Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Bayani Ka, Manong Taxi Driver! - Inday Trending

Bayani Ka, Manong Taxi Driver!

Likas na kay Dante ang tumulong sa mga nangangailangan. Gaano man kaliit o kalaki ang problema basta may magagawa siya ay ilalahad niya ang kaniyang mga kamay. Saan man siya mapadpad ay hindi mawala sa kaniyang sistema ang magandang kaugaliang ito. Handa siyang tumulong sa kaniyang kapwa kahit pa malagay sa panganib ang kaniyang buhay.

Kahit pagod na pagod na si Dante sa halos buong araw na pamamasada ng taxi sa buong Riyadh ay matiyaga siyang naghintay ilang metro ang layo sa labas ng isang malaking bahay. Maya-maya ay isang babaeng iika-ika ang lumabas. May hila-hila itong malaking bagahe.

“Kayo po ba si Kuya Dante?” Tanong ng babae.

“Ikaw ba si Rosa?” Balik tanong ni Dante. Mabibilis na tango ang natanggap na sagot ng lalaki. “Sumakay ka na nang makaalis na tayo dito. Baka biglang mapansin ng amo mong lumabas ka ng bahay maudlot pa ang pagtakas mo.”

Pagkasakay ni Rosa ay agad pinaandar ni Dante ang minamaneho niyang taxi. “Gusto mo bang dumaan muna tayo sa ospital?” Nag-aalalang tanong ng lalaki.

“Diretso na po tayo sa embassy. Mas magiging ligtas ako roon.”

Habang namamasada ay muling nakatanggap ng text si Dante mula sa isa pang OFW na nagpapasaklolo. Kahit hindi kilala ng lalaki kung sino ang nag-text ay walang pagdadalawang isip niyang tinawagan ang nagpadala ng mensahe.

“Anong nangyari? Ayos ka lang ba? Nasaan ka?”

Mangiyak-ngiyak ang babaeng sumagot ng kaniyang tawag. “Kuya, tulungan mo ko! Hindi ko na kaya! Halos araw-araw akong binubugbog ng amo ko!”

Tulad ng dati, matapos alamin ang mga detalye ng kinaroroonan ng pobreng kasambahay ay agad nagplano si Dante kung paano niya ito sasaklolohan. Ilang palitan pa ng mensahe ang naganap bago dumating ang araw ng pagsagip sa babae. Dahil ikinulong ang babae sa isang kwarto ay napilitan si Dante na sirain ang bintana maitakas niya lang ang kasambahay. Sa awa ng Diyos ay naihatid niya ito ng ligtas sa embassy maliban sa mga pasa at bali sa buto na natamo ng babae mula sa pambubugbog ng amo nito.

Si Lea ang susunod na sasagipin ni Dante. Sa pagkakataong ito ay mahihirapan siyang itakas ang babae lalo pa at pulis ang amo nito. Maliban pa doon ay maraming CCTV sa loob at labas ng bahay. Pagkatapos niyang malaman ang kinaroroonan ng babae ay matiyaga niyang inobserbahan ang paglabas-pasok ng mga tao sa bahay pati ang paggalaw ng mga CCTV. Pinag-aralan din niya ang mga pasikot-sikot sa lugar para alam niya kung saan siya maaaring lumusot kung sakaling magkaroon ng problema.

Isang araw ay isang text ang natanggap ni Dante mula kay Lea.

“Kuya, mag-isa lang ako sa bahay. Nagbakasyon ang mga amo ko. Sa susunod na linggo pa ang balik nila.” Pabor ito sa kanila dahil mas magiging madali para sa kaniya na itakas ang dalaga. Matapos niyang ihatid ang kaniyang pasahero ay nagtungo agad ang lalaki sa kinaroroonan ng dalaga.

“Nandito na ko. Hihintayin na lang kita dito sa labas.”

Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng takot ang lalaki. Pakiramdam niya ay mayroong hindi tama. Pero sa kabila ng pangambang nararamdaman ay matiyagang pa ring naghintay si Dante sa labas ng bahay.

Isang babaeng balot na balot ang lumabas ng bahay. Mukhang maayos naman ang lagay nito kaya nagduda si Dante kung ito ba si Lea. Maliban pa doon ay puro iling at tango lang ang isinasagot nito sa kaniyang mga tanong kaya lalong kinabahan ang lalaki. Gayunpaman ay pinasakay niya pa rin ito sa kaniyang taxi.

Sa kalagitnaan ng byahe ay biglang hinarang ang taxi ni Dante ng mga pulis. Ang babaeng nakasakay sa likod ng kaniyang taxi ay tinutukan siya ng baril. Natunugan pala ng amo ni Lea ang plano niyang pagtakas kaya ipinatumba na niya ang kaawa-awang kasambahay habang pinaplano nito ang pagdakip sa kaniya. Ang babeng pinasakay niya sa kaniyang taxi ay hindi si Lea. Isa itong pulis.

“I am innocent. I didn’t do anything wrong. I didn’t commit any crime. I am just a simple taxi driver making a living,” pagpapaliwanag ni Dante. Kinasuhan siya ng pagnanakaw ng amo ni Lea. Nanlumo siya sa nangyari. Nalungkot siya hindi dahil sa kaniyang sinapit kung hindi dahil sa sinapit ni Lea. Hindi niya nailigtas ang babae.

Nabalitaan ng mga natulungan ni Dante ang nangyari sa kaniya. Agad silang kumilos para mapalaya ang kanilang tagapaligtas. Naghanap sila ng magaling na abugado pagkatapos ay nangalap sila ng pondo para sa pambayad dito. Napawalang-sala sa kasong pagnanakaw ang lalaki. Pagkalaya niya ay bumalik siya sa pamamasada.

Hindi pinagsisisihan ni Dante ang kaniyang pagtulong sa mga kapwa niyang OFW na nakakaranas ng kalupitan mula sa mga abusado nilang amo. Sa kabila ng kaniyang pagkakakulong ipinagpatuloy pa rin ng lalaki ang pagsagip niya sa mga OFW na humihingi ng saklolo. Hangga’t may nangangailangan ng tulong ay handa si Dante na ibuwis ang kaniyang buhay ano mang oras, ano mang pagkakataon, saan man siya naroroon.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.