Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Anong Pipiliin Mo, Malaki o Maliit Na Sahod? - Inday Trending

Anong Pipiliin Mo, Malaki o Maliit Na Sahod?

“Ma, pauwi ka na? ‘Yong bola ng basketball ‘nay ha? Wag mo kalimutan na bilhan po ako,” bilin ng anak ni Julie na si Lucas habang kausap ito sa telepono.

“Pauwi na ako anak. Kaso sa sahod pa kita mabibilhan ng bola eh, kulang na kasi ang pera ni mama,” sagot naman ni Julie.

Ilang beses nang nagpapabili ang anak niya ng bola na pang-basketball. Mahilig kasi ito sa basketbol, at nais sana niya na magkaroon ng orihinal na bola para mas makapagsanay itong maglaro ng maigi.

“O anak mo ba yun mars?” tanong ng kaibigan at katrabaho ni Julie na si Mela.

“Ah, oo. Hinahanap na nga yung pinapipibili niya sa’king bola ng basketball eh. Nung Pebrero pa niya yon hiniling, kaso Agosto na at hindi ko pa rin nabibili. Noong unang sahod ko nung Mayo, hindi ko na naisingit kasi madaming bayarin,” sagot ni Julie.

“May pagkamahal din kasi yung bola. Ayaw naman niya na yung sa Divisoria lang nabibili. Sabi ko no’n sa susunod na lang na sahod, kaso syempre kailangan natin unahin yung mga bayarin at panggastos sa araw-araw,” dagdag ni Julie.

Si Julie at Lucas na lang kasi ang magkasama sa buhay. Dahil single mom ay hindi naging madali sa kanya ang makahanap ng trabaho na pasok sa oras niya at ng kanyang anak. Dati kasi ay sa call center ito nagta-trabaho ngunit dahil pang-gabi ang oras ng kanyang trabaho ay hindi lagi nagpapapang-abot si Julie at ang kanyang anak. Kapag papasok na sa eskwela ang kanyang anak ay pauwi pa lamang siya, pag naman aalis na siya papasok sa trabaho, ay halos kakauwi lang ng anak nito. Iniiwan lang ni Julie ang anak nito sa kanyang ina sa tuwing ito ay papasok sa trabaho.

Hindi naging madali kay Julie na iwan ang trabaho bilang isang call center agent, lalo na at malaki ang kita niya rito. Ngunit nais niya na talaga makahanap ng trabaho na mas magkaka-oras siya sa kanyang anak. Dito ay nahanap niya ang isang kumpanya, at natanggap siya bilang admin staff. Hindi man kalakihan ang sahod niya ay mas marami siya ngayon oras sa kanyang anak. Halos magkasabay na silang pumapasok at umuuwi galing eskwela at trabaho, at ang natitirang oras ng araw ang malaya nilang nagpagsasaluhang mag-ina.

Para kay Julie, itinuturing niyang biyaya ang makahanap siya ng trabaho katulad nito. Mababait ang mga bagong ka-trabaho nito, kaya hindi niya rin alintana ang pagod sa tuwing may tambak itong mga gagawin.

Pero dahil sapat lamang ang kinikita ni Julie sa kanyang bagong trabaho ay hindi na siya basta-basta na lang bumibili ng kung ano-ano. Mas napapahalagahan niya na ang kinikitang pera, at dahil nga dito ay hindi niya agad maibigay ang hinihiling na bola ng kanyang anak. Ilang buwan rin itong nagpatuloy. Ilang sahod na rin ang lumipas, at hindi pa rin nito nagagawang maibigay ang hiling na bola ng anak.

Madalas ay tumatawag ang anak nito upang ipaalala ang hinihiling na bola. At kahit ayaw man niya ay nahihindian niya muna ang kanyang anak, dahil alam niyang higit na mas dapat niyang unahin ang gastusin nila sa araw-araw.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Julie na sa tuwing tumatawag ang anak nito sa trabaho at nangungulit para sa pasalubong na bola, naririnig pala ito ng kanyang manager. Isang araw ay tinawag siya nito at inutusang pumunta sa kanyang opisina, kabadong nagtungo si Julie at nag-iisip na baka kaya siya pinatawag ay dahil may nagawa itong mali.

At sa pagpasok niya sa opisina, pinaupo siya ng kanyang manager at may inabot na paperbag.

“Ma’am, ano po ito at para saan po? Ihahatid ko po ba?” tanong ni Julie.

“Hindi Julie, para sa iyo yan, para sa anak mo. Ilang beses kasi kitang naririnig na kausap mo ang anak mo pauwi, at tila masugid itong humihiling ng bolang pambasketball. Alam ko nahihirapan ka ipaliwanag sa kanya na may mga bagay tayong kailangan unahin bago natin sila mabilhan ng mga bagay na gusto nila, at sa tingin ko, tulad ko ay nangangamba ka rin na maramdaman nila na hindi sila mahalaga dahil hindi natin natutupad ang kahilingan nila,” sagot ng manager niya.

“Kaya yang bola sa loob ng paper bag na ‘yan ay para sa iyong anak. Umuwi ka ngayon ng may ngiti upang ibahagi sa kanya ‘yang bola,” dagdag ng manager nito.

“Naku ma’am, nakakakahiya po. Hindi ko po ata ito matatanggap. Hindi niyo po kailangan gawin ito,” nahihiyang sabi ni Julie na pilit inaabot pabalik ang paper bag sa kanyang manager.

“Julie, tanggapin mo na ‘yan. Alam kong sakto lang ang kinikita niya sa aming kumpanya, at kahit naisin naming magpasahod ng malaki ay hindi pa namin ito kaya. Pero nais kong malaman niyo na pinapahalagahan namin kayo at inaaalala,” wika ng manager ni Julie.

“Higit naming hinihiling ang ikabubuti niyo lalo na ng inyong mga relasyon sa loob man at labas ng aming kumpanya, lalong-lalo na sa inyong pamilya,” pagpapatuloy nito.

Hindi na nagawang ibalik pa ni Julie ang inabot na bola. At tinanggap niya bilang regalo ng kanyang manager, natuwa rin ang puso ni Julie nang marinig ang mga sinabi ng kanyang manager.

“Salamat po Ma’am. Hindi ko po sukat akalain na may halaga kami at bibigyan niyo po kami ng pansin at pagpapahalga kahit kami ay mga empleyado lamang,” ani Julie.

“Julie, hindi kayo basta empleyado lamang. Kayo ang aming kasama ang kaagapay sa aming pag-unlad, kaya nararapat lang na tulad namin, kami rin ang inyong maging kaagapay, upang sabay-sabay tayong umunlad,” sagot ng manager ni Julie.

Dahil sa nangayaring iyon ay mas napagtanto ni Julie, na mas higit niyang pipiliin ang trabahong may malasakit sa lahat, boss man ito o hindi. Na napakahalaga na sa isang kumpanya, dapat lahat ang nagtuturingan na magkakaagapay at hindi magkakaaway. Hindi man kalakihan ang sahod ng napiling trabaho, alam naman niyang hindi siya pababayaan o pahihirapan.

Ngayon, kasalukuyang nasa ikalawang dekada na ni Julie sa kumpanya. Nakatapos na ang kanyang anak sa kolehiyo at patuloy pa rin itong nagta-trabaho dito. At sa tuwing tinatanong siya ng mga tao kung paano siya tumagal sa kumpanya iyon, ay paulit-ulit niyang kinu-kwento ang kabaitang ipinamalas ng kanyang manager noon, na naging CEO o may-ari na ng kompanya ngayon.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.