Ipinagtaka ng Mag-asawa kung Bakit Palaging Nagsasalitang Mag-isa ang Kanilang Anak, Ikinagulat Nila Nang Makilala ang Misteryosong Kausap ng Bata

“Lloyd, wala na naman si Raffa sa kuwarto niya!” nag-aalalang sabi ni Ruth.

Naalimpungatan si Lloyd sa sinabing iyon ng asawa. Sinilip niya ang kanilang anak sa kuwarto nito at nakitang wala na naman ito roon. Palagi na lang nawawala sa higaan si Raffa, naglalaro kasi ang bata sa dis-oras ng gabi. Paliwanag ng mga pediatricians na natural lang daw sa mga bata ang magising ng madaling araw.

Nagulat ang mag-asawa nang makita nila ito sa sala at nagsasalita na pawang may kinakausap.

“Talaga po lola? sabi po ni Papa, sa susunod na lang po kami pupunta roon. Busy po kasi siya sa work, e,” anito.

“Lloyd, hayan na naman siya, nagsasalita na naman siya ng walang kausap,” wika ni Ruth.

“Ganyan lang ang mga bata, hon. Baka nag-i-imagine na naman ang anak natin na may kalaro siya,” sagot ng mister.

Ipinagkibit-balikat ng mag-asawa ang pagsasalitang mag-isa ng kanilang anak dahil ayon sa blog na nabasa ni Lloyd ay natural sa mga bata ang mag-imbento ng mga kaibigan lalo na ang mga batang walang kapatid. Sa sitwasyon ni Raffa ay naiintindihan iyon ni Lloyd, dahil nag-iisa pa lamang ito sa buhay nilang mag-asawa. Premature baby ito nang ipanganak kaya laking pasasalamat nila ni Ruth na mabigyan ng pagkakataong mabuhay ang kanilang anak.

Isang araw ay niyaya ni Lloyd na mag-almusal ang anak.

Advertisement

“Anak, halika na at samahan mo kami ng Mama mo na kumain ng breakfast,” aniya.

“Lola, babalik ako ha, at dadalhan kita ng makakain,” anito sabay punta sa hapagkainan.

Napansin ng mag-asawa na naglalagay ito ng pagkain sa isa pang plato.

“O, anong ginagawa mo anak? Huwag mong paglaruan ang pagkain at grasya iyan ng Diyos.”

“Para po ito kay lola. Nagugutom din po kasi siya e,” sabi ng bata.

Hinayaan na lamang ng mag-asawa ang ginagawa ng anak. Ayaw nila isipin ni Raffa na hindi sila naniniwala sa sinasabi nito. Ang mga bata kasi ay madaling magtampo kapag hindi sila pinaniniwalaan, sa mga bagay na ‘di nila nakikita. Ayaw nina Lloyd at Ruth na mangyari iyon kaya’t pinababayaan na lamang nila ito.

Minsan habang nagluluto si Ruth sa kusina ay nakarinig siya ng malakas na pagkalabog sa itaas, nataranta siya dahil naisip niya na baka nahulog sa kama ang anak. Nang puntahan niya ito sa kuwarto ay nakita niyang nakaupo ito sa sahig at walang anumang galos.

“Anong nangyari sa iyo, anak. Nalaglag ka ba?” nag-aalalang tanong ng ina.

Advertisement

“Opo, sinalo lang po ako ni lola!” nakangiting wika ng bata.

Kahit medyo nahintakutan ay agad na niyakap nang mahigpit ni Ruth ang anak.

“Kung sino ka man, salamat sa pagliligtas sa anak ko,” bulong ni Ruth sa saili.

Kinagabihan, nakatulugan ni Ruth ang pagbabantay kay Raffa. Wala pa ng mga oras iyon ang asawang si Lloyd dahil hindi pa ito dumarating galing sa trabaho nang makaamoy siya ng tila may nasusunog. Nagulat ang babae nang makita ang makapal na usok na nagmumula sa kusina. Hindi niya namalayan na tumumba ang kandila na nakatulos sa mesa at natupok ng apoy ang mantel.

Walang kuryente ng gabing iyon kaya naisip ni Ruth na magsindi ng kandila, hindi naman niya akalain na mangyayari ang aksidenteng iyon kaya agad siyang tumayo sa pagkakahiga para iligtas ang anak. Nang puntahan niya ang kuwarto nito ay nanlumo siya nang makitang nakahandusay ang anak ang sahig ngunit dahil sa sobrang kapal ng usok ay hindi niya nagawang pasukin ang kuwarto nito.

Kahit siya ay nanghihina na rin sa tindi ng makapal na usok na bumabalot sa buong kabahayan. Kaya humingi na siya ng tulong sa mga bumbero. ‘Di nagtagal ay rumesponde ang mga bumbero at mabilis na naapula ang sunog. Sinabi rin niya sa mga ito na iligtas ang kanyang anak na nasa loob ng kuwarto ngunit nagulat siya sa sinabi ng isang bumbero.

“Wala na po ang anak niyo sa loob ng kuwarto, misis!” anito.

“A-anong wala? Nandoon siya kanina e! Wala siyang malay. Gusto ko iligtas ang anak ko kanina pero hindi ko nagawa kaya nga humingi ako ng tulong sa inyo ‘di ba? Saan naman mapupunta ang anak ko?!” histerikal niyang sabi.

Advertisement

“Wala po talaga misis. Nilibot na namin ang mga kuwarto at ang buong bahay ngunit hindi namin nakita ang anak niyo,” sabi ng isa pang bumbero.

Napaupo si Ruth at patuloy na nag-iiyak. Hindi siya makapaniwala na nawawala ang nag-iisa nilang anak ni Lloyd. Maya-maya ay dumating na ang mister ay nag-aalalang niyakap ang asawa.

“Hon, anong nangyari? Kumusta kayo, ang anak natin?”

“Lloyd, ang anak natin. Nawawala si Raffa,” patuloy na hagulgol ni Ruth.

Nang bigla na lamang pumasok sa isipan ni Lloyd na puntahan ang simbahan kung saan sila ikinasal ng kanyang asawa.

“Halika, Hon. Ipagdasal natin ang kaligtasan ni Raffa at para tuluyan na nating siyang mahanap. Puntahan natin ang lumang simbahan kung saan tayo nag-isang dibdib,” aniya.

“P-pero bakit doon?” taka nitong tanong.

“Hindi ko rin alam. Tila gusto akong dalhin doon ng aking mga paa. Tara na!”

Advertisement

Nang marating ang lugar ay nakita nila na hindi pa rin nagbabago ang anyo nito. Ipinagtaka rin nila na nakabukas ang pinto ng simbahan kaya agad silang pumasok sa loob. Bumalik sa kanilang alaala ang kanilang kasal na ginanap sa lugar na iyon. Doon din sila nagkakilala at nagtapat ng pag-ibig sa isa’t isa. Ang simbahan ang naging saksi sa pagmamahalan nilang mag-asawa. Habang nakaupo sila roon ay may nakita silang bata na nakaupo rin malapit sa altar.

“Lloyd, may bata sa may altar,” sabi ni Ruth sa asawa.

Tumayo silang dalawa upang puntahan ang altar at laking gulat nila nang makita kung sino ang batang nakaupo roon habang nakatingala.

“R-Raffa, anak?” sabay na wika ng mag-asawa sabay yakap nang mahigpit sa anak.

“Mama, Papa!” masaya naman nitong bati sa kanila.

“Anak, paano ka napunta dito? Sino ang nagdala sa iyo dito? Alam mo bang nag-aalala na kami ng sobra sa iyo?” maluha-luhang wika ni Ruth.

“Si Lola po.”

“S-sino bang lola anak?” tanong ni Lloyd.

Advertisement

Ngumiti lang ang bata at tumigin sa imahen ng Mahal na Birhen sa kanilang harapan.

Pinagmasdan ng mag-asawa ang anak. Ipinagtaka nila na walang anumang galos at dumi ang katawan ng bata. Tila isang misteryo ang bumabalot sa pagkakaligtas kay Raffa. Minabuti nilang lisanin na ang simbahan ngunit bago pa man sila lumabas ay muling nagsalita ang bata.

“Bye, lola. Punta ka ulit sa bahay ha?” anito.

Habang nakasakay na sila sa kotse ay nasilip ng mag-asawa mula sa bintana ng sasakyan ang isang babae na may belo sa ulo at nakasuot ng mahabang damit na nakatayo sa labas ng simbahan at kumakaway ito. Napatingin sila kay Raffa at nakitang kinakawayan din nito ang babae. Nanindig ang kanilang balahibo sa kanilang nasaksihan. Napantanto nila na ang lola na sinasabi ng anak na nakakausap at nagligtas sa buhay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Birhen.

Naipikit na lamang nina Lloyd at Ruth ang mga mata at sandaling nanalangin.

“Marami pong salamat, Mahal na Ina!” tangi nilang nasambit.

Matapos manalangin ay pinatakbo na ni Lloyd ang sasakyan. Alam na nila ngayon na nasa mabuting kamay ang kanilang anak at ang kanilang pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!