Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pagpapakitang Tao ni Manuelito - Inday Trending

Pagpapakitang Tao ni Manuelito

“Talagang nakakaluwag na sa buhay itong si Manuelito, ano? Tingnan mo ang Facebook niya, may post na naman tungkol sa isang matandang pulubing tinulungan niya. Pinakain na e binigyan pa ng dalawang libo!” wika ng isa sa mga Facebook friend ni Manuelito at dati niyang kaklase noong kolehiyo.

“Aba’y oo nga ano! Dalawang libo para sa pulubi? Bigatin!” sagot naman ng isa pa nilang kaklase noon.

Sikat na sikat na si Manuelito sa mga tao, lalong lalo na sa Facebook. Halos araw-araw kasi’y nagpopost ito ng mga taong natutulungan niya sa lansangan. Bata, matanda, may kapansanan, o kahit sinumang nangangailangang pulubi ay nilalapitan nito upang bigyan ng makakain at abutan ng pera. Lahat ng iyon ay dokumentado ng larawan na siyang ipinopost ng binata sa Facebook niya.

Nang dahil sa kasikatan, naitanghal pa sa isang palabas sa telebisyon ang kabutihang loob ni Manuelito. Na-interview pa siya ng isang sikat na personalidad na agad ding sumikat sa Facebook.

“Manuelito, anong masasabi mo ngayong sikat na sikat ka na sa social media nang dahil sa mga pagtulong na ginagawa mo?” tanong ng sikat na personalidad sa kanilang interview.

“Ginagawa ko lang naman ho iyong tama. Sana lahat tayo ay tumulong sa mga taong nangangailangan sa abot ng makakaya natin lahat,” nakangiti at mapagkumbabang sagot nito.

Isang umaga, papasok na si Manuelito sa kanyang trabaho nang may makitang isang pulubing babae na may hawak ng isang baso at tila bang nanghihina na sa gutom.

“Mukhang kawawa ito oh. Makuhanan nga ng litrato ang pagtulong ko nang lalo akong sumikat sa paningin ng mga tao,” nakangising sabi nito habang dinudukot ang kanyang cellphone sa loob ng kanyang bag.

“Pst! Pulubi! Tingin ka muna dito sa camera ko. ‘Yong mukha kang kawawang-kawawa, bilis! Bibigyan kita ng isang daan,” wika ni Manuelito sa pulubi.

Agad namang pumayag ang pulubi nang marinig ang isang daang piso. Ilang kuha rin ang ginawa ng lalaki, at ipinahawak pa ang isang libo sa pulubi na kunyaring ibinigay niya rito.

“Magpose ka pa! ‘Yong kunyaring masayang-masaya ka diyan sa pera. Pero isasauli mo rin ‘yan, etong isang daan ang ibibigay ko sa’yo. Para lang dumami pa ang followers ko sa Facebook kaya mo hahawakan iyang isang libo,” wika pa ni Manuelito habang patuloy na kinukuhanan ang babaeng pulubi.

Nagpaparami talaga ng followers si Manuelito sa Facebook upang lumaki ang kinikita niya. Magmula kasi nang mainterview siya sa TV, kaliwa’t kanang advertisements na rin ang inaalok sa kanya upang ilagay niya sa mga videos at pictures niya, na siya namang nagbabayad sa kanya sa malaking halaga. Kung noong una ay taos puso ang pagtuloy niya, ngayon ay halatang ginagawa na lamang niya ang “pagtulong” para sa sariling kapakanan. Ginawa na niya itong sariling pang kabuhayan.

Nang matapos sa pagkuha ng larawan, inabutan ng bente pesos ni Manuelito ang pulubi.

“Bente po? Akala ko ay isang daan?” nagtatakang tanong ng pulubi.

“Aba! Binigyan na e aarte pa! Kapal mo ha?” natatawang sagot ni Manuelito sabay alis at kalikot ng kanyang cellphone. Inihahanda na niya ang picture na ipopost niya para sa araw na iyon.

Kinagabihan, matapos ang kanyang shift sa trabaho’y panay ang tunog ng kanyang cellphone. Dahil sa dami ng ginawang trabaho ng araw na iyon, hindi na siya nakapag-check ng Facebook kaya’t hindi niya alam ang mga nangyari.

“Ang dami ko na namang likes nito at mga papuri! Tiyak na malaking pera na naman ito!” bulong niya sa sarili habang binubuksan ang cellphone. Ngunit napanganga siya nang makita ang reaksyon ng mga followers niya.

“Peke! Peke ka! Pakitang tao!” comment ng isa.

“Yuck! Kunyari ay tumutulong pero pinagkakakitaan lang pala ang mga pulubi. Unfollow ka sa’kin!” komento ng isa pa niyang tiga-subaybay.

Takang-taka naman si Manuelito kung bakit ganito ang reaksyon ng mga tao. Nang makita niya ang isang video na pinost ng isang dalaga.

Nanlaki ang mata niya nang i-play niya ang video. Nakuhanan pala ng dalaga ang pag-uusap nila ng pulubi kaninang umaga. Rinig na rinig sa video ang mga sinabi niya na ginagamit lamang naman niya ang pulubi upang sumikat sa Facebook at kumita ng pera.

Nang dahil sa video na iyon, wala nang natanggap na komisyon si Manuelito dahil sa dami ng kanyang negative feedback sa mga post niya. Unti-unti na ring naubos ang libo-libong followers niya. Napakarami ring mga netizens ang nagmemessage sa kanya at inaaway siya nang dahil sa pagpapanggap niya.

Dahil wala nang mukhang ihaharap si Manuelito, napagdesisyunan niyang mag-deactivate na lang muna sa Facebook upang makapag-isip isip. Doon niya napagtanto na mali na nga ang kanyang ginagawa.

Kaya naman magmula noon ay hindi na siya umulit pa sa pagpopost ng mga ganoong pictures sa Facebook, bagkus ay ibinalik na lamang niya ang dati niyang pag-uugali na tumutulong sa kapwa nang hindi na kailangang ipagkalat at ipagmalaki pa sa iba.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.