Tatlong Bulaklak ng Santan

Magkababata sina Leslie at Rodel. Malapit sa palayan ang kani-kanilang mga bahay. Kapwa-magsasaka naman ang kanilang mga magulang. Tuwing alas siyete ng umaga noon, nasa bukid na ang kani-kanilang mga magulang upang magtanim ng palay at tabako. Iyon kasi ang pangunahing kinabubuhay sa Ilocos Sur.

Sila naman nina Leslie at Rodel, magkikita sa isang abandonadong bakuran. Umaakyat sila ng mga puno, nanghuhuli ng mga tutubi, nanunungkit ng alatiris, sinisipsip ang nektar mula sa bulaklak na santan.

Wala silang iniintinding problema sa buhay. Para sa kanila, isang paraiso ang malawak na abandonadong bakuran na iyon. Malaya silang nagtatakbuhan, naghahabulan, magpapahinga, minsan ay nagkakatampuha, subalit magbabati ulit.

Pagpatak ng alas diyes ng umaga, uuwi sila sa kani-kanilang mga tahanan upang ihanda ang minindal ng mga kasama sa bukirin. Sila ang maghahatid nito. Tataluntunin nila ang pilapil habang bitbit nila ang buslo na punumpuno ng mga pagkain.

At muli na naman silang maglalaro, sa dayamihan. Habulan, tagu-taguan, hanggang sa magdapit-hapon na at papalubog na ang araw sa kanluran. Uuwi sila kasama ang kani-kanilang mga magulang. Bukas, sa makalawa, ganoon ulit ang daloy ng kanilang buhay.

Para sa kanilang munting isipan, ito ay wala lang.

Nang sila ay magsipasok na sa eskwela sa bayan, nabawasan ang kanilang paglalaro sa bukid. Sabay silang pumapasok sa eskwela. Grade 2 si Leslie at Grade 3 naman si Rodel. Minsan, si Rodel pa ang nagbibitbit ng gamit ni Leslie dahil tinatamad itong maglakad kapag maraming mga dalahin. Sa eskwela, madalas silang tuksuhin: kambal-tuko raw sila, hindi mapaghiwalay, baka magkapalitan daw sila ng mga mukha.

Muli, para sa kanilang munting isipan, ito ay wala lang.

Advertisement

Minsan, nakipagbabag si Rodel sa mga kaklase ni Leslie na nanunukso rito ng “bangaw”. May malaki kasing nunal si Leslie sa ilalim ng bibig nito. Ayaw niyang may nananakit sa kanyang matalik na kaibigan. Mula noon, wala nang nagtangkang manukso kay Leslie dahil kay Rodel.

Lumipas ang ilang mga taon at tumuntong na sila sa Junior High School. Nabawasan na rin ang dalas ng kanilang pagkikita. Hindi nila maintindihan ang kanilang mga magulang.

Mahigpit ang bilin ng tatay ni Rodel sa kanya. Iwasan na si Leslie dahil tukso ito. Ano ba ang tukso? Naisip ni Rodel. Hindi niya maintindihan ang tinuran ng kanyang tatay. Si Leslie din ay pinagsabihang hindi na siya dapat nakikipaglaro kay Rodel. Dalagita na raw siya. Sa katunayan, nag-umpisa na ang pagdalaw ng kanyang panauhin buwan-buwan.

Subalit hindi nagpapigil sina Leslie at Rodel. Nagkikita sila sa abandonadong bakuran. Sinubukan nilang maghabulan at magtaguan, gawin ang mga bagay na ginagawa nila roon noong sila ay mga musmos pa lamang. Subalit sila mismo ang nakararamdam ng malaking pagkailang sa isa’t isa.

Parang may nagbago. Alam nilang hindi na sila katulad ng dati na malaya sa mga nais nilang gawin dahil maraming matang nakatingin. Naaalala rin nila ang mga pangaral sa kanila ng kanilang mga magulang.

Hanggang sa isang hapon, nagpasya silang ihinto na ang pagkikita at sundin ang nais ng kanilang mga magulang. Bago umalis, kumuha ng bulaklak ng santan si Rodel at ibinigay kay Leslie.

“Itago mo iyan ah. Gusto ko, kapag nagkita ulit tayo at hinanap ko iyan sa iyo, maibibigay mo pa rin sa akin kahit na lanta na iyan. Iipit mo sa libro,” bilin ni Rodel kay Leslie.

“Napakaliit naman nitong santan, baka mawala ko?” sabi ni Leslie.

Advertisement

Pumitas ng dalawa pang piraso ng santan si Rodel.

“Hayan… tatlo na iyan ah…”

“Bakit tatlo?”

“Ahmmmm, para I love you,” mabilis na sagot ni Rodel. Namula siya. Hindi niya alam kung bakit niya nasabi iyon. Namula rin si Leslie. Hanggang sa sila’y nagsiuwi sa kani-kanilang mga bahay na walang kibo at hindi na nag-usap.

Hanggang sa nabalitaan na lamang ni Rodel na umalis na sa kanilang baryo ang pamilya nina Leslie. Nagtungo raw sa Maynila upang doon na magpatuloy ng pag-aaral. Ibinenta ng mga magulang nito ang kanilang munting sakahan para makipagsapalaran sa Maynila.

Dumaan ang napakahabang panahon. Tapos na ng pag-aaral sina Rodel at Leslie. Nakahanap ng trabaho. Pareho silang nakapag-asawa at nagkaroon ng sariling pamilya. Subalit pareho ding maagang nabiyudo at nabiyuda. Pumanaw sa panganganak ang asawa ni Rodel habang nasawi naman sa isang trahedya ang asawa ni Leslie.

Lumuwas ng Maynila si Rodel dahil sa atas ng kanyang boss. Minabuti niyang magkape muna sa isang coffee shop. Nang umoorder na siya, nakabungguan niya ng balikat ang isang napakagandang babae na pamilyar sa kanya. Si Leslie!

Nagkamustahan sila at napag-alaman nilang pareho na pala silang nagkaasawa at maagang naulila sa mga ito. Inaya ni Rodel si Leslie na mamasyal at bumalik sa kanilang baryo, bagay na pinaunlakan naman nito.

Advertisement

Isinama ni Rodel si Leslie sa kanilang dating bayan, at ipinakita ang malaking pagbabago sa kanilang bahay. Kung dati ay pawid lamang ito, ngayon ay mala-mansyon na at may kotse pa.

Ipinasya nilang magtungo sa abandonadong bakuran kung saan sila naglalaro dati.

“Naaalala mo pa ba yung santan na ibinigay ko sa iyo? Siguro nawala mo na, no?” untag ni Rodel kay Leslie.

Napasulyap si Leslie kay Rodel. Kinuha nito sa loob ng bag ang isang malaking pitaka. Sa loob nito ay may nakabilot na papel. Binulatlat nito ang laman, at inilabas ang tatlong tuyot na santan.

“Anong nawala? Heto’t itinago ko. Alaala ng ating pagkakaibigan.”

“Ano nga yung sinabi ko tungkol diyan? Bakit tatlo?” tanong ni Rodel na nanunubok.

“Sabi mo, ‘I love you…”

At naging madalas ang kanilang pagkikita. Naging madalas ang kanilang paglalaro…

Advertisement

Ipinasya nilang maging sila. Tumagal nang tatlong taon ang kanilang relasyon, at natanggap nila ang kani-kanilang mga anak sa mga namayapa nilang asawa. Napagtanto nila na kapag itinadhana nag dalawang tao, anuman ang direksyong tinangka nilang daanan, magkikita at magkikita pa rin sila sa huli.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.