Sukdulang Inis

Umagang-umaga pa lamang ay rinig na rinig na malakas na sigawan ng dalawang taong sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ay hindi nagkasundo. Iyon ay sina Richard pag umaga,Richie naman kapag gabi na, at si Jessica sa umaga, Jessie naman sa gabi. Magkapitbahay sila.

“O! Ano bakla, bumaba ka rito. Ipakita mo ang pagkalalaki mo. Ano!” mabagsik na hamon ni Jessica kay Richard na ngayon ay nanatili lamang sa itaas ng bahay nila at walang pakialam sa nanggagalaiting tomboy. “Ano! Bumaba ka rito, nang makita mo ang tubig na bumaha sa kwarto ko. Para na rin matikman mo ‘yong inihanda kong kamao.”

“Pasensiya na nga ‘di ba? Akala ko kasi ay inayos na ni aling Sarah ang butas na lagusan ng tubig kapag nagdidilig ako sa mga halaman ko dito sa itaas,” baklang-baklang sambit ni Richard. Naiinis na siya sa kakasigaw ng tomboy na ito. Tuwing umaga nalang nitong hinaharass ang beauty niya. Kung may kaya nga lang siya nang kaunti ay lilipat na siya sa ibang apartment, di na magtitiis dahil bwisit itong kapitbahay niya.

“Kung inayos, bakit sa kwarto ko pa rin tumagos?”

“Aba malay ko? Bakit sa’kin mo ‘yan tinatanong? Bakit hindi mo ‘yan itanong sa landlady natin,” wika niya na lalo yata nitong ikinainis dahil muli ay nagpumiglas ito sa pagkakahawak ng dalawang tambay sa bilyaran na pag-aari rin ng kanilang negosyanteng landlady.

“Aba pilosopo ka rin ano?!”

“Sinasagot lang naman kita kung ano ang tama. Wala naman kasi akong ginagawang masama sa’yo, Diyos ko! Nananahimik ang beauty ko dito sa itaas.” wika niya sabay kunwa’y hinawi ang kanyang imaginary long hair.

“Mananahimik rin naman ako kung ‘di mo pinaliguan ng ke aga-aga ang bahay ko!”

Advertisement

“Sorry naman po, malay ko ba na kailangan pala ng paligo ang bahay mo, kaya siguro d’yan tumatagos ang tubig mula sa’kin.”

“Ano? Bumaba ka dito, para masampulan kitang lintik kang bakla ka!”

“Ayoko nga. Siraulo nalang ako kung ipapasira ko pa sa’yo itong pinaghirapan kong ganda ‘no! Sige na d’yan kana, bye!” aniya at agad ng naglakad pabalik sa kanyang bahay at agad iyong isinara.

Sa tuwing nagkakasalubong sila ay hindi siya nito nginitian man lang, talagang noon palang ay mainit na ang dugo nito sa beauty niya. Hindi niya mawari kung bakit? Iniisip nalang niya ay siguro nai-insecure ito sa taglay niyang ganda. Pero kahit na totomboy-tomboy ito ay hindi naman maitatangging maganda ito, nakasimangot nga lang.

Isang araw, may kumakatok sa pintuan ni Richard.

“Sino ba ang hindi ko inaasahang bisitang ito,” kausap niya sa sarili.

Pagbukas niya ay muntik na niyang maisarang muli ang pintuan nang makita si Jessica na may kasamang may edad ng babae.

“Richard?” mangiyak-iyak na wika ng babaeng may edad na.

Advertisement

“Opo, ako nga po iyon.”

“Richard,” anito sabay takbo sa kanya at yakap ng mahigpit.

Puno ng pagkagulat ang kanyang nararamdaman. Sino ba ang ale? Bakit kilala siya nito at bakit ito humahagulhol ngayon habang yakap-yakap siya.

“A-ayos lang po ba kayo ale?” tanong niya rito ng bumitaw ito sa pagkakayakap sa kanya.

“Jessica, siya na nga ang hinahanap natin. Ito na nga ang nawawala mong kakambal,” masayang baling nito kay Jessica na ngayon nanatili lamang nakatayo sa may pintuan habang ang dalawang kamay ay nakalagay sa bulsa ng suot nitong pantalon.

“A-ano po?” Muli niyang tanong. Nabingi yata siya sa pasabog ng matandang babae at hindi niya masyadong narinig ang sinasabi nito.

“Ako ang iyong ina. Ako si Elizabeth, matagal na kitang hinanap anak. Noong ipinanganak ko kayo ni Jessica ay sobrang nalungkot ako dahil biglang namatay ang ama ninyong si Ricardo, nahirapan akong buhayin kayong dalawa.

Masyado pang sakitin si Jessica noong mga baby palang kayo, na lalong nagpahirap sa’kin. Kaya nagdesisyon akong isa sa inyo ay ipaampon ko, at ikaw iyon. Hindi dahil hindi kita mahal anak, kundi dahil mas malakas ka kumpara kay Jessica na sobrang sakitin noon.” umiiyak nitong paliwanag.

Advertisement

“Tapos, paano niyo po ako nahanap?” tanong niya sa babaeng nagpakilala sa kanya bilang kanyang tunay na ina.

“Hinanap ko ‘yong umampon sa’yo noon. Ang tagal na panahon ko pa silang nahanap dahil lumipat na pala sila sa Milagros, Masbate. Nang mahanap ko sila ay saka nila itinuro ang address mo rito, mabuti nalang at mababait ang umampon sa’yo noon.

Hindi ka nila ipinagdamot sa’kin. Nais ko lang naman anak na makilala at makita ka bago paman ako pumanaw sa mundong ito, kaya kita hinanap. Sa awa naman ng Diyos ay dito nakatira ang iyong kambal na kapatid.” mahabang paliwanag nito.

Umiiyak na rin siya. Ang tagal niya kasing inasam na sana ay makilala niya na ang kanyang tunay na mga magulang.

“Sorry tol,” mahinang sambit ni Jessica.

“Wala na ‘yon sis. Pinatawad na kita sa araw-araw na panghaharass mo sa beauty ko.” Nakangiti niyang tinapik ang balikat ni Jessica.

Natawa ito, “Ako rin, pinapatawad na kita sa kakapaligo ng bahay ko tuwing umaga,” anito dahilan upang magtawanan silang tatlo at magyakapan.

Ang tadhana ay sadyang mapaglaro. Ang inaakala nilang sukdulang inis sa isa’t isa ay lukso pala ng dugo.

Advertisement

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!