Angkas Ka sa Akin, Baby

Balisang-balisa si Joy sa kanyang kinatatayuan. Kanina pa siya naghihintay ng bakanteng taxi patungong Amoranto Sports Complex sa Quezon City, subalit lahat ng mga pinapara niya ay may sakay na. Mahuhuli na siya sa judging engagement niya para sa Balagtasan, isang timpalak para sa mga Juinor High School students. Ayaw niyang maging dahilan ng pagkaantala ng programa.

Tinangka niyang mag-book ng sasakyan sa isang aplikasyon, subalit sa kamalasan ay wala rin siyang makuha. Isang paraan ang naisip niya. Kailangan niyang i-download ang isa pang app na motor naman ang aangkasa . Wala na siyang magagawa. Kahit takot siyang umangkas sa motorsiklo, kailangan niyang gawin ito upang makaabot sa programa.

Dahil mabilis naman ang kanyang internet, nadownload naman niya ito agad. Presto! Ilang saglit lamang ay may nakuha na siyang rider. Rommel ang pangalan. Walang mukha o larawan.

“Bahala na,” usal ni Joy. Hindi talaga siya sanay sumakay sa motorsiklo. Traumatic sa kanya ang nangyari noong siya ay bata pa. Sumemplang ang motorsiklong sinasakyan nila dati ng kanyang kuya. Nagkaroon siya ng malaking sugat sa noo, bagay na nag-iwan ng marka sa maganda niyang mukha.

5 minuto pa darating ang motorsiklo, kaya nakapagtext pa siya sa organizer ng programa.

“Hello po! on the way na po ako.”

Maya-maya, dumating na rin ang rider. Huminto ito sa mismong tapat niya. Nang magtanggal ng helmet ang rider, napatulala si Joy. Napakasimpatiko nito! Kahawig ito ni Paulo Avelino. Nakaramdam ng kilig si Joy.

“Hi po. Kayo po ba si Mam Joy?” Seryosong tanong nito.

Advertisement

“Ah, oo kuya. Kayo po ba si Rommel Pagdanganan?”

“Yes mam. Sakay na po.” Iniabot nito sa kanya ang helmet.

Kinuha ni Joy ang helmet, at dahil hindi nga siya sumasakay sa motorsiklo, hindi niya alam kung paano ito ikabit sa kanyang ulo. Bagay na nahalata naman ni Rommel. Kinuha nito ang helmet mula sa kanyang mga kamay, at ikinabit sa kanyang ulo. Naamoy ni Joy ang lalaking-lalaking amoy nito.

Sumakay na sa likod si Joy, at nagsimula na ring magpaandar si Rommel. Mabagal ang ginawang pagpapatakbo nito, subalit natakot si Joy. Hindi niya alam kung saan siya kakapit.

“Mam, kumapit po kayo sa akin… baka mahulog po kayo.”

“Saan ba ako kakapit?”

Kinuha ng rider ang kanyang mga kamay at ipinatong sa kanyang balikat. “Dito na lang po, Ma’am.”

Napapitlag si Joy dahil may kuryenteng gumapang sa kanyang katawan nang mapadaiti siya sa katawan nito.

Advertisement

Dumaan sila sa Commonwealth Avenue, at dahil kailangang mabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan dito, bahagyang bumilis ang pagmamaneho ni Rommel. Dahil nakaramdam ng bahagyang takot, napayakap si Joy sa kanya.

“Kuya, yakap na lang ako sa iyo ah? Medyo nakakatakot kasi.”

Napangiti si Rommel. “Sige lang po, Ma’am. Enjoy lang po.”

Napaisip si Joy. Anong ibig sabihin nito? I-enjoy ang ride, o i-enjoy ang pagyakap sa kanya.

Pagdating sa bandang North Avenue ay naging masikip ang daloy ng trapiko. 15 minuto na lamang at magsisimula na ang programa. Pinakiusapan ni Joy si Rommel na bilisan pa nang bahagya ang pagpapatakbo.

Sa wakas, nakarating na rin sila sa Amoranto Sports Complex. Matapos bayaran si Rommel, umalis na rin ito.

Matapos ang programa, muling tiningnan ni Joy ang kanyang cellphone. May limang mensahe siyang natanggap. Nagulat siya, dahil lahat ng ito’y mula sa rider na si Rommel. Nagpasalamat ito sa kanya, at inaaya siya ng isang meet up!

Dahil nakita na naman niya ito, pumayag si Joy. Wala naman sigurong mawawala sa kanya kung susubukin niyang makipag-date. Isa pa, type naman niya ito. Limang taon na simula nang maghiwalay sila ng kanyang boyfriend. Panahon na siguro para makipagkilala sa iba.

Advertisement

Nagulat siya ng mabungaran sa tapat ng Amoranto Sports Complex si Rommel.

“Kanina ka pa diyan?”

“Hindi naman Ma’am. May nag-book kasi kanina na malapit lang din dito. Sakay na po!”

At muling umangkas si Joy kay Rommel. Nagtungo sila sa isang coffee shop at nag-usap. Napadalas na rin ang kanilang mga pagkikita. Hatid-sundo na rin siya ni Rommel. Unti-unti, nawawala na rin ang kanyang takot sa motorsiklo.

Niligawan siya ni Rommel, hanggang sa sinagot niya ito, at nabuo ang isang relasyon. Umabot ng dalawang taon at kalahati ang kanilang relasyon hanggang sa mapagpasyahan na nilang magpakasal.

Gabi bago ang kasal, pinuntahan ni Rommel si Joy sa tinutuluyan nitong hotel.

“Bakit nandito ka, baby? Bawal tayong magkita.”

“2019 na baby naniniwala ka pa rin ba sa mga pamahiin?” natatawang sabi ni Rommel kay Joy.

Advertisement

“Gusto ko lang makasama ang aking magiging misis. Tara pasyal tayo?”

Sakay ng motorsiklo, nilibot nila ang kahabaan ng kalye. Masayang-masaya sila. Nagtatawanan pa sila. Hanggang sa hindi nila namalayan ang isang kahoy na nasa daan. Sumemplang sila. Tumalsik si Rommel mula sa malayo. Natimbuwang si Joy. At nagdilim ang lahat sa kanila.

Pagdilat ng mga mata ni Joy, nasa ospital sila. Bumungad sa kanya ang mukha ng kanyang mga magulang at mga kapatid.

“Nasaan si Rommel?”

Wala ni isa man ang sumagot sa kanyang mga magulang at kapatid.

Naghisterya si Joy.

“Nasaan si Rommel, ayos ba siya, ok ba siya? Nasaan siya pupuntahan ko!”

“Wala na siya anak…”

Advertisement

Hindi makapaniwala si Joy sa kanyang narinig.

“Paanong wala na? Hindi pwedeng mangyari ito…. magpapakasal pa kami!” at tuluyan nang bumuhos ang emosyon ni Joy.

Bumukas ang pinto ng kanyang kwarto at bumungad ang nakangiting si Rommel. Nakawheel chair ito at may semento ang kaliwang braso.

“Wala na siya kasi nakauwi na siya anak. Maayos siya. Maayos na maayos. Tatlong araw kang tulog at walang malay. Hinintay ka niya,” paliwanag ng kanyang nanay.

Natuloy ang kasal nina Joy at Rommel nang sila ay pareho nang magaling. Malaki ang pasasalamat ni Joy kay Rommel dahil nawala ang kanyang takot sa pagsakay sa motorsiklo. Higit sa lahat, nagpapasalamat siya kay Rommel dahil inangkas siya nito sa kanyang buhay.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.