Dala ng Inggit sa Mayayamang Kaklase ay Pinilit ng Dalaga ang Ina sa Pagbili ng mga Luho Niya, Napaluha na Lamang Siya nang Minsang Makita ang Laman ng Lumang Kabinet ng Ina

Sa eksklusibong paaralan na pambabae nag-aral ng hayskul si Bridgette. Bagamat simple lamang ang pamumuhay ng kanilang pamilya ay pilit na iginagapang ng kanyang mga magulang na mapag-aral siya sa isang magandang paaralan.

Ang mapag-aral sa isang kilalang paaralan ay isa sa napakaraming bagay na sana ay pinagpapasalamat ng dalaga, subalit ikinalungkot pa niya ito. Madalas kasing ikinukumpara ni Bridgette ang kanyang sarili sa mga mayayamang kaklase.

Lalong lumiliit ang tingin niya sa sarili tuwing nakikitang niyang hatid-sundo ng magagarang sasakyan ang kanyang mga kaklase at ibang kamag-aral. Samantalang isang bisekleta lamang ang kayang gamitin ng kanyang ama sa tuwing bumibisita ito sa kanya.

Sa tuwing nagkukwentuhan ang mga kaklase tungkol sa mga mamahaling damit, sapatos, cellphone at iba pang mga gadgets ay tahimik lamang na nakikinig si Bridgette. Hindi kasi niya kayang makipagsabayan sa buhay ng mga ito.

Alam na alam naman niya sa kanyang sarili na hindi naman niya kailangan ikumpara ang sarili sa mga kamag-aral na mayayaman, pero labis na pagkaawa ang nararamdaman niya sa kanyang sarili sa tuwing paulit-ulit lamang ang mga damit na kanyang isinusuot.

“Balang araw, makakasunod din ako sa buhay na kinagisnan ninyo,” determinadong wika ng dalaga sa kanyang sarili.

Pero sa tuwing tinitignan niya ang kalagayan nila sa buhay ay tila ba napakalayo pa ng pangarap niyang iyon, dahil apat silang magkakapatid kaya’t kinailangan maghigpit sa pera ng kanyang mga magulang.

Bagama’t alam niyang wala pang kapasidad ang kanyang magulang na mabilhan siya ng mga branded na damit ay nagsubok pa rin siyang makiusap sa ina.

Advertisement

“Nay, naaalala pa po ba ninyo yung magandang damit at sapatos na nakita natin sa mall noong nakaraan? Kailan kaya natin mabibili iyon?” pasimpleng tanong ni Bridgette sa kanyang ina.

“Eh anak, talaga bang kailangan mo iyong mga yun?” pabalik na tanong naman ng kanyang ina.

“Opo nay. Napaghuhulihan na kasi ako ng mga kaklase ko. Pinagtatawanan nila ako minsan sa tuwing nakikita nilang paulit-ulit ang damit na aking sinusuot kaya bilhin na natin nay, please?” pagpapaawa naman ng dalaga.

Tumango at ngumiti lamang ang kanyang ina, “sige na nga. Dahil masipag ka naman sa eskwela, bibilhin ko ang mga iyon para sa’yo,” nakangiting tugon ng ginang.

Sa fitting room ng mall ay ligayang-ligaya si Bridgette sa pagsusukat ng mga bagong damit. Nag-aantay naman ang kanyang ina sa labas habang siya ay abala sa pagsusukat. Nang makalabas si Bridgette ay agad niyang napansin ang ina na nakatitig sa hawak-hawak na asul na blusa.

“Nay, bibilhin din po ba ninyo iyan? Napakagandang blusa po niyan at bagay na bagay sa inyo!” pahayag ng dalaga.

Ngumiti lamang ang ginang sa kanya, “marami pa akong bagong damit sa kabinet ko anak. Di ko lang talaga nagagamit. Ikaw nakapili na ba?” tanong naman ng kanyang ina.

“Opo nay, tingnan ninyo ito,” wika ni Bridgette habang ipinapakita ang mga nag gagandahang mga damit, “bagay na bagay, ‘di ba nay?”

Advertisement

“Oo anak. Bagay sayo ang mga iyan. Halika at bayaran na natin iyan pati yung dalawang sapatos na gustong-gusto mo,” wika naman ng babae.

Pagkauwi sa kanilang tahanan ay tuwang-tuwa na sinukat ni Bridgette ang mga bagong damit. Halos umabot na sa kanyang tenga ang malalaking ngiti sa kanyang labi. Habang nagsusukat ng damit ay pumukaw naman ng kanyang atensyon ang kabinet na naglalaman ng damit ng kanyang magulang.

Hindi niya alam kung anung pwersa ang nagtulak sa kanya na buksan ito. Siguro nais lang niyang makita ang mga bagong damit na sinasabi ng kanyang ina. Kaya’t lumapit siya dito at binuksan, subalit napalitan ng pagluha ang kanyang matatamis na ngiti sa nakita.

Tanging apat na blusa na halatang napaglumaan na, mga may kupas na pantalon at iba pang damit na pambaba at mga sapatos na idinikit lamang ng rugby ang suwelas. Sira-sira naman at napadumi na ng paboritong sapatos ng kanyang ama.

Ang mga lumang gamit na ito ang paulit-ulit na sinusuot ng kanyang mga magulang sa mahabang panahon. Ilang taon din pala ang tiniis ng kanyang mga magulang na hindi makabili ng mga bagong kasuotan para lamang matustusan ang kanilang pangangailangan na magkakapatid.

“Tuwang-tuwa ako sa mga bagong biling damit ko, pero hindi pala magawang bumili nila nanay at tatay ng bagong kasuotan para sa sarili nila. Lahat ng pinaghihirapan nila sa trabaho ay sa amin lamang nauubos. Napakamakasarili ko naman,” lumuluhang wika ni Bridgette sa kanyang sarili.

Magmula ng araw na iyon at tinigilan na ni Bridgette ang pagkukumpara sa sarili niya sa ibang mga kaiskwela na mayayaman. Natutunan niyang pahalagahan ang mga gamit na naibibigay sa kanya ng kanyang magulang.

Nang sumapit ang araw ng pasko ay masayang inihanda ni Bridgette ang kanyang regalo para sa mga magulang.

Advertisement

“Nay, tay! Ano ba naman yung cabinet ninyo? Kailan pa kayo nagpatira ng daga sa loob noon? Tanggalin ninyo dali at sobrang nakakadiri po!” sigaw ng dalaga.

Agad naman pumunta ang mag-asawa dala ang pamalo at panghuli sa daga. Nang kanilang buksan ang loob ng cabinet ay nagulat ang dalawa sa nakita. Ang asul na blusa na gustong-gusto ng ginang at isang bagong rubber shoes naman para sa ama ni Bridgette.

“Salamat sa lahat ng sakripisyo ninyo para sa amin nanay at tatay. Sana ay napasaya ko kayo sa munting regalong pinag-ipunan ko ng matagal mula sa aking baon. Mahal na mahal ko po kayong dalawa,” maluha-luhang sabi ni Bridgette.

Nagsumikap pa si Bridgette sa pag-aaral. Nakapagtapos siya na Summa Cum Laude sa kursong Accountancy. Nang makapasa sa board exam ay agad na nakahanap ang dalaga ng magandang trabaho.

Ngayon ay nakapagpatayo na siya ng sariling bahay at maliit na tindahan para sa kanyang mga magulang. Hindi na rin problema ang mga damit na susuotin sa kanila dahil sa laki ng kinikita ni Bridgette, subalit nanatili pa rin silang simple at marunong makuntento sa mga pagpapalang kanilang tinatanggap.

Madalas ikinukumpara natin ang sarili natin sa ibang tao. Bakit mas nakakaangat sila sa buhay? Bakit mayroon sila ng mga bagay na wala tayo? At bakit hindi ibinibigay agad sa atin ang mga bagay na ating ninanais? Iyon ay dahil para matutunan natin kung paano magiging kuntento sa mga bagay na mayroon tayo at pahalagahan ang sakripisyo ng iba para lamang maibigay sa atin ang mga ito.

Hindi natin kailangan ang mararangyang bagay sa mundo upang lumigaya. Tunay ngang marami tayong mabibili at magagawa kapag tayo ay mapera, subalit hindi kailanman mabibili ng pera ang tunay na kaligayahan. Minsan, para maging tunay na masaya ay kailangan nating makuntento sa mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin.