Tinawag Niyang Baliw ang Asawa Dahil sa Walang Tigil na Pagtawag sa Selpon Niya, Wala Siyang Nagawa nung sa Sala Siya Nito Pinatulog Dahil Naaalibadbaran Ito sa Mukha Niya

Nauubos na ang pasensya ni Aaron sa kaniyang asawa. Hindi naman ganito dati si Carol sa kaniya.

Nung magkasintahan nga sila ay hindi naging problema sa kanilang relasyon ang matagal na panahong hindi nagkikita o nagkakausap dahil sa magkaibang probinsya sila nag-aaral.

Kahit noong bagong kasal pa lang sila ay ayos lang kahit nakakalimutan niyang tawagan ang asawa pag pinapadala siya ng kompaniya sa ibang lugar ng ilang linggo. Pero ngayon ay daig pa ni Carol ang nanay niya sa pagbabantay sa bawat kilos niya nung panahong nagrerebelde siya.

Muli na namang tumunog ang selpon ni Aaron sa araw na iyon. Pang sampung tawag na ito ni Carol sa kaniya simula kaninang umaga at dahil nasa kalagitnaan siya ng isang importanteng meeting ay nainis sa kaniya ang kausap niyang negosyante.

“Patayin mo nga iyang selpon mo! Mas mahalaga pa ba ang mga tawag niya kaysa sa pinag-uusapan natin dito. Kanina pa nang-iistorbo iyang misis mo sa meeting natin, ah? Tandaan mo, ang kompaniya niyo ang may kailangan sa akin, hindi ako!” reklamo ng negosyante. Humingi ng paumanhin si Aaron sa kaniyang kamiting bago niya pinatay ang kaniyang selpon.

Tuluyan nang sumabog ang inis ni Aaron sa kaniyang asawa nang madatnan niya itong naghihintay sa kaniya sa opisina nung bumalik siya matapos ang kaniyang miting.

“Bakit pinatay mo ang selpon mo? Alam mo bang pinag-alala mo ko! Akala ko kung ano na ang nangyari sa‘yo. Sana man lang tinext mo ako para hindi ako napasugod dito ng wala sa oras,” bungad ni Carol pagkapasok ni Aaron ng kaniyang opisina.

“Ilang beses ko nang sinabi sa’yo na nasa meeting ako? Pero hindi ka nakikinig sa’kin! Tawag ka nang tawag! Para ano? Para tanungin kung ano ang kinakain ko, kung nagustuhan ko ba ‘yung pinili mong damit na isusuot ko, kung ano ang sinakyan ko papuntang meeting? Puro mga walang kakwenta-kwentang bagay! Ginugulo mo ang meeting namin!”

Advertisement

“Buti na lang at hindi umatras ‘yung negosyante na mamuhunan sa kompaniya kung hindi ay siguradong sasabunin ako ng boss ko! Ano bang nangyayari sa’yo? Para ka nang nasisiraan ng bait sa mga ikinikilos mo!” sigaw ni Aaron sa asawa.

Napahagulgol ng iyak si Carol.

“Palibasa nabigay ko na ang lahat sa’yo kaya ganyan ka na sa akin! Sinisigawan mo na ko ngayon! Hindi mo na ko mahal! Tinatawag mo na ‘kong baliw!” umiiyak na lumabas ang babae sa opisina.

Ito pa ang isang malaking pagbabago sa kaniyang asawa ang pagiging sobrang emosyonal nito.

Hindi sinundan ni Aaron ang asawa para amuin ito tutal siguradong lalambingin naman siya nito pag-uwi niya sa bahay. Ganoon na man palagi, eh. Magpapapansin at iistorbohin siya ni Carol kung kailan nito gusto at pagkinagagalitan niya ito ay parang hindi maubusan ng luha kung humagulgol ng iyak. Pero matapos ang ilang oras ay todo paglalambing ang gagawin ng asawa mapatawad niya lang ito.

Isa pa ay naiinis pa rin siya dahil sa nangyari kanina. Hindi niya maintindihan ko ano ang nangyayari sa asawa. Dalawang buwan nang kakaiba ang kilos at paguugali nito. Palagi na lang siyang hinahanap at tinatawagan nito. Pag hindi niya nasasagot ang mga tawag nito ay bigla na lang itong magpapakita sa opisina niya. Hindi na niya alam kung anong gagawin niya sa asawa niya.

Imbis na sumakit ang ulo ni Aaron sa kakaisip tungkol sa kaniyang asawa ay tinuon na lang niya ang kaniyang atensyon sa trabaho. Mabilis na tumakbo ang oras at laking pasasalamat ng lalaki na sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay hindi siya inistorbo ng asawa.

Kakaiba ang ihip ng hangin nung makauwi si Aaron sa bahay. Madilim ang buong kabahayan. Tahimik ang buong kapaligiran. Walang masarap na pagkain na naghihintay sa kaniya sa lamesa. Hindi siya sinalubong na kaniyang asawa. Walang kahit na anong paglalambing ilang oras matapos ang isang matinding pag-aaway.

Advertisement

“Hindi naman siguro ako hihiwalayan ni Carol matapos ng away namin kanina,” kinakabahang sambit ni Aaron.

Nawala ang takot sa kaniyang dibdib nang bumukas ang pinto ng bahay at iniluwa nito ang mahal niyang asawa.

“Bakit ngayon ka lang? Saan ka ba nagpupunta? Gabi na, ah,” nakasimangot na mukha lang ang tinugon ng babae sa kaniya.

Mukhang kailangan niya itong lambingin. Akmang hahalikan na sana niya ito nang bigla siya nitong sinampal nang malakas.

“Ang baho mo! Layuan mo nga ako. Nasusuka ako sa amoy mo!” todo-iwas ang babae kay Aaron.

“Heto ang pagkain mo. Kumain kang mag-isa,” wika ni Carol sa lalaki habang inaabot ang binili niyang pagkain bago umakyat sa kanilang kwarto.

Nang papasok na ang lalaki sa kanilang kwarto para magpahinga ay inis siyang pinagmamadali ni Carol.

“Bilisan mo nang magbihis tapos kunin mo yung unan mo at yung extrang kumot sa kabinet at nang makalabas ka na ng kwarto,” utos na babae sa kaniyang asawa.

Advertisement

“Bakit ko naman kailangang lumabas ng kwarto?” takang tanong ng lalaki.

“Ayaw na muna kitang makita o makatabi sa kama kaya sa sala ka matutulog,” madiing saad ni Carol.

“Ano? Pagkatapos kong magpakapagod sa trabaho sa maliit na sofa mo ko patutulugin?” tanong ni Aaron.

“Naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo, eh. May reklamo ka?”

Mukhang nagalit ng husto si Carol dahil sa ginawa niyang pagsigaw sa opisina kanina. “Balak ata talaga akong pahirapan ng misis ko, ah. Paano ko susuyuin ‘to?” tanong ni Aaron sa sarili.

Palabas na siya ng kwarto nung pigilan siya ni Carol.

“Oo nga pala. Nagpatingin ako sa doktor kanina para patunayan ko sa’yo na hindi ako baliw. Ang sabi ng doktor ay buntis daw ako. Mahigit dalawang buwan na. Magiging tatay ka na. Ngayon pwede ka nang lumabas ng kwarto,” bago pa makaresponde si Aaron sa babae ay tinulak na siya ni Carol palabas ng kwarto at mabilis na ni-lock ang pinto.

Buong gabing hindi nakatulog si Aaron sa sobrang kasiyahan na magiging tatay na siya nang bigla siya napaisip. “Ibig sabihin ako ang pinaglilihian ni Carol kaya niya ko palaging hinahanap at tinatawagan. Paano na iyan? Dalawang buwan niya kong kinukulit noon. Huwag niyang sabihing dalawang buwan din siyang maaalibadbaran sa pagmumukha ko kaya dalawang buwan din akong matutulog sa maliit na sofa sa sala?”

Advertisement

Kung nung una ay kinaiinisan ni Aaron ang pagpapapansin, pangungulit, pag-aasikaso at sobrang paglalambing ni Carol sa kaniya, ngayon ay hinahanap na niya ito dahil sa natitirang mga buwan ng pagbubuntis ng asawa ay palagi na siyang kinaiinisan nito. Hangga’t maaari ay ayaw ni Carol na makikita ang pagmumukha niya. Hindi na rin siya natutulog sa kwarto nila simula nung pinalabas siya ng babae.

Akala niya ay babalik na sa dati ang lahat pag nakapanganak na ang asawa pero nagkamali siya. Oo nga at sa kwarto na siya ulit natutulog pero naging kaagaw pa niya ang anak sa atensyon ng asawa. Sayang at hindi niya pinahalagahan ang mga panahong iyon. Iyong panahon na sa kaniya lang umiikot ang mundo ng asawa.

“Carol, gawa na ulit tayo ng baby,” yaya ng lalaki sa kaniyang asawa.

“Sira ka ba? Wala pa ngang isang buwan ‘yung anak natin balak mo agad sundan,” sagot ng babae.

“Namimiss ko na kasi ‘yung trato mo sa’kin nung unang dalawang buwang pagbubuntis mo,” paliwanag ni Aaron.

Natawa ang babae sa sinabi na kaniyang asawa.

“Maghintay ka ng limang taon. Pero baka hindi na ikaw ang paglihian ko pag dumating ‘yung araw na iyon. Baka yung binabaeng katulong na natin ang paglihian ko,” biro ni Carol. Napabuntong hininga na lang si Aaron sa sinabi ng asawa.