Ang Kupas na Litratista

Lulugu-lugong umuwi si Mang Ramon, ang 47 taong guang na litratista sa Luneta, dahil katulad ng mga araw at gabi, halos walang nagpakuha sa kanya ng litrato mula sa mga turissta at namamasyal sa naturang makasaysayang bantayog ni Rizal.

Simula kasi nang mauso ang mga digicam noon, lalo na ang pagsulpot ng mga cellphone na may camera, nawalan ng brilyo ang mga litratista sa Luneta. Bakit nga naman kailangan pang magbayad ng halos 50 piso at maghintay nang medyo ilang minuto kung pwede namang kuhanan ang sarili ng litrato, wala pang bayad, at kahit ilan pa?

Hindi naman talaga nawawalan ng customer si Mang Ramon, at ang mga katulad pa niyang litratista, sa araw-araw na ginawa ng Diyos. May mangilan-ngilan pa ring nagpapakuha sa kanya. Gaya noong isang araw, isang Pilipinang may kasintahang dayuhan mula sa Amerika ang nagpakuha sa kanya ng larawan.

Noong isang araw din, tatlong lalaki na pawang mga Arabyano ang kumagat sa kanyang alok na kuhanan sila ng larawan. Subalit sa mas madalas na pagkakataon, walang nagpapaunlak sa kanyang alok na litrato. Halos lahat kasi ng mga tao ngayon ay may cellphone.

At ngayon nga, namomroblema si Mang Ramon dahil wala siyang maiuuwi sa kanyang pamilya. Kapapanganak lamang ng kanyang misis sa pangatlo nilang anak. Kailangan nitong kumain nang masustansyang pagkain para may mapadede sa kanilang bagong silang na sanggol. Ang mga anak naman niya ay kailangang may maipambaon sa eskwela. Nasa senior high school ang kanyang panganay na anak, at umaasa pa rin sa kanila.

Hindi naman niya maobliga ang mga ito na huminto na sa pag-aaral. Gusto niyang makatapos ang kanyang mga anak sa pag – aaral. Ayaw niyang matulad sa kanya ang mga ito, na walang pinag – aralan. Grade 6 lamang ang tinapos niya. Natuto siyang kumuha ng litrato dahil sa kanyang yumaong ama.

Minsan, naiisip niyang ibenta ang kanyang lumang camera. Nagawa na niya ito noon. Nasa harapan na siya ng sanlaan at iaabot na lamang ng kahera ang perang itinumbas sa kanyang kaisa – isang ari – arian, subalit bigla niyang binawi ang kanyang camera at hindi tinanggap ang kabayaran.

Para na niyang matalik na kaibigan ang kanyang lumang camera na ipinamana pa ng kanyang ama. Hindi niya ito basta – basta kayang ilayo sa buhay niya, lalo’t ito ang naging katuwang niya sa pagtataguyod sa kanyang pamilya.

Advertisement

Bago tuluyang umuwi sa kanilang maliit na inuupahang bahay, dumaan muna si Mang Ramon sa bantayog ng pambansang bayani. Dati, halos kaliwa’t kanan ang kanyang customer na nagpapakuha sa harapan nito. Kaya malaki ang utang na loob niya kay Dr. Jose Rizal.

Nang nasa harap na siya ng bantayog ni Dr. Rizal, agad siyang sumaludo rito. Naroon pa rin ang dalawang guwardiyang nagbabantay rito. Walang kagalaw-galaw. Walang kakilos-kilos. Parang hindi humihinga.

Gamit ang kanyang lumang camera, muli niyang kinuhanan si Dr. Rizal.

Hindi niya napansin na may isang glamorosang babae ang nasa harapan din nito, na hindi sinasadyang masama niya sa pagkuha ng larawan. Dahil sa kislap ng lente mula sa kanyang camera, napalingon ang babae sa direksyon na kanyang kinaroroonan. Agad itong nagtungo sa kanyang kinatatayuan.

“Naku Ma’am pasensya na ho kayo. Hindi ko ho napansin na nariyan pala kayo. Hindi ko naman po intensyong kuhanan kayo. Yung bantayog po ni Rizal ang gusto ko talagang kuhanan,” kandautal na paliwanag ni Mang Ramon.

Buong akala niya’y nagalit ito sa kanyang ginawa.

“Ayos lang ho, Manong. Pwede ko ho bang makuha yung picture. Sayang naman ho. Babayaran ko na lang ho.”

Nagliwanag ang mukha ng litratista.

Advertisement

“Naku, maraming maraming salamat ho Ma’am. Kayo po ang una at huling customer ko ngayong gabi. Sandali lang po ah. I-dedevelop ko po ito. Babalikan ko po kayo. Makakapaghintay po ba kayo?”

Tumango ang babae. Saglit na umalis si Mang Ramon, at sa pagbabalik niya, iniabot niya sa babae ang litrato nito.

Halos mamilog naman ang mga mata ng babae sa kanyang nakita. Napakaganda ng pagkakakuha sa kanya ni Mang Ramon.

“Naku, napakahusay n’yo naman ho palang kumuha ng litrato, Manong! Mas magaling pa kayo sa aking mga official photographers,” nakangiting sabi ng babae.

“Namana ko lamang po sa aking ama.” Buong kababaang-loob na turan ni Mang Ramon.

“Kumusta naman po ang kita sa pagiging litratista?”

“Hindi na po ganoong kalakas dahil sa mga cellphone ngayon, Ma’am. Kaya maraming-maraming salamat po. Kailangang-kailangan ko po ng pera ngayon para sa pamilya ko.”

“Magkano ho ba ang picture ko?”

Advertisement

“50 pesos lang po.”

Kinuha ng babae ang makapal niyang pitaka mula sa loob ng mamahaling bag. Naglabas ito ng 500 piso.

“Heto ho… sobrang natuwa ho kasi ako sa picture ko na kinuha n’yo,” masayang sabi ng babae.

Nag-aalangan mang kunin, pinaunlakan na ito ni Mang Ramon. “Maraming salamat po Ma’am. Napakabuti po ng puso ninyo.”

“Mas nalugod ako sa iyo, Manong.” Kumuha ito ng isang tarheta. “Bukas, i-text ho ninyo ako sa numero na iyan o kaya puntahan ninyo ang aking opisina. Nangangailangan po ako ng litratista.”

Nanginginig ang mga kamay na kinuha ni Mang Ramon ang tarheta. Labis ang kanyang pasasalamat sa babae. Agad niyang ibinalita ito sa kanyang mag-iina. Napag-alaman niya sa kanyang panganay na ang babae ay isa pa lang modelo.

Kinabukasan, agad na nagtungo si Mang Ramon sa tanggapang ibinigay ng babae. Ito mismo ang nag-estima sa kanya. Kinuha siya nito bilang isa sa mga opisyal na photographer para sa kanyang pagmomodelo. Agad naman niyang nagamay ang trabaho, at nasimulang makita ng mga tao ang kanyang kuha sa print ads. Maraming humanga sa kanya, hanggang sa makilala siya bilang mahusay na litratista.

Gumanda ang pamumuhay ni Mang Ramon. Nagtayo siya ng sariling photo studio, at kinuhang mga litratista ang mga dati niyang kasamahang hindi iniinda ang init ng sikat ng araw at buhos ng lamig ng ulan, makakuha lamang ng makukuhanan ng litrato.

Advertisement

Tuwing hapon, bumabalik si Mang Ramon sa Luneta upang magbigay-pugay sa kanyang idolong si Dr. Jose Rizal, at upang sariwain ang dati niyang mga alaalang hindi mawawala sa mga larawan o litratong kinuha niya.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.