Butihing Puso

“Annie, pananghalian mo o. Itago mo na baka makita ka ni Aling Duday, yari na naman ako doon!” pabulong na ika ni Edwin sa batang kalyeng lagi niyang pinapakain.

“Opo kuya! Mamayang gabi ulit ha.” Puno ng siglang sambit naman ng batang si Annie saka tumakbo na upang hindi mahuli ng may-ari.

“Oo basta pumunta ka lang dito sa likod ng karinderya!” sigaw ni Edwin, upang marinig siya ng batang tumakbo na palayo.

“Sinong pupunta dito sa likod ng karinderya? Yung batang kalye na mukhang Amerikana na naman, ano? Aba Edwin malulugi talaga ako niyan sa ginagawa mo! Ilang beses na kitang sinabihan na huwag mo yan sila bibigyan dahil mamimihasa! Isang beses mo pang gawin yan, sisisantehin kita! Kahit ako na lang ako magluto rito!” galit nag alit na ika ni Aling Duday, napatungo naman sa kahihiyan ang binata.

Kusinero sa isang kilalang karinderya sa kanilang barangay si Edwin. Lumalakas at nakilala ang karinderyang ito ni Aling Duday noong siya na ang nagluluto, ika nga ng iba, ‘Sarap na babalik-balikan mo’ ang kanilang nalalasahan sa mga lutuin ng binata.

Nais talaga niyang maging isang kusinero sa barko ngunit dahil nga kapos sa pera at hindi na nakapag-aral, dito siya ngayon nagtitiis sa karinderya ng masungit na ale.

May kabaitan talaga ang binatang ito, sa katunayan kapag walang ulam ang mga pedicab driver sa gilid ng kanilang karinderya, pinupuslitan niya ang mga ito ng kanyang luto ngunit hindi palagi dahil alam naman niyang may kinikita ang mga ito.

Ang paborito niyang abutan ng pagkain araw-araw ay ang batang kalyeng kung titingnan ay aakalain mong Amerikana dahil sa ganda nito at kaputian ng balat.

Advertisement

Palabiro at masiyahin kasi ang batang ito, kaya naman napapawi ang kanyang pagod sa tuwinang sisilip ito sa kusina ng karinderya at kukwentuhan siya ng kung anu-ano.

“O, Annie, bakit hindi ka pumunta kagabi? Hinihintay kita eh.” sambit ni Edwin sa bigla na lang sumulpot na bata.

“May nagdala kasi sakin sa Jollibee Kuya! Napakabait kamo nung babae tapos habang kumakain ako, titig na titig lang siya sa akin. Sobrang ganda ko kasi, no? Paglaki ko talaga magiging model ako. Tapos bibigyan kita ng trabaho para hindi kana dito kay Aling Sungit.” ika ni Annie habang pinagmamasdaan kung paano ayusin ng binata ang kanyang makakain.

“Hoy wag ka masyadong maingay, o ito na pagkain mo, takbo na, parating na siya!” pananaranta ni Edwin dahilan para tumakbo nang mabilis ang bata.

Halos araw-araw ganoon ang eksena sa likod ng karinderya, palaging dadalaw ang bata at bibigyan ng pagkain ng binata. Ngunit isang araw bigla na lamang itong hindi nagpakita hanggang sa lumipas ang isang Linggo, at naging isang buwan na labis nang ikanabahala ni Edwin.

“Aling Duday, nakikita niyo pa po ba si Annie sa palengke?” pang-uusisa ni Edwin.

“Yung batang maganda? Hindi eh, bakit? Bibigyan mo na naman ng pagkain?” masungit na ika ni Aling Duday habang nagbibilang ng benta.

“H-hindi po, natanong ko lang.” sagot naman ng binata.

Advertisement

Lumipas ang mga buwan at wala nang batang masiyahin ang bumibisita sa kanya. Hanggang sa isang araw, nagulat na lamang siya nang biglang napasigaw si Aling Duday na parang nakakita ng multo, kaya naman agad siyang lumabas ng kusina.

“E-Edwin! Tingnan mo kung sino ang papasok sa karinderya ko!” ika ni Aling Duday habang nakaturo sa isang pamilyang kakababa lamang ng kotse.

“Annie? I-ikaw ba yan? Lalo kang gumanda!” hindi makapaniwalang sambit ni Edwin sa batang naayusan at nakasuot ng magarang damit.

“Opo kuya! Na-miss mo ba ako?” makulit namang sambit nito.

Doon na nakwento ng bata ang nangyari sa kanya noong mga nakaraang buwan. Yung babae palang nagpakain sa kanya sa Jollibee ay ang kanyang tunay na ina. Matagal na siyang hinahanap nito.

“Hindi ko po ba naikwento Kuya? Isang araw kasi sa bahay namin pagising ko, wala si Mommy kaya lumabas ako para hanapin siya. Pumunta akong palengke tapos hindi ko na alam pauwi kaya naisipan ko sumakay ng tren para mabilis sanang makauwi, kaso ayun napunta ako dito. Iyak nga nang iyak si Mommy nang makilala ako. Umuwi pa ng Pilipinas ang Daddy ko o.” kwento naman ng bata sabay turo sa kanyang Amerikanong tatay “Hi Dad! Say hello!” ika nito sa kanyang tatay, agad naman itong kumaway.

Doon rin ay nagpasalamat ang mga magulang ng bata sa kabutihang ipinakita ni Edwin sa kanilang anak at bilang kapalit nais nila itong pag-aralin sa kolehiyo upang matupad nito ang kanyang pangarap.

Talaga nga namang mas pinagpapala ang sino mang nagbibigay sa kapwa, hindi mahalaga kung konti o marami ang iyong ibinibigay, ang mahalaga ay ang puso mong sabik na tumulong sa iba.