Inspirasyon Mula kay Lolo Sapatero

Padabog na itinapon ni Anton, 27 taong gulang, ang kanyang sapatos na pamasok sa trabaho, at pabagsak na humilata sa kanyang kama. Sumulyap siya sa relong pambisig. Alas nuwebe ng gabi. Alas singko siya umalis sa trabaho, at halos apat na oras na bumyahe pauwi. Ilang oras lamang ang tulog niya, muli siyang babangon para muling pumasok sa trabaho. Kailangan niyang makaalis kaagad, dahil kung babagal-bagal siya, tiyak na mahuhuli siya. Mahigpit pa naman ang kanilang opisina sa pagtatantos ng lates at absences.

Pakiramdam ni Anton ay napapagod na siya. Napapagod na siya sa buhay. Parang kinatatamaran na niya ang araw-araw na routine ng kanyang buhay. Trabaho-bahay. Trabaho-bahay. Paulit-ulit! Ngunit, wala naman siyang choice. Marami siyang bayarin. Nagmamadali kasi siyang magkaroon ng sariling bahay kaya naman kumuha kaagad siya ng hulugang unit sa Bulacan. Ipinadaan niya sa PAGIBIG ang paghuhulog sa kanyang “home sweet home”. Subalit hindi kinaya ng kanyang sweldo ang paghuhulog ng buwanan, lalo’t magastos din siya. Nagkabaon-baon siya sa utang. Marami siyang obligasyon pagdating sa pananalapi.

Gusto na niyang magbitiw bilang junior manager sa opisina, subalit kapag naiisip niya ang kanyang mga pananagutan, nagdadalawang-isip siya. Mahirap humanap ng trabaho ngayon. Mapalad ka kung nagustuhan ka ng HR, o kaya ng mismong boss. Saka kailangan niya rin ng matatag na kita para mabayaran nga niya ang mga obligasyon, at upang mabuhay pa rin siya sa araw-araw.

Naiisip na rin niyang magtayo ng negosyo. Subalit minsan, pinigilan siya ng kanyang kaibigan na si Sandy, kaopisina niya, na napagsasabihan niya ng lahat.

“Saan ka kukuha ng pera? Baka mabaon ka na naman sa utang. Mahirap magnegosyo ngayon kung hindi mo alam ang pasikot-sikot nito,” minsan ay sabi nito sa kanya nang sila ay nasa inuman.

“Sus, matalino naman ako, Kayang-kaya ko iyan. Wala namang bagay na hindi napag-aaralan,” tugon ni Anton. Medyo lasing na siya ng mga sandaling iyon.

“Sabagay. Anong negosyo naman ang papasukin mo, aber?”

Hindi nakasagot si Anton.

Advertisement

Mula noon ay isinantabi niya ang isipin ng pagnenegosyo. Tatapusin muna niya ang mga utang, bago sumabak dito.

Sa tuwing gumigising sa umaga si Anton, gusto niya ulit bumalik sa higaan. Parang nakapagkit pa rin sa kanyang malambot na kama ang kanyang likod. Ayaw niyang bumangon. Ayaw niyang magtrabaho. Naiisip niyang sana ay mayaman na lamang siya.

Kapag Lunes hanggang Biyernes, pakiramdam niya ay napakaha ng oras. Masaya siya kapag Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng gabi. Lagi siyang lumalabas kasama si Sandy at nagpapakalango sa alak. Pagdating Linggo, masakit na masakit ang kanyang ulo dahil sa hangover. Kaya tinatamad siya, o mabigat ang katawan niya pagsapit ng Lunes.

Isang hapon ng Biyernes, mabigat ang pakiramdam na naglakad patungo sa sakayan pauwi si Anton. Ipinatawag siya sa HR Office kanina. Marami na raw siyang late. Mapapatawan na siya ng suspensyon. Pakiramdam ni Anton, ang bigat ng katawan niya. Iisa lamang ang tumatakbo sa isip niya. Magreresign na siya, at hahanap na lamang ng ibang trabaho! Magsisimula siyang muli!

Habang naglalakad, nakasalubong siya ng isang matandang lalaking halos nagkakandakuba sa paglalakad, may hawak na maliit na kahon at bangkito. Nakasukbit sa balikat ang mga sapatos na panlalaki. Kahit na ganito ang kanyang sitwasyon, nakangiti pa rin itong nag-aalok sa mga tao, lalo na sa mga lalaki, na linisin ang kanilang mga sapatos.

“Sir, shoe shine po…” nakangiting bungad nito sa kanya.

Nakaramdam ng awa sa matandang sapatero si Anton, kaya kahit malinis naman ang kanyang sapatos, nagpalinis siya rito. Pumwesto sila sa gilid ng kalsada. Umupo ang matanda sa bangkito, at sinimulang linisin ang kanyang mga sapatos.

“Taga saan ho kayo, ‘tay?” untag ni Anton sa matandang sapatero.

Advertisement

“Diyan lang ho sa bandang looban, sir,” nakangiting sabi nito at itinuro gamit ang mga labi ang tinutukoy na Looban. Squatter’s area.

“Bakit pa ho kayo nagtatrabaho, ‘tay? Dapat ho nagpapahinga na po kayo. Napakainit ho ng panahon. Naglalakad ho ba kayo ng walang payong?” paalala ni Anton sa matanda.

“Naku sir, kailangan ko hong gawin ito para may makain ho ako sa araw-araw. Ako na lang po kasi mag-isa sa buhay. Saka, mahal ko po ang ginagawa ko… matagal na po akong gumagawa at naglilinis ng sapatos.”

At isinalaysay ng sapatero kay Anton ang maikling detalye sa buhay nito. Dati itong nakatira sa lalawigan ng Aurora, nakipagsapalaran sa Maynila, nagtrabaho bilang sapatero. Nawala at nasira ang pwesto nito sa palengke dahil sa isang malakas na pagbaha dulot ng malakas na bagyo. Mula noon, nagtiyaga na itong mag-ikot-ikot upang makahanap ng customer.

Matapos ang maiksing kwentuhan, napakintab nito ang kanyang sapatos. Humugot ng isang libong piso si Anton at iniabot sa matanda.

“Naku sir, masyado hong malaki, wala po akong panukli. Pangatlo ko pa lang kayong customer….”

“’Tay, keep the change na lang po. Sa inyo na po iyan. Salamat po sa paglilinis ng sapatos ko. Bukod po sa sapatos ko, nalinis n’yo rin po ang isipan ko, dahil sa kwento n’yo,” nakangiting sabi ni Anton sa matandang sapatero.

Tuwang-tuwa naman ang matandang sapatero sa biyayang kanyang natanggap. Natuwa rin ang isip at puso ni Anton.

Advertisement

Umaga ng Lunes, masiglang bumangon si Anton at naghanda para pumasok sa trabaho. Imbes na makipag-inuman kay Sandy noong Sabado, minabuti niyang mamalagi sa bahay at mamahinga. Sa araw ng Linggo, siya ay nagsimba. Marami siyang napagtanto. Sa kabila ng kanyang mga problemang pampinansyal, mapalad pa rin siya dahil may matatag siyang trabaho. Nakatapos siya ng pag-aaral. May kaunting pera at hinuhulugang bahay. May maayos na tirahan. Nabigyan siya ng panibagong inspirasyon ng matandang sapatero. Kung ito nga ay masaya at nakangiti pa ring ginagawa ang kanyang minahal na trabaho, parang wala siyang karapatang magreklamo.

Simula ngayon, bibilangin na niya ang mga biyayang natatanggap niya.