Tunay na Pag-ibig Para Sa Tatlo Kong Panganay

Dose anyos lang noon si Maya nung una siyang mabuntis ng kaniyang nobyong si Rico. Napakabata pa man ay naglalagablab naman daw ang kanilang mga puso. Nagsama ang dalawa sa poder ng dalaga bilang mag-asawa at sa murang edad ay ginampanan nila ang pagiging magulang sa kanilang anak na si DJ.

Hindi naging problema ang pinansyal na pasanin nila dahil may kaya ang pamilya ni Maya kaya naman wala silang ginagastos at napagpapatuloy pa rin nila ang kanilang pag-aaral.

“Anak, kapag nakatapos na kayo ng hayskul ay ipapakasal na namin kayo. Kahit sa huwes na lang muna,” saad ni Aling Mirna, ang nanay ni Maya.

“Walang kasal na magaganap. Kupal yung si Rico! P*nyeta siya! Huwag na siyang magpapakita dito dahil tatagasan ko siya!” baling ni Maya sa kaniyang ina.

“Anak, ano ba iyang pinagsasabi mo? Saan mo ba natutunan ‘yung mga ganiyang salita? Tsaka nag-away na naman ba kayo kaya ka ganyan?” tanong naman ng ale.

“Anong nag-away? Hiwalay na kami, ma! Kaya tigilan niyo na ang pakikitungo ng maayos doon sa kupal na lalaking iyon! Ang kapal ng mukha! Ibinigay na sa kaniya ang lahat nagawa pa ring mambabae!” galit na saad ni Maya.

Pinilit ng mga magulang ng babae na maayos ang kanilang pagsasama ngunit hindi na ito umubra pa. Umuwi daw ng probinsya si Rico kaya naman hindi na nila masundan ito.

Hanggang sa makakilala ng mga bagong lalaki si Maya na siya naman niyang inibig muli, nabuntis, nag-away hanggang sa naghiwalay.

Advertisement

“Anak, tatlo na iyang panganay mo. Baka naman gusto mo munang tumigil sa paghahanap ng lalaki at magtapos ka muna ng kolehiyo? Tumatanda na kami ng tatay mo at hindi na namin kaya pang tustusan ang lahat ng gastusin. Kailangan mo ng tumulong,” wika sa kaniya ni Aling Mirna.

“Pasensya ka na, mama. Hayaan mo kapag nakakita ako ng asawa, e, may mag-aalaga na diyan sa mga anak ko. Naniniwala akong makakatagpo pa rin ako ng tunay na pag-ibig,” sagot naman ni Maya sa kaniyang ina.

“Anak, bente kwatro años ka na, dose años na ‘yung panganay mo. Hindi pa ba sapat sa’yo yung tatlong beses kang nagkamali? Ayaw mo ba munang bigyan sila ng oras imbes na makipagkita ka kung kani-kanino? Hindi naman sa nagrereklamo ako, anak, pero nag-aalala ako para sa’yo. Paano na lang kung bukas hindi na kami magising ng tatay mo? Ano na lang ang mangyayari sa inyo?” wika muli ng kaniyang nanay.

“Opo na po. Huwag niyo na akong pangaralan. Pangako ko magtatapos na ako ngayon ng kolehiyo. Dalawang taon na lang rin naman at makakapagmartsa na ako,” baling ni Maya tsaka ito umalis ng bahay. Ni hindi man lang ito humalik sa kaniyang mga anak o sa kaniyang nanay.

Walang ibang gustong patunayan si Maya sa mundo kung ‘di ang magkaroon siya ng asawa na hindi siya iiwan o aanakan lamang. Na may tunay na pag-ibig na nakalaan para sa kaniya at handang sumalo sa tatlo niyang anak.

Hanggang sa makilala niya si Matteo, isang construction worker. Palagi niya itong nadadaanan dahil sa ginagawang mansyon malapit sa kanilang bahay.

“Kapag mga ganitong klase ng lalaki ay hindi na ako iiwan, ito na iyon! P*tay na p*tay sa akin, e,” isip-isip ni Maya.

“Alam kong maaga pa pero kailangan mo munang malaman ang katotohanan sa akin. May tatlo na akong anak, puro panganay,” wika ni Maya sa lalaki habang kumakain sila ng meryenda.

Advertisement

Saglit na hindi nagsalita ang lalaki at tinitigan lamang ang babae.

“Sh*t, please naman huwag mo akong ayawan,” paulit-ulit na bulong ni Maya sa kaniyang isipan.

“Kahit na sampu pa ang panganay mo gusto kita, Maya, at handa akong tanggapin silang lahat kung iyon ang kailangan para makasama lang kita!” masigasig na sagot ni Matteo sa kaniya sabay hawak sa kamay ng babae.

Halos hindi maitago ni Maya ang kasiyahan sa kaniyang mukha at pinaghahalikan niya ang lalaki kahit nga hindi pa naman niya sinasagot ito. Halos mag-iisang buwan pa lang kasi silang nagkakamabutihan ngunit sigurado na siya sa pagkakataong ito.

Agad na pinakilala ni Maya si Matteo sa kaniyang mga magulang at tanging iling lamang ang naging sagot ng mga ito sa desisyon niya. Doon na rin niya pinatuloy ang lalaki tutal naman daw ay malapit lang ang trabaho nito at naniniwala din siyang simula na iyon upang mapalapit si Matteo sa kaniyang mga anak.

Isang gabi habang mahimbing ang tulog nilang buong mag-anak ay nagising si Maya na wala sa tabi niya ang lalaki. Hinanap niya ito at nakita niyang nasa kwarto ito ng kaniyang mga magulang, nagnanakaw ng mga alahas at pera nila.

“Anong ginagawa mo?” tanong ni Maya sa lalaki. “Walang sisigaw! Sasaksakin ko itong nanay mo! Ipasok mo ang lahat ng mga alahas at pera sa bag! Bilis!” saad ni Matteo sa kaniya.

Sakto nung gabing iyon ay hindi umuwi ang tatay ni Maya. Nasa seminar ito kaya naman tanging sila lang at ang mga bata.

Advertisement

Dali-dali na gumalaw si Maya at pinasok ang lahat ng mga hinihingi ng lalaki. Nanginginig siya at umiiyak na rin.

“Akala ko ba mahal mo ako?” tanong nito. “Ano ako? Baliw? Walang matinong lalaki ang papatol sa’yo. Ang dami mo ng anak lumalandi ka pa rin! Para kang donut sa kanto, buy one, take three. Ikaw lang ‘yung mapapakinabangan ko pero may sabit na tatlo. T*ngina lugi ‘yun!” bulyaw ni Matteo sa kaniya.

“Wala kang karapatang pagsalitaan ng ganyan ang anak ko!” sigaw naman ni Aling Mirna tsaka niya sinampal ng malakas ang lalaki.

Ngunit mabilis ring naidiin ni Matteo ang kutsilyo sa ale at tsaka mabilis na tumakas. Halos mapaos kakasigaw ng tulong si Maya sa mga kapitbahay upang madala ang kaniyang nanay sa ospital.

“Huwag mo kaming iwan! Wala nang mag-aalaga sa amin kapag nawala ka! Wala nang magmamahal sa amin!” umiiyak na wika ni DJ habang hawak ang kamay ng kaniyang lola.

Mas lalo pang sumakit ang puso ni Maya sa kanyang narinig. Ngayon niya nararamdaman ang lahat ng paalala ng kaniyang nanay. Naging abala siya sa paghahanap ng lalaki at napabayaan na niya ang kaniyang mga anak.

“Ma, laban lang, o. Babawi pa ako sa’yo,” saad ni Maya sa kaniyang ina bago ito pumasok sa operating room.

“Panginoon, parang awa niyo na. Isa pang pagkakataon. Huwag niyo pong kuhanin sa akin ang nanay ko,” nagsusumamong panalangin ng babae.

Advertisement

“Mga anak, patawarin niyo ako,” saad niya sa mga bata tsaka niya niyakap ang mga ito.

Makalipas ang dalawang oras ay naging matagumpay naman ang operasyon ni Aling Mirna kahit pa nga natamaan ang puso ng ale sa pagkakasaksak sa kaniya.

“Ma, sorry sa lahat. Pangako ko sa’yo magbabago na ako. Makikinig na ako sa’yo at higit sa lahat magiging mabuti na akong nanay,” wika ni Maya sa kaniyang ina nung magising ito.

“Mahal na mahal kita, anak. Mahal na mahal ko kayo ng mga apo ko at ipaglalaban kita hanggang sa dulo ng hininga ko,” sagot sa kanya ni Aling Mirna at sabay-sabay na nag-iyakan ang kanyang mga apo.

Nag-aral muli si Maya at nagtapos pa itong cum laude na siya namang inalay niya sa kaniyang nanay. Ngayon niya nakikita ang hirap ng pagiging isang ina at hinahangaan niya ang kaniyang nanay sa lahat ng sakripisyo nito sa kanya. Ngayon ay bumabawi na si Maya sa kaniyang mga anak. Siya na ang naghahanda ng almusal para sa kanilang lahat at mas tinutukan din niya ang pag-aaral ng mga ito.

“Ma, alam mo natagpuan ko na ‘yung true love ko,” wika ni Maya sa kaniyang nanay.

“Naku, anak, sinong lalaki na naman iyan?” mataray na tanong ng ale.

“Ikaw ang true love ko, mama! Salamat dahil tinanggap mo ako at ang mga anak ko. Salamat dahil hindi mo ako sinukuan at hindi mo ako itinakwil. Wala ng makakapantay sa pagmamahal na binibigay mo! Maraming salamat, mama,” pahayag niya sa ale tsaka niya ito niyakap ng mahigpit.