Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pangarap Ko sa Inyo, Sorpresa Niyo sa Akin - Inday Trending

Pangarap Ko sa Inyo, Sorpresa Niyo sa Akin

Balak sorpresahin ni Vera ang kaniyang pamilya. Ang alam ng lahat ay na-extend ang kontrata niya sa abroad pero ang katotohanan niyan ay natapos na ito. Hindi nila alam na uuwi siya. Pagkatapos ng mahigit labinlimang taong pagtatrabaho sa London ay naniniwala ang babae na nakaipon na siya ng sapat na pera para isakatuparan ang kaniyang mga pangarap para sa kaniyang pamilya: makapagpatayo ng sariling bahay at makapagpundar ng maliit na negosyo. Tiniis niya ang matinding pangungulila ng ilang taon kaya hindi na siya makapaghintay na makauwi agad sa kanilang bahay at makasama ang buo niyang pamilya.

Ang plano ni Vera ay siya ang manggugulat pero kabaligtaran ang nangyari.

“Ano po? Kayo na ang nangungupahan dito! Kailan pa? Wala naman nasabi sa akin ang mga magulang ko! Alam niyo po ba kung saan sila lumipat?”

Walang nagawa ang babae kung hindi umalis sa dati nilang bahay at magpunta sa pinakamalapit na mall habang hatak-hatak niya ang isang malaking bagahe para bumili ng selpon nang sa ganoon ay matawagan na niya ang kaniyang mga magulang.

“Bakit hindi niyo pinaalam sa akin na lumipat na pala kayo ng bahay? Sosorpresahin ko pa naman kayo sa pag-uwi ko pero ibang tao ang nadatnan ko,” pagmamaktol ni Vera sa kausap niya sa selpon. “Sino naman si Boyet? Bakit hindi niyo na lang sabihin sa akin ang address para didiretso na lang ako diyan kaysa mang-abala pa kayo ng ibang tao.”

Ayaw ibigay ng mga magulang niya ang address na nilipatan nila kaya wala siyang nagawa kung hindi hintayin si Boyet para sunduin siya. Para hindi mainip sa kakahintay ay iniwan muna ni Vera ang kaniyang bagahe sa baggage counter at nagpasyang magikot-ikot muna sa mall. Sinamantala na rin niya ang pagkakataong bumili ng mga pasalubong para sa kaniyang pamilya tutal sa susunod na linggo pa makakarating ang mga balikbayan boxes na pinadala niya.

Matapos ang ilang oras na paglilibot ay dumating na rin ang kaniyang sundo. Napanganga si Vera sa magarang sasakyang minamaneho nito.

“Ma’am Vera, ako na po ang bahala sa bagahe at mga pinamili niyo. Pumasok na lang po kayo sa loob,” magalang na sabi ni Boyet.

“Naku, kuya, huwag niyo po akong tawagin na ma’am. Hindi niyo po ko amo. Mukha nga mas mayaman pa kayo sa’kin, eh,” pagbibiro ng babae.

Dahil sa matinding pagod ay nakatulog si Vera. Nang makarating na sila sa kanilang destinasyon ay kinalabit siya ni Boyet para magising. Minulat ng babae ang kaniyang mga mata at bumungad sa kaniya ang isang malaking mansyon.

“Sigurado po ba kayong dito nakatira ang pamilya ko?” Naninigurong tanong ng babae.

“Opo, ma’am, tatlong taon na po silang naninirahan dito. ‘Yung mga gamit niyo po ay dinala na ng mga katulong sa kwarto niyo.”

Sa isip-isip ni Vera ay malabong pag-aari nila ang malaking bahay. Malamang ay kinuhang caretaker ng mansyon ang mga magulang niya kaya lumipat sila dito.

Alas siyete na ng gabi nang makarating sa mansyon si Vera kaya imbes na dumiretso siya sa kwarto niya ay ang kusina agad ang hinanap nito.

“Nagugutom na po ba kayo? Sandali na lang po ito. Libangin niyo na lang muna po ang sarili niyo sa sala. Pauwi na rin po ang mga magulang niyo galing sa farm,” sambit ng kusinera.

“Hindi ba magagalit iyong amo niyo? Hindi ko naman pag-aari ang mga kasangkapan dito tapos pakikialaman ko,” tanong ni Vera. “Malabo po iyon. Kayo pa,” makahulugang sagot ng isang kasambahay.

Kanina pa naguguluhan ang dalaga sa mga pangyayari. Lumipat ng tirahan ang pamilya niya. Sinundo siya ng isang magarang sasakyan. Pinagsisilbihan siya ng mga kasambahay ng mansyon na tila ba siya ang amo ng mga ito. Pero dahil hindi niya malalaman ang sagot hangga’t hindi pa dumarating ang mga magulang niya nilibang na muna niya ang kaniyang sarili sa panonood ng telebisyon habang hinihintay niya ang mga ito.

Napa-awang ang bibig Vera at hindi makapagsalita nung dumating ang kaniyang mga magulang. Kung dati ay simple lang at may butas ang mga pananamit ng mga ito ngayon ay kilalang brand na ang suot nilang damit. May suot din silang nagkikintabang mga alahas sa katawan.

“Suprise, anak! Ito ang isa sa mga bunga ng labing limang taong pagtatrabaho mo sa London. Hindi na natin kailangang magsiksikan sa mainit at maliit na barong-barong dahil mayroon na tayong sariling bahay. Atin itong mansyon na ito,” masayang bati ng ina ng dalaga.

“Paano? Hindi naman ganoon kalaki ang napapadala ko sa inyo buwan-buwan. Sa katanuyan ay kulang pa iyon para sa araw-araw na gastusin niyo ng mga kapatid ko,” naguguluhang tanong ni Vera.

“May trabaho din naman kami ng nanay mo kaya hindi kami masyadong nahirapan. Ilang porsyento ng perang ipinapadala mo ang hinuhulog namin sa bangko. Nung lumaki ipinundar namin sa negosyo. Nagpatayo kami ng maliit ng grocery. Kumita ‘yung grocery kaya nagawang naming mamuhunan sa iba pang negosyo. Nung nakapagtapos na ang mga kapatid mo inumpisahan na naming ipatayo itong mansyon. Sa ngayon maliban dito sa mansyon meron tayong dalawang malaking grocery sa Maynila, isang beach resort sa Batangas at isang flower farm dito sa Tagaytay,” masayang paliwanag ng tatay niya.

“Alam na ng mga kapatid mo na nakauwi ka na. Bukas ng umaga ay narito na ang mga iyon. Sisiguraduhin lang nila na kayang tumakbo ng negosyo ng walang problema habang wala sila. Gusto kasi nilang isang linggo tayong mag-bonding tutal ngayon lang tayo ulit nabuo,” nakangiting pahayag ng ina niya.

Ang akala ni Vera ay siya ang sosorpresa sa kaniyang pamilya sa kaniyang pag-uwi. Ang akala niya ay uumpisahan pa lang nilang isakatuparan ang kanilang mga pangarap. Nagkamali siya. Siya ang sinorpresa ng kaniyang pamilya at hinigitan pa nila ang simpleng pangarap niya para sa kanila.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.