Nang Magkaroon ng Malubhang Sakit ang Mister ay Humingi si Misis ng Tulong sa Facebook, Hindi Nila Akalain na sa Paghahanap ng Tulong ay Iba ang Kanilang Matatagpuan

“Ewan ko ba sa’yo, Eva. Kung bakit sa dinami-dami ng mga nanliligaw sa’yong mayaman, ito pang si Manuel ang napili mo. Bukod sa laking bahay ampunan ‘yan, mukha pang sakitin. Magiging problema mo ‘yan.” Ito ang mga salita ng kanyang inang si Aling Puring na paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ni Eva gabi-gabi sa tuwing matutulog na siya matapos n’yang linisin ang kanilang bahay pagkagaling sa opisina.

“Mahal na mahal ko si Manuel at mahal na mahal din niya ako. Wala akong pakialam kung ano pa ang estado niya sa buhay. Ang mahalaga ay masaya kami at nagmamahalan.” Ito naman ang naging sagot niya sa kanyang ina.

Sikat si Eva sa pinapasukang unibersidad noong siya ay nasa kolehiyo pa. Maganda, balingkinitan ang pangangatawan at matalino kaya’t maraming binatang estudyante at pati na rin guro ang nagkakagusto sa kanya. Sinubukan ni Eva na makipagrelasyon sa ibang mga mayayamang manliligaw ngunit hindi siya naging masaya. Pakiramdaman niya, kaya lang siya nagustuhan ng mga ito ay dahil lamang sa kanyang angking kagandahan. Wala siyang nararamdamang totoong pagmamahal mula sa mga ito.

Hindi namalayan ni Eva ang oras sapagkat pilit niyang tinapos ang isang proyektong ipinagawa sa kanya ng kanyang guro. Nauna nang umalis ang kanyang guro at iniwan siya nito sa faculty room. Patay na halos lahat ng ilaw sa hallway ng gusali kung saan naroon ang faculty room. Ang ilaw sa may hagdanan na lamang ang kaisa-isang bukas. Takot na takot na naglakad si Eva palabas ng naturang gusali.

Napatili si Eva pagdating niya sa unang palapag. Hindi niya kasi inaasahang may iba pang tao sa unibersidad sapagkat alas otso na ng gabi. Ngunit ang gulat at takot na naramdaman niya ay napalitan ng tuwa ng makita niya kung sino ang taong nakita niya.

“Manuel, ikaw pala yan!” Nakangiting sabi ni Eva.

“Gabi na. Saan ka galing?” Nagtatakang tanong ni Manuel.

“Galing ako sa faculty room. Tinapos ko ‘yung project na pinapagawa ni Mrs. Abesamis. Kailangan na kasi bukas. Hindi ko namalayan alas otso na pala. Ikaw, bakit nandito ka pa?” Wika ni Eva.

Advertisement

“Ganitong oras talaga ako palaging umuuwi. Nililinis ko ang mga kuwarto ng ating school kapalit ng pag-aaral ko. Sabay na tayong lumabas at mas madilim pa dito ang dadaanan natin.” Alok ni Manuel kay Eva.

Pumayag naman ang dalaga dahil nakita niya na totoong madilim nga ang dadaanan nila at kilala naman niya si Manuel bilang isang mabait na binata.

Si Manuel ay ulila na sa mga magulang. Galing siya sa bahay ampunan na pinamamahalaan ng kanilang unibersidad. Walang nag-ampon sa kaniya kaya hanggang magbinata ay sa bahay-ampunan ito nakatira. Dahil may pangarap siya sa buhay, nakiusap siya sa pamunuan na pag-aralin siya hanggang kolehiyo at kapalit nito ay magtatrabaho siya bilang janitor pagkatapos ng kanyang klase.

Simula ng gabing iyon, naging malapit na sa isa’t-isa sina Manuel at Eva hanggang sila ay naging magkasintahan.

Nakatapos sila pareho sa kolehiyo at parehong nagkaroon agad ng trabaho. Si Eva ay natanggap bilang isang teller sa kilalang bangko at si Manuel naman ay empleyado sa isang pribadong kumpanya.

Makalipas ang limang taon, sabay silang na-promote sa kanilang pinagtatrabuhan dahil pareho silang matiyaga at masipag. Nagdesisyon na silang magpakasal dahil may sapat na silang ipon para magtaguyod ng isang pamilya. Tutol man ang mga magulang ni Eva kay Manuel, wala itong nagawa sapagkat nasa tamang edad na ang dalawa.

Nakabili sila ng isang disenteng bahay na matatagpuan malapit sa lugar kung saan sila nagtatrabaho at nanirahan nang masaya at punong-puno ng pagmamahal.

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang batang lalaki na pinangalanan nilang Miguel. Napalaki nila ng maayos ang kanilang anak. Iniiwan nila si Miguel sa yaya nito tuwing sila ay pumapasok sa trabaho. Namamasyal sila tuwing Sabado at dinadalaw ang mga magulang ni Eva tuwing Linggo.

Advertisement

“Babe, gising ka na. Nakaligo na kami ni Miguel. Bumangon ka na at maligo para makaalis na tayo ng maaga.” Malambing na bulong ni Eva habang ginigising si Manuel.

Takang-taka si Eva sa kinikilos ng kanyang asawa. Madalas kasi ay maagang gumigising si Manuel kapag araw ng Sabado at Linggo sapagkat gustong-gusto niyang nakikipag-bonding sa kanyang mag-ina. Palagi pang sinasabi ni Manuel, “Hindi ko ‘to naranasan noong bata pa ako kaya gusto ko itong gawin sa anak natin.”

Ilang beses nang ginising ni Eva si Manuel ngunit puro ungol lang ang sagot nito at hindi tumatayo sa kama. Kinabahan na si Eva at umiyak.

“Babe ano ba? May problema ba? Kanina pa kita ginigising ayaw mong gumising.” Umiiyak na sigaw ni Eva habang sinusuntok ang asawa.

Gulat na gulat na nagising si Manuel at nagwikang, “Pasensiya na, Babe. Kanina mo pa ba ako ginigising? Puyat na puyat kasi ako. Hindi ako nakatulog kagabi. Sobrang sakit ng ulo ko.”

Patayo na si Manuel ng kama ng maramdaman ulit ang pagsakit ng kanyang ulo. Sa sobrang sakit ay inuumpog nito ang kanyang ulo sa gilid ng kama.

Isinugod ni Eva ang kanyang asawa sa pinakamalapit na ospital. Matapos masuri ng doktor si Manuel, lumabas na ito ay may tumor sa utak. Nasa stage 2 na ang kanser ni Manuel at kailangan ng maoperahan sa lalong madaling panahon.

Agad na pinaoperahan ni Eva ang kanyang asawa. Ang gastusin sa pagpapaopera ay sinagot ng kumpanyang pinagtratrabahuhan ni Manuel.

Advertisement

Akala ni Eva ay tapos na ang kanyang problema sapagkat naoperahan na ang kanyang asawa at natanggal na ang tumor sa utak nito. Ngunit pagkalabas ng resulta ng biopsy, kumalat na ang bukol sa utak ni Manuel at kinakailangan niyang sumailalim sa therapy sa loob ng isang taon.

Dahil sa kaniyang kundisyon ay huminto sa pagtatrabaho si Manuel. Sa sobrang laki ng gastos, naubos ang ipon ng mag-asawa. Binalak ni Eva na ilipat na sa pampublikong paaralan ang kanilang anak na si Miguel subalit hindi pumayag ang mga magulang niya. Napagkasunduan nilang pag-aralin si Miguel at sa kanila na lamang tumira mula Lunes hanggang Biyernes upang maalagaan ni Eva nang mabuti ang kanyang asawa.

Walong buwan na ang lumipas at ubos na ubos na ang ipon ni Eva. Maraming tumulong sa kanya sa mga gastusin sa pagpapagamot ng kanyang asawa. Lumapit na siya sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno, mga pulitiko at maging mga kamag-anakan ngunit kulang pa rin sa pagpapagamot ni Manuel.

“Babe, patawarin mo ako at naging pabigat ako sa’yo. Hindi ko akalaing magkakasakit ako ng ganito. Alam kong ubos na ang naipon natin. Kung nahihirapan ka, hayaan mo na lang na mawala ako. Itigil mo na ang pagpapagamot sa akin para hindi ka na mahirapan.” Hirap na hirap na sinabi ni Manuel kay Eva na nakatingin sa kawalan.

Humagulgol si Eva sa sinabi ng pinakamamahal na asawa. “Walang titigil sa pagpapagamot. Hinding-hindi ka mamamatay. Hindi mo kami iiwan ni Miguel. Huwag mo alalahanin ang gastusin sa pagpapagamot mo. Kahit magkandakuba ako sa pagtatrabaho gagawin ko, gumaling ka lang.”

Pinayuhan si Eva ng kanyang kaibigan na humingi ng tulong sa mga hindi kakilala sa pamamagitan ng social media. Nagdadalawang isip siya kung gagawin niya iyon sapagkat sino ba naman ang magbibigay ng tulong sa mga taong hindi mo kilala.

“Ayan na post ko na!” Malakas na sabi ni Eva sa kanyang kaibigan matapos pindutin ang share sa kanyang social media account.

Ilang araw ang lumipas ngunit walang nagpapadala ng mensahe sa kanyang social media account, nag tetext o tumatawag sa kanyang cellphone.

Advertisement

Nawalan na ng pag-asa si Eva na makakuha ng tulong sa social media nang biglang mag-ring ang kanyang telepono.

“Hello!” Sambit ni Eva pagkasagot sa kanyang celphone.

Isang nagngangalang Eduardo Madrigal ang kanyang nakausap sa telepono. Nais nitong makipagkita kay Eva upang pag-usapan ang tulong na ibibigay sa pagpapagamot sa kanyang asawa. Nagbilin pa ito na dalhin ang litrato nilang pamilya na pinost niya.

Natakot si Eva sapagkat lalake ang kanyang kausap kaya naisipan nitong magpasama sa kanyang kaibigan.

Dinatnan ni Eva si Mr. Madrigal kasama ang asawa nito sa coffee shop na pinag-usapan nila. Matapos makita ang larawan nilang pamilya, nagtanong pa ito kung may iba pa siyang litrato nila Manuel at Miguel.

“Kamukhang-kamukha mo nga siya Eduard. At ang bata, ganyang-ganyan ang itsura niya.” Tuwang-tuwa na sabi ni Mrs. Madrigal sa kanyang asawa.

Takang-taka si Eva sa mga kinikilos at sinasabi ng mag-asawa. Kaya nagtanong siya kung anong nangyayari.

Pagkakita ng mag-asawa sa post ni Eva, nakita nila na ang lalakeng maysakit ay kamukha ni Mr. Madrigal noong bata pa ito at si Miguel naman ay kamukhang-kamukha ng nawawala nilang anak. Pinaimbestigahan nila si Manuel at nalaman nila na si Manuel nga ang nawawala nilang anak tatlumpung taon na ang nakalipas. Nawala ito malapit sa lugar kung saan nakatayo ang bahay-ampunan na tinirhan ni Manuel.

Advertisement

Tumungo agad sila sa bahay nila Eva at tuwang-tuwa sila nang makita ang kanilang anak. Pinagamot ng mag-asawa si Manuel at pinalipat na sila sa mansion ng mag-asawang Madrigal.

Pagkalipas ng isang taon, himalang nawala ang karamdaman ni Manuel sa tulong ng mga magagaling na doktor sa ibang bansa. Tumigil na sa pagtatrabaho si Eva at silang dalawang mag-asawa na ang namahala sa pabrika ng sardinas na pag-aari ng mga Madrigal.

Laking pasasalamat ni Eva na hindi siya nag dalawang isip na humingi ng tulong sa iba dahil ito pala ang magiging tulay ng pagtatagpo ng nagkahiwalay na magulang at anak.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!