Pinakamamahal na Kayamanan

Sobrang stress sa trabaho si Keno kaya ilang araw ng mainit ang ulo niya. Palagi siyang nakasimangot at hindi bumabati sa mga ka-opisina. Minsan nga ay nasasabihan na siya na nagmumukha siyang matanda sa pagiging masungit niya gayong wala pa siyang treinta anyos. Hindi iyon nakaligtas sa mga mata ng kanyang mga magulang.

“Anak, tuwing uuwi ka galing sa trabaho mo ay gabi-gabing nakabusangot ang mukha mo. Nahihirapan ka na ba sa trabaho mo?” nag-aalalang tanong ng kanyang ina na si Aling Mildred.

“Pahirapan kasi ang maka-quota sa opisina, inay. Sumasakit na ang ulo ko, sinasabon pa ako ng boss namin kung bakit ilang buwan na ay hindi pa rin kami nakakabenta ng maayos,” paliwanag ng lalaki habang hinihilot ang magkabilang sentido.

Isa kasi siyang sales agent sa pinapasukang kumpanya kaya nape-pressure siya. Nakakadagdag pa sa mga iniisip niya ang kamakailan lang na pakikipaghiwalay sa kanya ng nobya niya na ipinagpalit siya sa ibang lalaki. Dahil broken hearted ay isinubsob at pinapagod niya ang sarili sa trabaho para kahit paano ay makalimutan niya ang kataksilang ginawa sa kanya ng babae. Sa isip niya, imbes na iyakan niya ang ginawa nito sa kanya ay itutuon niya ang sarili sa kanyang career at pagpaparami ng pera. Kaya nga natatawa na lang siya kapag may mga ka-opisina siyang nagmamadaling umuwi dahil may mga date pa sa kani-kanilang nobyo at nobya, para sa kanya ay hindi na siya naniniwala pa na mayroong tunay at wagas na pag-ibig.

“Naku, anak huwag mong sagarin ang sarili mo sa trabaho, magpahinga at aliwin mo naman ang sarili mo. Tutal, wala namang pasok bukas ay magbakasyon ka muna sa bahay ng lola mo. Ipahinga mo muna ang isip mo. Makakatulong sa iyo ang tahimik at sariwang simoy ng hangin sa probinsya,” payo naman ng kanyang amang si Mang Loreto.

Saglit na nag-isip si Keno habang hinihimas ang kanyang patubong balbas sa baba dahil ilang linggo na siyang hindi nag-aahit.

“Magandang ideya iyan, inay. Matagal na akong hindi nakakadalaw sa probinsya. Buhay pa ang lolo nang huli tayong bumisita roon. Nami-miss ko na rin si lola,” pag sang-ayon niya sa suhestyon ng ama. Bigla tuloy siyang nasabik na makapunta sa bahay ng kanyang lola sa probinsya. Gusto niyang balikan ang masasayang araw kasama ang pinakamamahal na lolo at lola. Sa pagbalik sa lugar kung saan naging makulay ang kanyang kabataan ay naniniwala siya na mapapahinga ang kanyang isip at puso sa magulo at mapaglarong buhay sa siyudad.

Madaling araw pa lamang ay nakasakay na sa kanyang kotse si Keno papuntang probinsya. Ilang oras din ang biyahe bago marating ang ancestral house ng kanyang lola sa Batangas. Nang makababa sa sasakyan ay amoy na amoy agad niya ang sariwang hangin at kitang-kita niya ang maaliwalas na paligid.

Advertisement

“Hay, kay sarap dito. Sana ay ganito kapayapa sa Maynila,” nakangiti niyang bulong sa sarili.

‘Di nagtagal ay sinalubong siya ng may edad na babae na nagpakilala na si Aling Dolor, ang kasambahay ng kanyang lola na si Lola Nelia. Inihatid siya nito sa silid ng matanda at doon ay tumambad sa kanya si Lola Nelia na nakaupo sa tumba-tumba at nakadungaw sa bintana. Ang sabi ni Aling Dolor ay sa sobrang katandaan ay nag-uulyanin na ang lola niya kaya naman kung hindi siya nito makilala ay pagpasensiyahan na lamang niya. Nang makita nito na dumating na siya ay tuwang-tuwa itong tumayo sa tumba-tumba.

“Carlito? anak, kumusta ka na?” wika ng matanda at tinititigan siyang mabuti.

“Lola, ako po si Keno. Hindi po ako si itay. Ako po ang apo ninyo,” nakangiti niyang sabi sabay mano sa kanyang lola.

Magkamukha kasi sila ng kanyang ama lalo na noong kabataan nito kaya napagkamalan siya ng lola niya na siya ang anak nito.

“Apo? Ikaw na ba ang anak ni Carlito? Binata ka na at napakaguwapo mo rin. Manang-mana ka sa itay mo at sa yumao mong lolo,” sabi ni Lola Nelia.

Ilang oras na nagkuwentuhan ang mag-lola hanggang sa nakaramdam na ng antok ang matanda at nagpaalam na magpapahinga muna sa silid nito. Nakaramdam na rin siya ng pagod kaya napagdesisyunan niyang magpahinga na rin sa kanyang silid.

Alas singko ng hapon, biglang nagising si Keno sa malakas na sigaw ng kanyang lola.

Advertisement

“Dolores, Dolores! Pumarine ka nga! Kanina pa kita tinatawag, bakit ang bagal-bagal mo?!” galit na sabi nito, kaya agad na napalabas si Keno upang tingnan kung ano ang dahilan kung bakit nagsisisigaw ang matanda.

Paglabas ng silid ay naabutan niya na sinesermunan ng kanyang lola ang kasambahay. May hinahanap ito na kung ano.

“Lola, bakit po? Anong problema?” aniya.

“Nawawala kasi ang kahon ko ng kayamanan. Inilagay ko lang iyon sa loob ng tokador, pagbukas ko ay wala doon,” natatarantang sabi nito.

“Isa iyong kulay gintong kahon na palaging bitbit ng lola mo saan man siya magpunta. Sinasabi niya na ang nasa loob daw ng kahon ay napakalaking kayamanan,” paliwanag ni Aling Dolor saka muling binalingan ang amo.

“Baka naman sa ibang lugar niyo lang nailagay,” anito.

“Hindi ako maaaring magkamali sa loob ng tokador ko iyon itinago. Hindi iyon puwedeng mawala. Malaking kayamanan ang nasa loob ng kahon ko kaya kailangan ko siyang mahanap!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Lola Nelia.

“Huwag po kayong mag-alala at tutulong po ako sa paghahanap sa inyong kahon,” wika ni Keno sa nag-aalala niyang lola. Natataranta na rin sa paghahanap si Aling Dolor. Hinanap na nila sa lahat ng sulok ng kabahayan ngunit wala silang nakitang kahon.

Advertisement

Pagod na pagod sila sa kahahanap hanggang sa bigla na lang napahagulgol si Lola Nelia.

“Hindi iyon puwedeng mawala. Iyon ang aking pinakaiingat-ingatang kayamanan,” anito sa garalgal na tono.

“Magpahinga po muna kayo lola at mamaya ay hahanapin natin ulit. Huwag na kayong umiyak, hindi ako titigil hangga’t hindi ko naibabalik sa inyo ang kahon. Ikukuha ko muna kayo ng malamig na tubig sa refrigerator,” sabi niya rito. Tumango naman ang kanyang lola habang humihikbi.

Pagbukas niya ng refrigerator ay laking gulat niya dahil naroon ang hinahanap nilang kulay gintong kahon. Agad niya iyong ibinigay kay Lola Nelia. Tuwang-tuwa ang matanda nang mapasakamay muli ang pinakaiingat-ingatang kahon.

“Salamat, maraming salamat at nakita mo ang kahon ko!” sabi nito sa masayang tono sabay niyakap ang kahon at pinaghahalikan pa.

Ang totoo ay nailagay ni Lola Nelia ang kahon sa loob ng refrigerator at hindi na naalala na naiwan pala roon dahil sa pagiging malilimutin.

Na-curious naman si Keno kung bakit ganoon kahalaga sa kanyang lola ang kahong kulay ginto. Ano nga ba ang kayamanan na nasa loob nito? Tinanong niya ang matanda kung ano ang laman ng kahon.

“Lola, ano po ba ang laman niyan at mahalagang-mahalaga sa inyo. Malaking halaga po ba iyan ng pera, tseke o may mamahaling ginto po ba sa loob?” tanong ng apo.

Advertisement

Napangiti si Lola Nelia at unti-unting binuksan ang kahon. Inilabas nito ang pinakatatagong kayamanan na pinakaiingat-ingatan pa nito. Mas lalong ikinagulat ni Keno ang nasa loob ng kahon.

Ang kupas na litrato ng kanyang lolo.

“Ito ang aking pinakamamahal na kayamanan na kahit kailan ay hindi matutumbasan ng kahit anong salapi at ginto sa mundo,” maluha-luhang tugon nito habang hinihimas-himas pa at pilit na minememorya sa isip ang hitsura ng yumaong asawa.

Hindi namalayan ni Keno na kanina pa pala pumapatak ang kanyang luha. Napatunayan niya sa sarili na mayroong tunay at wagas na pag-ibig at iyon ay ang tunay at wagas na pag-ibig ng kanyang Lola Nelia sa kanyang namayapang lolo.

Mula noon ay nabuhayan na siya ng pag-asa na balang araw tulad ng kanyang lolo ay makikita rin niya ang babaeng magmamahal sa kanya ng tapat hanggang sa huli niyang hininga. Nagkaroon ulit siya ng tiwala na darating ang tamang tao sa buhay niya sa takdang panahon.