para nga akong g*go. Hindi ko rin alam kung bakit naging napaka-insensitibo ko sa araw-araw na pagpuna sa stretchmarks mo. Ni hindi ko inisip ang nararamdaman mo,” nagsimulang tumulo ang luha ni James.

“Hindi ko kakayaning mawala kayo sa’king mag-ina ko. Patawarin mo ako! Sorry na, hon. Hindi na mauulit. Kahit naman may ganyan ka, ikaw pa rin ang pinakamagandang babae para sa akin e, ” patuloy nito.

Nang marinig ni Kelly ang taos pusong paghingi ng tawad ni James, agad naman nitong niyakap ang asawa. Maya-maya pa ay natawa na lamang sila dahil sa napakababaw na dahilan ng pag-aaway nila.

“Hay nako! Maglaro na nga lang tayo kasama si baby!” natatawang sabi ni James habang kinakarga sa ere ang anak. Napagtanto niyang wala siyang pakialam sa kung anuman ang maging itsura ng asawa niya matapos manganak, dahil ang mga marka nito sa kanyang tiyan ang tanda ng paghihirap ng mga babae upang maisilang sa mundo ang biyayang hinihintay ng karamihan.