Buhay Alkalde

“Ibahagi mo naman ang kaban ng bayan!”

“Idamay mo kami sa pangungurakot mo!”

“Huwag puro sarili!”

“Bahay mo mala-palasyo samantalang bahay namin pinapa-demolish mo!”

“Pabahay dagdagan! Huwag ibulsa kaban ng bayan!”

Ilan lamang ito sa mga sigaw ng taong bayan sa harapan ng kanilang city hall. Unti-unti na kasing pinapalikas ang mga tao sa kanilang bayan dahil sa airport na itatayo roon.

Sinisisi nila ang kanilang anim na taon ng alkalde na si Mayor Lance Advincula na walang ginawa kundi ang ipaglaban sila sa mga nakatataas. Marami itong proyekto na nakatutulong sa taong bayan. May mga iskolar siya, bahay panuluyan para sa mga batang kalye at feeding program tuwing Linggo ngunit dahil sa utos ng nakakataas na linisin ang mga kabahayan malapit sa munisipyo, kahit ayaw niya, pinatupad niya ito dahilan para manggalaiti ang mga naapektuhan.

“Mayor, ang dami nanaman pong nag-rarally sa labas.” kinakabahang ika ng sekretarya ni Mayor.

Advertisement

“Hayaan mo saglit lang, kakausapin ko sila.” matapang na sambit naman ng alkadle.

“Pero, delikado po para sa inyo.” pagpapaalala ng sekretarya.

“Kung hindi ako magsasalita, sasabihin nila totoong kinukurakot ko ang pera nila. Hayaan mo ako.” pangangatwiran naman ng Alkalde.

Maya-maya pa ay lumabas na siya dala-dala ang isang mikropono. Mas lalo namang naghiyawan ang mga tao, ang iba ay pinagmumura pa ang mayor.

“Mga mahal kong kababayan, makailang beses ko nang sinabi sa inyo ito, pero para maliwanagan kayo, babanggitin kong muli.” ika niya dahilan para matahimik sandali ang paligid. “Hindi ko hangad ang mapalayas kayo sa inyong mga tirahan. Sa katunayan, ipinaglalaban ko ang inyong mga karapatan. Hiling ko lamang na kumalma kayo at magtiwala sa akin. Magkakaroon rin kayo ng tahanan.” mahinahong niyang pagpapaliwanag.

“Kumalma? Eh umulan umaraw nasa kalsada kami! Paano kami kakalma?”sabat ni Mang Santos, isa sa mga naapektuhan ng demolition.

“Sinabihan na kayo apat na buwan na ang nakakalipas na maghanap na ng pansamantalang matutuluyan habang inaayos ang inyong titirhan sa Tanza, Cavite, pero nagmatigas kayo at hindi sumunod.” pagdepensa naman ni Mayor Lance.

“Aba ibig mong sabihin kasalanan pa namin? Wala kang kwentang Mayor! Ang dapat sayo bawian ng buhay!” galit na galit na ika ni Aling Pasing, may-bahay ni Mang Santos saka niya binato ng bote ang alkalde.

Advertisement

Sumunod naman sa pagbato ang mga residente dahilan para maalarma ang mga awtoridad na naroon. Pinilit nilang papasukin ang mayor upang huwag masaktan pero ayaw nito.

“Hayaan niyo na sila, pagod na rin akong linisin ang pangalan ko. Wala akong ginawa kundi ipaglaban sila ngunit tanging mga pagkukulang ko ang kanilang nakikita.” sambit ni Mayor Lance ngunit pagtapos niyang sabihin ito, bigla na lamang siyang bumagsak.

Nagsigawan ang mga tao sa putok ng baril na narinig. Agad naman hinabol ng mga pulis na naroon ang bumaril ngunit sa dami ng tao, hindi nila ito natunton. Doon rin ay sumakabilang buhay ang kanilang mayor at sa pagkakataong iyon nagsimula nang maging delubyo ang buhay ng mga residente.

Sa tuwing nag-aalsa sila sa city hall katulad ng ginagawa nila dati nagugulat na lamang sila na may mga bumabagsak na katawan sa kalsada. Binabaril na ang mga residente sa ilalim ng utos ng bagong mayor. Ika pa nito, “Hindi ako sing lambot ni Mayor Lance, kung ayaw niyong sumunod sa utos ko, ayoko ring mabuhay pa kayo.” na labis namang ikinabahala ng mga tao.

Lumipas ang mga buwan at sapilitan na silang dinala sa Tanza, Cavite, natigil na rin ang iskolar ni Mayor Lance dahilan para maraming estudyante ang mapahinto sa pag-aaral, wala na ring bahay panuluyan at feeding program. Ang dating maayos at masayang bayan ay napuno na ng takot at pangamba.

“Kung andito lang si Mayor Lance, hindi ito mangyayari.” ika ni Mang Santos.

“Oo nga e, sana pala hindi na tayo nag-alsa noon, edi sana buhay pa siya hanggang ngayon.” malungkot na ika ni Aling Pasing, nagulat naman sila nang may sumabat sa kanilang usapan.

“Hayaan niyo po, gagawin ko ang lahat para maituwid lahat ng ito. Alam kong hindi matatahimik ang Daddy lalo na’t nasasaktan ang mga residente niya.” ika ng anak ni Mayor Lance na nagtatrabaho pala bilang isang abogado.

Advertisement

Pinaglaban nga nito ang karapatan ng mga taong bayan sa kanilang siyudad. Dahil nga sa determinsyon nito at galing sa pakikipagtalo, naipanalo niya ang kaso.

Simula noon, sa tulong ng bagong mayor, nanumbalik ang mga proyekto ng kanyang ama, bumalik sa pag-aaral ang mga iskolar ng bayan, nagbukas muli ang bahay panuluyan at may feeding program na muli. Ang hindi lamang nila maibalik ay ang mga kabahayan na buong puso namang pinaintindi ng kasalukuyang mayor sa kanyang mga nasasakupan.

Nanumbalik ang saya at kulay ng kanilang siyudad, natigil na ang karumal-dumal na pagkitil at pananakit. Lahat ng luha ng lungkot ay napalitan na rin ng luha ng saya.

Madalas pinagbibintangan natin ang mga taong nakakataas sa atin sa tuwing tayo ay naaagrabyado, mangyari lamang na isipin natin na tao rin sila at hindi nila kontrolado ang buhay ng bawat isa sa ilalim ng kanilang panunungkulan. Kaya imbes na dumada nang dumada, tumulong nalang tayo sa sarili nating pamamaraan. Maging responsableng mamamayan.