Parang Amerikanong Lasing Kung Gumastos ang Lalaki, Kung Hindi pa Mapuputol ang Kamay Niya ay ‘Di Pa Siya Matatauhan

Nang matapos ni Nick ang kaniyang trabaho ay agad siyang nagpunta sa bar kung saan naghihintay sa kaniya ang kaniyang mga kaibigan.

“Pagkain, alak, sigarilyo, orderin niyo lang kung ano ang gusto niyo, akong bahala sa inyo. Babae, pang-hotel, pati yung mga condom na gagamitin niyo sagot ko na,” alok niya sa kaniyang mga kaibigan pagkadating na pagkadating niya sa bar.

Ito ang palaging gawi ni Nick tuwing araw ng sweldo. Ang magwaldas ng pera at ipamudmod ang laman ng kaniyang bulsa sa mga kaibigan at kakilala niya.

“Bumili ka na naman ng cellphone? Di ba kabibili mo lang nung isang Linggo? Bakit? Nasira ba yung binili mo?” Tanong ng nanay ni Nick nung nakita niyang may hawak na bagong cellphone ang anak.

“Hindi. Mas maganda kasi ang features nito kaysa dun sa unang kong binili kaya pinatulan ko na,” sagot ni Nick sa ina.

Isang beses sa isang Linggo kung dumalaw ang nanay ni Nick sa kaniyang condo para bisitahin siya at dalhan na rin ng makakain. At sa tuwing dumadalaw ito ay napapansin nitong may binili na namang bagong gamit ang anak. Sa katunayan ay hindi na niya mabilang sa kaniyang kamay kung ilang pares na ng mga gadgets at appliances ang pagmamay-ari ng anak niya.

Ultimo banyo nito ay may telebisyon at radyo sa loob. Sa isang kwarto naman ng condo nakatambak ang mga kahon-kahong mga alahas, pabango, sapatos at mga damit na isang beses lang naisuot ng kaniyang anak.

“Anak, huwag kang ubos biyaya. Matuto ka ring mag-impok ng pera sa bangko. Hindi natin masasabi kung ano mangyayari sa atin sa hinaharap. Baka sa isang iglap kung kailan mo kailangan ng pera tsaka ka naman walang madukot sa bulsa,” paalala ng ginang.

Advertisement

“Huwag kang mag-alala, Ma. Hindi ako mauubusan ng pera. Sa laki ba naman ng sinusweldo ko buwan-buwan hinding-hindi ako mamomroblema sa pera,” buong pagmamalaki ni Nick.

Isang mahusay na arkitekto si Nick. Araw-araw ay palagi siyang may hawak na bagong proyekto at lahat ng kaniyang mga kliyente ay puro mga bigatin kaya palaging makapal ang laman ng kaniyang bulsa.

Isang araw habang ininspeksyon niya ang pinapagawang condo ng isa niyang kliyente ay biglang gumuho ang isang palapag ng gusali at sa kasawiang palad ay kasama si Nick sa mga lubhang nasugatan.

Ilang araw na na-comatose ang lalaki at nung nagkamalay na siya ay agad siyang nagsisigaw. “Ah! Asan na ang kanang kamay ko? Bakit hindi ko maramdaman ang mga binti ko? Anong nangyari sa akin?”

Naiipit ang kanang kamay ni Nick at sa sobrang lala ng pinsala ay kinailangang itong putulin habang ang dalawang binti niya naman ay aksidenteng naputol ng bumagsak na circular saw mula sa gumuhong palapag.

Buti na lamang ay sinagot ng kompanya ang kaniyang mga gastusin sa ospital. Ngunit po-problemahin pa rin ni Nick ang pera. Walang siyang naipong pera sa bangko at walang kasiguraduhan kung makakapagtrabaho pa ba siya o hindi na. Paano na lang ang mga pangangailangan niya sa araw-araw? Saan siya kukuha ng perang pangbili niya ng mga gamot?

“Ibenta mo yung mga sobra-sobrang gamit na pag-aari mo. Hindi mo naman kailangan ng kinseng cellphone, sampung tablet at limang laptop. Hindi naman kailangan na lahat ng kwarto mo sa condo ay may malaking telebisyon at radyo. Ang dami-dami mo ring nakaimbak ng mga alahas at kasuotan na hindi mo naman ginagamit. At sa pagkakataong ito ay huwag ka nang maging magastos,” suwestiyon ng nanay ni Nick.

Nakinig si Nick sa payo ng kaniyang ina. Ibinenta niya ang mga sobra niyang kagamitan at ang perang nakalap niya ay inipon niya sa bangko. Nagsimula na rin siyang magtipid sa kaniyang mga gastusin. Tinanggal niya ang sigarilyo at alak sa kaniyang sistema. Hindi na siya mahilig manlibre sa mga kaibigan. Mas gusto na niya ngayong maglibang sa loob ng bahay kaysa maglakwatsa.

Advertisement

Matapos ng mahabang panahon ng pagpapagaling at therapy ay nakabitan na si Nick ng mga prosthetic na binti at kamay. Di nagtagal ay nakabalik din siya sa kaniyang trabaho. Hindi naging balakid ang kaniyang kapansanan sa kaniyang pagiging mahusay na arkitekto. Siya pa rin ang hinahanap ng mga bigatin niyang mga kliyente.

Malaki ang ipinagbago ni Nick buhat noong siya ay maaksidente. Marami siyang bagay na natutunan. At ang pinakamahalagang leksyon na tumatak sa kaniyang isipan ay ang kahalagahan ng simple at payak na pamumuhay.