Gandang Panlabas Lamang

Sikat sa kanilang paaralan ang magandang dalagang si Coleen. Sandamakmak na lalaki ang tila nahuhumaling sa kanya. Kada uwian pa nga’y lagi siyang nakakatanggap ng mga bulaklak o kung minsan naman mga tsokolate.

Ngunit naging usap-usapan ang ugali ng dalaga nang minsan siyang hindi sadyang matapunan ng juice ng isang hindi namang kagandahan babae sa kanilang paaralan.

“O my goodness! Alam mo ba kung magkano ang patahi ng Mommy ko sa uniform kong ito? One thousand five hundred pesos lang naman ang isang blouse, total namantsahan mo na, bayaran mo ito!” pagtataray ni Coleen, dahilan para unti-unting mapaluha ang babaeng nakatapon, pinagtitinginan na rin sila ng mga estudyante sa loob ng canteen.

“S-sorry po. Hindi ko po yan kayang bayaran.” uutal-utal na sambit ng dalaga saka tumakbo nang mabilis upang makaiwas na sa gulo. Dismayado namang pinunasan ni Coleen ang kanyang damit saka tumuloy sa pagkain. Nang makita niyang nakatingin pa rin sa kanya ang mga estudyante sa loob ng canteen bigla niya itong sinigawan lahat.

“Mga tsismosa kayo! Bumalik na kayo sa pagkain kung ayaw niyong sa inyo ko ipabayad ang uniform ko!” dahilan para mataranta ang mga estudyante at bumalik sa kani-kanilang ginagawa.

Dahil sa pangyayaring iyon tila unti-unting nawala ang mga lalaking panay ang sunod at suyo sa kanya. Halos kada araw nababawasan ang mga bulaklak na naibibigay sa kanya, may araw pa ngang umuuwi siyang walang kahit isang rosas na bitbit na labis niyang ikinabahala.

“Darla, pangit na ba ako?” minsang ika ni Coleen sa nag-iisa niyang kaibigan.

“Ano bang sinasabi mo? Wala pa ring kupas ang ganda mo! Nagmumukha nga ako lalong katulong kapag kasama mo dahil lalo kang gumaganda.” sambit naman nito na habang nainom ng nagamit ng cellphone.

Advertisement

“Okay, tinatanong ko lang, dami mong satsat.” mataray namang tugon ng dalaga sa papuri ng kaibigan.

Dumating pa ang mga araw at halos wala nang pumapansin sa kanyang lalaki. Dati kasi kapag dadaan siya sa hallway, magsisilabasan ang mga lalaki sabay panay tawag sa kanyang pangalan ngunit ngayon, parang naging isa na siyang normal na babae sa paaralan.

Ngunit isang araw, habang hinihintay niya ang kaibigan sa harapan ng gate, may isang lalaking lumapit sa kanya, tila may hinahanap na lugar ngunit hindi ito kagwapuhan, medyo kupas ang pantalon at sapatos kaya agad niya itong itinaboy.

“Kuya doon kana please, hindi ko alam kung saan yung tinutukoy mo.” naiiritang sambit ni Coleen saka tinalikuran ang lalaki.

“Sigurado kang hindi mo alam? O sige salamat na lang.” ika ng lalaki sabay pinatunog ang kanyang mamahaling kotse, agad naman itong narinig ng dalaga at napalingon.

“Aba teka, mukhang lalo kaming yayaman kapag naging nobyo ko ito, kahit hindi kagwapuhan pwede na basta mayaman!” ika ng dalaga sa sarili, “T-teka! Alam ko yung sinasabi mo! Samahan kita?” alok niya naman sa lalaki, agad naman siyang sinakay nito.

Manghang-mangha naman ang dalaga sa ganda ng kotseng sinasakyan niya. Nakita niya pang may mini-videoke bar ito sa loob kaya namang kumanta siya ng kumanta doon. Marami rin siyang nakitang mga mamahaling tsokolateng nakaimbak sa loob kaya naman inupakan na niya ito. Tila nakalimutan na ng dalaga na hindi niya nga pala lubusang kilala ang lalaki.

Maya-maya naisipan niya nang bumalik sa front seat upang itanong kung nasaan na sila ngunit pagpunta niya doon, wala na ang lalaking kanina ay nagmamaneho lang. Sumilip siya sa bintana upang makita kung nasaan sila ngunit tila nagtataasang mga puno lamang ang nakikita niya. Nagdidilim na rin kaya labis na ang takot na nararamdaman niya.

Advertisement

Ngunit walang ano-ano biglang may mukhang lumapit sa bintana ng kotse, kulay puti ang buong mukha nito at itim na itim ang mga mata dahilan para mapasigaw nang malakas ang dalaga. Nagtungo siya sa likuran ng kotse kung saan siya kanina kumakain ngunit tila palapit ng palapit sa kanya ang imaheng nakita niya. Wala na siyang nagawa kundi umiyak at manalangin.

“Diyos ko! Iligtas niyo po ako! Pangako magiging mabait na ako sa kapwa ko!” sigaw niya saka siya dumilat ngunit pagbukas niya ng mga mata niya, nakita niya ang kanyang Mommy na alalang-alala ang mukha.

“Nak, okay ka lang ba? Sobrang taas na ng lagnat mo, kanina ka pa sigaw nang sigaw.” maluha-luhang ika nito, nang mapagtanto niyang nahihibang lamang siya, agad niyang niyakap ang kanyang ina saka umiyak sa balikat nito.

“Mommy, hindi na po ako magmamataas sa mga tao, katulad ng bilin niyo sakin dati, pangako!” hagulgol niya naman sa ina.

Nang gumaling na ang dalaga sa sakit, pumasok na ulit siya sa paaralan. Labis na nagtaka ang mga estudyante dito dahil tila bumait ang dalaga. Lahat na ay kanyang pinapansin at nginingitian na talaga nga namang magandang simula sa kanyang pagbabago. Hindi man bumalik ang mga nagbibigay sa kanya ng rosas, dumami naman ang kanyang kaibigan.

Aanuhin mo nga naman ang panlabas mong kagandahan kung bulok naman ang puso mo? Tunay nga namang mas gumaganda ang isang tao kapag butihin rin ang puso nito.