Masakit na Plano

“Bryan, bakit ka ba ganyan sa akin ngayon? Halos hindi mo na ako kinausap buong araw. Ano? Gusto mo na ba akong hiwalayan?” sunod-sunod na tanong ni Jaimee sa kanyang nobyo, dalawang araw na siya nitong hindi kinakausap, kahit text o tawag, wala.

“Nakita mong marami akong dapat tapusin sa trabaho o, huwag kana muna mang-abala.” tipid namang sambit nito saka tinuro ang tambak na papel sa kanyang mesa.

“Saglit na oras lang, pagbigyan mo ako. Kausapin mo ako, please naman.” pagmamakaawa niya, halos mangiyak-ngiyak na siya dahil sa kagustuhang makausap ang nobyo, ngunit hindi siya nito binibigyang pansin kaya matapos ang ilang minutong paghihintay, napagdesisyunan niya nang umalis.

Mag-aanim na taon nang magkarelasyon sina Jaimee at Bryan, at sa loob ng panahong iyon, hindi kalian man nabalewala ng binata ang dalaga. Palagi niyang binabakante ang oras para sa nobya, hindi niya ito kahit kailan pinapunta mag-isa sa trabaho katulad ngayon at lalong hindi niya hinahayaang umiyak si Jaimee dahil sa kanya ngunit tila nag-iba na ang ikot ng mundo ngayon.

Sa loob ng dalawang araw na hindi niya pagbibigay atensyon sa dalaga, labis itong nababahala. Alam niya nitong hindi ganito ang nobyo.

“Dindin, hindi naman ganon si Bryan e. Kilala mo naman siya diba? Kahit kailan hindi niya ako pinapakaba ng ganito.” nguso ni Jaimee sa matalik na kaibigan, bakas mukha niya ang pangamba.

“Naku Jaimee hindi kaya nagsawa na si Bryan?” sambit ni Dindin habang nakatingin sa kisame, “O kaya naman baka may iba na siyang pinapasaya kaya itsapuwera kana ngayon?”

“Dindin naman eh! Imbes na tulungan mo ako lalo mo akong binabaliw!”

Advertisement

“Hoy Jaimee sige nga isipin mo, dati naman kahit tambak ang trabaho niya, gagawa siya ng paraan para mai-text ka o kahit matawagan ka saglit, tapos nagagawa ka pa niyang sunduin sa trabaho mo, eh ngayon? Tatlong araw kana atang hindi kinikibo.” pagpapaliwanag ni Dindin ngunit tila nakatulala lamang ang kaibigan sa cellphone. “Jaimee! Hello? Kausap kita!” sigaw niya sa kaibigang parang maiiyak na.

“Saglit, si Bryan kasi nagtext, sabi niya ‘Kita tayo sa park bukas, 7pm.’ tapos nagtext pa ng isa sabi naman, ‘Sorry wrong send.’ sambit ni Jaimee at tuloy-tuloy nang tumulo ang kanyang mga luha.

“Shh, tahan na. Sasamahan kita bukas dyan. Puntahan natin sila. Nakakainis na Bryan yan yari talaga sakin yan!” naiinis namang sambit ni Dindin.

Kinabukasan, pumunta nga sila sa parkeng tinutukoy ni Bryan sa text. Patawid pa lamang sila, bigla na lang may malakas na tunog na tila may bumanggang sasakyan sa kung saan, nagsigawan naman ang mga taong malapit sa insidente. Dali-daling pinuntahan ito nila Jaimee at halos gumuho ang mundo niya nang makitang nakahandusay ang katawan ng nobyo sa tapat ng isang kotse, duguan at habol ang hininga.

“Bryan, tumingin ka sakin. Huwag mong ipipikit ang mata mo, parang awa mo na. Huwag kang mawawala, ayos lang kung hindi na ako nakakapagpasaya sayo, basta mabuhay ka lang, okay? Mahal na mahal kita, please lang kumapit ka.” naiiyak na sambit ng dalaga habang hinihimas-himas ang ulo ng nobyo “Hoy! Dindin! Huwag kang mag-video dyan! Tumawag ka ng ambulansya!” galit na sigaw nito sa kaibigan nang makitang kumukuha pa ito ng video imbes na tumulong.

Ngunit pagtingin niya muli sa kanyang harapan, wala na doon ang katawan ng kanyang nobyo. Agad naman siyang tumingin sa kanyang likuran at doon na tuluyang bumuhos ang luha niya.

Nakita niyang nakaluhod na sa likod niya ang binata. May hawak-hawak na mga bulaklak at singsing. Nagsimula na ring tumugtog ang bandang palaging nag-eensayo sa park. Naghiwayan na rin ang mga tao sa paligid, “Say yes! Say yes!” ika nila. Naglululundag naman ang kaibigan niya habang siya, nakatulala lamang sa mukha ng binata habang lumuluha.

“Sorry Jaimee, gusto ko kasi hindi mo makakalimutan yung proposal ko.” patawa-tawang ika nito, hinampas naman siya sa dibdib ng dalaga habang humahagulgol pa rin. “Baby, will you marry me?” ika ni Bryan, kitang-kita sa kanyang mga mata ang kagustuhang mapa-oo ang dalaga.

Advertisement

“Yes!” hikbi ni Jaimee dahilan para mapalundag sa tuwa ang binata, halos magwala naman ang mga tao sa paligid. “Akala ko may iba kana.” bulong niya sa binata.

“Wala akong iba. Ikaw at ikaw lang sa buong buhay ko. Mahal na mahal kita, patawarin mo ako.” ika naman nito sabay yakap sa kanya.

Lumipas ang isang taon pagkatapos nang mapanakit na proposal ni Bryan, kinasal na nga sila at napiling manirahan sa ibang bansa.

Kakaiba nga naman talaga ang proposal na ito. Buti nalang ay di siya bumitaw agad. Ganoon naman talaga ang nagmamahal diba? Lalaban hanggang kaya. Kasi sa dulo, naroon ang ligaya.