Labis ang Tiwala ng Amo sa Kanyang Kasambahay, Nagulantang Sila sa Natagpuan sa Sikmura Nito nang Minsa’y Isugod sa Ospital

Mula pa noong binata at dalaga, hanggang sa magpakasal ay sa Amerika na nanirahan ang mag-asawang si Lorraine at Raymond. Nang mabuntis ang babae, naisip nilang kailangan na nila ng kasambahay upang hindi masyadong mapagod ang bagong panganak na misis.

“Honey? Sa Pilipinas kaya tayo kumuha ng kasambahay? Parang tulong na rin natin sa kapwa Pilipino natin,” suhestiyon ni Raymond.

“Sa Pilipinas? Magandang ideya ‘yan. Sa totoo lang, mas panatag ang loob ko kapag Pinoy rin ang mangangamuhan sa’tin,” sagot ni Lorraine.

“O sige, tatawag na ako sa probinsya, at magpapahanap ako kay mama ng gustong pumasok sa atin,” wika ni mister.

Dahil malaki ang pasahod na kanilang inialok, kasama pa roon ang libreng pamasahe at iba pang benepisyo, hindi nahirapan ang ina ni Raymond na kumuha ng kasambahay na papasok sa bahay ng kanyang anak. Katunayan ay marami ang nag-apply at sumubok na makuha, ang ina ni Raymond ang namili, at namukod-tangi ang isang babaeng nagngangalang Vivian.

Bukod sa sanay ito sa gawaing bahay, nakapunta na rin pala ito sa Amerika noon bilang isang caregiver. Kaya naman sanay na ito sa pamumuhay roon.

Makalipas ang isang buwan, matagumpay na nakarating ng Amerika si Vivian. Naging mainit naman ang pagtanggap ng mag-asawa sa kanya. Lumipas ang ilang linggo, at masasabihang labis na niyang nakasundo ang dalawa.

“Mama! Ayos ‘tong nakuha mo. Mabait talaga. May kusa siya at magaling talagang makisama,” kwento ni Raymond nang minsa’y magkatawagan sila ng kanyang ina.

Advertisement

“Oo, kaya nga hindi ako sa agency kumuha e. Sana nga’y magtagal siya riyan sa inyo. Ang kalat niyo pa naman!” biro ng kanyang ina.

Bilib na bilib ang mag-asawa kay Vivian. Kahit pa hindi inuutusan ay kusa na nitong ginagawa ang anumang bagay na kailangan sa bahay. Maging ang lumalaking anak ng mag-asawa ay napapalapit na rin sa kanya.

Lumipas ang ilang buwan at nagpaalam si Vivian sa kanyang mga amo.

“Mam? Sir? Pwede po bang umuwi muna ako sa bahay? Kaarawan po kasi ni nanay,” paalam nito.

“Ganoon ba? Oo naman. Ang usapan nama’y kada anim na buwan ay uuwi ka sa inyo, hindi ba? O sige, ako na ang magbook ng flight mo mamaya,” sagot naman ni Lorraine.

“Salamat, ma’am! Ang bait niyo po talaga ni sir.”

“Ano ka ba? Wala ‘yan no? Sa kabutihang pinakikita mo, walang-wala iyan,” anito.

Matapos ang isang buwang bakasyon ni Vivian, agad siyang bumalik sa Amerika ayon na rin sa kanilang usapan. Tuwang-tuwa naman ang mag-asawa sa pagbabalik niya.

Advertisement

Isang gabi, kumatok si Lorraine sa kwarto ni Vivian upang iabot ang sahod niya para sa buwang iyon. Sa pagtataka niya ay hindi ito sumasagot. Dahil sa takot na baka kung ano na ang nangyari, kinuha niya ang susi at nagpasama sa asawa na buksan ang pintuan.

Bumulagta sa kanila ang nakatumba sa lapag na si Vivian. Namimilipit ito sa sakit ng kaniyang tiyan. Hindi na nila ito kinausap at agad na dinala sa pinakamalapit na ospital.

“Doon tayo sa doktor ko, para Pilipino rin,” wika ni Raymond.

Nang makarating, agad dinala sa emergency room si Vivian. Namamawis naman sa kaba ang mag-asawa. Maya-maya ay lumabas na ang doktor upang magsabi ng pangyayari.

“Kayo ho ba ang kasama ni Vivian? May alam ho ba kayo sa mga ginagawa niya?” tanong ng Pilipinong doktor.

“Ho? Kumusta po ba siya? Opo, kami ang mga amo niya. Kinuha namin siya bilang kasambahay,” paliwanag ni Lorraine.

Nagtataka ang dalawa dahil tila pawis na pawis ang doktor.

“May nakita kaming isang supot ng ipinagbabawal na gamot sa sikmura ni Vivian. Hindi ito ang unang beses na makakita ako ng ganito. Ginagamit ng ilang sindikato ang ilan sa ating mga kababayang nangangailangan upang magdala ng ganito sa ibang bansa,” bulong ng doktor.

Advertisement

Nanlaki ang mata ng mag-asawa. Wala silang kamalay-malay na ganoon pala ang gawain ni Vivian.

“Sa totoo lang, dapat ay tumawag na ako ng pulis kanina pa. Pero dala ng awa sa kanya, dahil alam kong naloko lamang din siya, gusto ko sanang makausap muna siya,” patuloy ng doktor.

Nang magkamalay, agad kinausap ng doktor at ng mag-asawa si Vivian. Habang tinatanong ay agad itong bumuhos ng iyak.

“Si mama po kasi, may sakit po. Tapos, ‘yong kapatid ko ay manganganak na. Kailangan po namin ng pera, kaya hinaayan kong gawin sa’kin ito ng sindikato. Ngunit nang makilala ko ang mga amo ko, sinabi kong gusto ko nang huminto. Ngunit ayaw nila. Ayaw nila akong pakawalan!” hagulgol ni Vivian.

“Nagkamali po ako, tulungan ninyo ako. Ayoko pong makulong,” patuloy nito.

Ang hindi niya alam ay tanyag palang mga abogado ang mag-asawang kanyang pinagtatrabahuhan.

“Kaming bahala sa iyo,” wika ng mag-asawa.

Ginawa nila ang tamang proseso. Pumunta sila sa embassy, humingi ng tulong, at ilan pang mga bagay na mga abogado lang ang nakakaalam.

Advertisement

Makalipas ang ilang buwan, nabalitaan na lamang ni Vivian na ang sindikatong nagpipilit sa kanyang magpasok ng ilegal sa bansang iyon ay nakapiit na sa kulungan sa Pilipinas. Laking pasasalamat niya sa kanyang mga amo dahil sa tulong na ibinigay ng mga ito sa kanya.

“Ma’am! Sir! Maraming maraming salamat po! Napakasuwerte ko po sa inyo,” iyak ni Vivian sa mag-asawa.

Nangako siyang hinding-hindi na niya uulitin ang pagsubo sa ganoong klase ng trabaho kapalit lamang ng pera. Magmula noon ay ibinigay na niya ang buong katapatan niya at paglilingkod sa mag-asawa. Kapalit noon ay ang magandang pakikisama naman ni Lorraine at Raymond sa kanya.

Hindi nga nagtagal at nakasunod din sa Amerika ang ama at ina ni Vivian sa tulong ng mag-asawa. Mabuti na lamang at sa kanila napasok si Vivian noon, kung hindi ay baka nakapiit na lamang din si Vivian kasama ng ibang mga Pinoy na hindi nabigyan ng sapat na proseso sa batas ng ibang bansa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!