Baon na Nga sa Utang ay Iniwan Pa ng Mister ang Babae, Nasa Ibang Bansa Pala ang Solusyon sa Lahat ng Kanyang Problema

Masayang namumuhay noon si Liza, kasama ang asawang si Harry at ang tatlo nilang mga anak. Mabait ang kanyang mister, maasikaso, at mapagmahal. Lumaking responsable naman ang mga anak at marunong rumespeto sa magulang.

Tila ba wala nang mahihiling pa si Liza sa kanyang buhay, ngunit lahat ay nagbago nang magsimulang mangibang bansa ang kanyang asawa. Ang simpleng buhay nila ay naging marangya.

Lahat ng bagay ay nabibili nila. Lahat ng kainan ay halos napuntahan na rin. Bagong mga damit, bagong mga sapatos, at kung anu-ano pang materyal ang kanilang nabibili dahil sa kinikita ng haligi ng tahanan.

Nakabili sila ng sariling sasakyan at nakapagpagawa ng sarili nilang bahay. Napakasarap ng kanilang naging buhay, hanggang isang araw ay nangailangan siya ng malaking pera.

Wala naman nang laman ang kanilang bangko, dahil nasagad ang ipon sa pagpapagawa ng bahay. Ang kinikita ng asawa ay nagsimula nang hindi magkasya dahil sa laki ng kanilang naging gastusin.

Tatlo ang kanilang kolehiyo at may sasakyan pa na kailangang hulugan, bukod doon ay ang malaking singil sa bayad ng kuryente at perang nakukunsumo para sa pagkain at materyal na pangangailangan ng mga anak.

Hindi na alam ni Liza kung paano pagkakasyahin ang kinikita ng asawa. Sinubukan niyang lumapit sa mga nagpapautang ng patubuan upang kahit papaano ay makatulong sa pangangailangang pinansyal, hindi naman siya binigo ng nilapitan.

“Isang daang libo ba kamo?” tanong ng babae na may edad na.

Advertisement

“Opo. Kailangan lang po kasi ng mga anak ko, para sa pag-aaral nila.” Tugon ni Liza.

“20% ang tubo sa mga perang hinihiram sa akin, ngayon kung hindi ka makakabayad, ay babatakin ko ang mga gamit ninyo sa bahay.”

“Ayos lamang ho. Makakabayad ho kami sa inyo,” paninigurado ni Liza.

Labag man sa loob, ay kailangan niya itong gawin para sa mga anak. Pikit mata siyang lumapit sa patubuan.

Namuhay pa rin ang mga anak na katulad ng dati, hindi alam ng babae kung paano niya ipapaliwanag sa mga anak na nawawalan na sila ng pera, at nahihirapan na sa mga gastusin, nakasanayan na kasi ng mga ito ang maginhawang buhay.

Hanggang isang umaga ay nakatanggap ng tawag si Liza mula sa asawa, natanggal daw ito sa trabaho. Nang magbawas ng mga tao ang kompanya ay isa ito sa mga hindi pinalad.

Umuwi ito sa Pilipinas, ngunit sa kanyang pag-uwi, baon pala niya ang sakit na nakuha sa ibang bansa. Nagkaroon ng malaria ang lalaki, at kinailangang mabigyang lunas kaagad sa nakamamatay na sakit.

Palaki nang palaki ang kanilang bayarin sa ospital dahil sa sakit ng mister ni Liza. Sagad na sagad na ang kanilang pera kaya’t kinailangan na naman niyang gumawa ng paraan upang matustusan ang mga bayarin.

Advertisement

Muli siya nangutang sa mga kakilala. Kinapalan na lamang niya ang kanyang mukha para sa pamilya. Kabi-kabila ang naging utang niya. Baon na baon na sila sa utang ngayon.

Ilang buwan pa ang lumipas at isang araw ay natagpuan na lamang niya ang sarili na nasa loob ng ng barangay upang harapin ang mga galit na maniningil.

“Ang kapal ng mukha mo! Hindi ka marunong magbayad!” sigaw ng isang babaeng mataba.

“Dapat sa’yo ay ikinukulong para magtanda!” sabat naman ng isa pang pinagkakautangan.

“Ipapabatak ko lahat ng gamit ninyo sa bahay, hindi ka marunong mahiya!” galit na wika pa ng may edad na babae.

Napaluha na lamang siya at humingi ng pasensya, ngunit pinagduduro pa rin siya ng mga ito. Nangako naman siya na gagawan ng paraan upang bayaran ang mga nautang na pera.

Sa kompyutasyon ay umabot halos tatlong milyong piso ang kanyang utang, kasama ng mga nagpatung-patong na tubo.

Ipinagtapat niya sa mga anak at asawa ang kanilang sitwasyon ngayon, ngunit imbes na tulungan ay sinumbatan pa siya ng asawa at pinaghanapan kung nasaan ang mga perang ipinadala noon.

Advertisement

“Saan mo dinala ang pera ko ha?” tanong ng lalaki.

“Ginastos ko para sa bahay at sa mga anak natin. Nakita mo naman kung paano ang naging pamumuhay natin hindi ba?” napaiyak si Liza, “yung ginastos sa pagpapa-ospital sayo, ako ang gumawa ng paraan para mapagamot ka,” dagdag pa niya.

“Baka tama nga ang sinasabi ng mommy ko noon, may ibang lalaki ka siguro, kaya dun mo inuubos ang pera ko!” sigaw ng lalaki.

“Hindi totoo yan! Buong buhay ko ibingay ko para sa inyo ng mga anak natin, kaya bakit kailangan mo akong pagbintangan sa bagay na hindi ko naman ginawa?” iyak pa ni Liza.

“Ayusin mo ‘yang gusot na ginawa mo. Magsama kayo ng lalaki mo! Maghiwalay na tayo,” malamig na tugon ni Harry. Umalis ito ng kanilang bahay at nagtungo sa bahay ng kanyang magulang.

Naiwanan si Liza na umiiyak kaharap ang mga anak. Niyakap siya ng kanyang bunsong anak at hinalikan sa noo. Naiintindihan naman nila ang sitwasyon ng ina, at oo, aminado sila na naging maluho nga noon ang naging pamumuhay nila.

Sinubukan nilang pag-ayusin ang mga magulang ngunit, naging matigas si Harry. Iniwanan niya ang kanyang mag-iina sa panahong kailangan na kailangan siya ng mga ito.

Matapos noon ay kumalat na ang balitang hiwalay na nga ang mag-asawa, at ang rason daw ay inubos ni Liza sa ibang lalaki ang pera na pinagtrabahuan ng mister. Biyenan niya ang pasimuno sa paglaganap ng chismis.

Advertisement

Hindi alam ni Liza kung paano haharapin ang malaking dagok na ito sa buhay niya. Hindi siya makakain at hindi rin makatulog tuwing gabi. Dumating siya sa punto na gusto na lamang niyang magpakamatay, ngunit naalala niya ang mukha ng kanyang mga anak.

“Kailangan ako ng mga anak ko, kailangan kong maging matatag para sa kanila,” bulong niya sa sarili.

“Diyos ko, kung nakikinig ka man, tulungan mo ako sa pagsubok na ito. Hindi ko na po kakayanin itong mag-isa. Pagod na pagod na po ako,” tanging ito lamang ang mga naging dasal niya tuwing gabi.

Nagitigl ang mga anak niya sa pag-aaral at naghanap ng pansamantalang trabaho muna. Ang asawa naman niya ay balitang itinago ng pamilya at ngayo’y may trabaho nang muli, ngunit ni piso ay walang ibinigay na tulong kahit sa mga anak man lamang.

Ilang pagtawag sa barangay at demandahan pa ang nangyari, lakas loob na lang hinarap ni Liza ang mga ito, Diyos na lang ang kakampi niya sa labang ito.

Hindi mababayaran ng mga pagluha niya ang mga perang kanilang inutang, at hindi rin naman maibabalik ng pagmumukmok ang asawa niya, kaya nilakasan niya ang loob at nag apply bilang isang caregiver sa ibang bansa.

Nakapagtapos naman siya ng kursong Care Giving, kaya alam niyang makakakuha agad siya ng trabaho. Masakit man, pero iniwanan niya ang mga anak sa mahirap na sitwasyon, nangako siyang iaahon niya ang mga ito at pagtatapusin ng pag-aaral.

Tila ba isang malaking kasagutan sa mga dasal niya ang pag-alis, nakatagpo siya ng mabait na amo. Itinuring siya ng pamilya nito na hindi na iba. Naging masigasig siya at pinagbutihan pa ang trabaho.

Advertisement

Sobrang minahal siya ng matandang kanyang inaalagaan, itinuring niya kasi itong para sariling nanay na din. Ngunit, pumanaw naman ang matanda tatlong taon matapos niya itong alagaan.

Sa pagpanaw ng matanda ay hindi niya inaasahan ang huling regalong ibinigay nito sa kanya. Binigyan siya ng porsyento sa yaman na iniwan nito. Hindi siya makapaniwala at sobrang naluluha nang malaman ito.

Dahil sa perang iyon, nakauwi siya ng Pilipinas na mayroong ipon at sapat na halaga upang makabangong muli.

“Salamat mama,” iyak ng dalawang anak niya pagkababa ng stage, “graduate na kami ma!”

Napagtapos niya ang mga anak gaya ng kanyang ipinangako. Nabayaran niya ang lahat ng pagkakautangan at taas noo na siyang nakakalabas ngayon ng pamamahay.

Natutunan naman nila ang mamuhay muli ng simple lamang, ngunit masaya. Sinubukan siyang lapitan muli ng asawa upang balikan, ngunit iba ang kanyang nating tugon.

“Nung mga panahong kailangan kita, at saka doon ka nawala. Pinili mong maniwala sa tsismis na wala namang katotohanan,” malamig niyang pagkasabi.

“Sana noon pa Harry, noon pa nung kailangang-kailangan kita, pero nagbago na ako. Mas naging matigas ako. Sana noong panahong umiiyak akong mag-isa, noong mga panahong halos kunin ko na ang sarili kong buhay, sana doon ka bumalik, doon kasi kita mas kailangan.

Advertisement

“Pero Liza-” bago pa man makapagsalita si Harry ay agad nang pinutol ng babae ang sasabihin nito.

“Napatawad na kita Harry, matagal na. Pero hindi na pwedeng mabalik ang mga bagay na nasira na. Lahat may lamat na. Salamat na lamang,” nangiti niyang sambit.

Natutunan ni Liza na harapin ang lahat ng kabigatan at problemang dumating. Tanging Diyos at lakas ng loob lamang ang kanyang pinanghawakan, at ang pagmamahal para sa kanyang mga anak lamang ang kanyang naging inspirasyon para makabangon.

Sa paglingon niya sa nakaraan, napapaluha siya na kinaya niya lahat-lahat para sa pagmamahal. Maaaring hindi na buo ang kanyang pamilya, pero natutunan niyang maging malakas, natutunan niyang tumayo sa sariling paa, upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.