Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Halikan Mo Ako, Prinsipeng Babaero - Inday Trending

Halikan Mo Ako, Prinsipeng Babaero

Aburidong napasandal sa kotse si Rick, napalingon tuloy ang kaibigan niyang si Dan na siyang nagda-drive. Papunta sila ngayon sa probinsya ng mga ito.

“Ano yan pare? Bakasyon na nga natin ay nakasimangot ka pa,” biro nito.

“Hindi ko magamit ang cellphone ko eh. Imbes na napi-picturan ko ang magagandang tanawin,” inis na wika niya.

“Bakit ba? Sira?”

“Oo sira. Sira na ang ulo ni Nicole, tawag nang tawag! Kung hindi ko papatayin ang cellphone ko ay hindi ako tatantanan! Goodness, gaano ba kahirap intindihin ang mga salitang a-yaw ko-na?” sabi niya.

Napailing si Rick, “Ikaw naman kasi eh. Pinaibig mong masyado, hindi mo naman inabisuhan na pang one week ka lang.”

“Kailangan pa bang sabihin iyon? Una palang naman ay malinaw naman siguro na hindi ako ang tipo ng lalaking nagseseryoso, everything is just a game for me. Akala ba nila, t*ngina akala ba talaga nila pare? Na magpapatali ako sa kanila? Hell no!” gigil na sabi ni Rick.

“Oo na, Rick the number one playboy. Wag ka nang masyadong mamroblema dyan at kaya ka nga magbabakasyon sa amin diba, para malayuan si Nicole. Don’t worry pagbalik mo ng Manila sure akong nagsawa na iyon kakahabol sa iyo.”

Hindi na siya umimik at tumanaw na lamang sa labas. Ilang oras pa ang nakalipas ay narating na rin nila ang bahay nila Dan. Malaki iyon at malawak ang hardin, masaya siyang sinalubong ng nanay ng kaibigan.

Kumain sila ng hapunan at dahil nga probinsya, maagang natulog ang mga ito. Habang si Rick, nagyaya pang uminom sa terrace ng bahay.

“Wala bang chicks rito? Hanep, tumatanaw ako kanina sa labas, wala akong makitang pwede.” reklamo niya.

Napailing si Dan, “Kaya ka nga nandito ay para magtago sa isa mong chicks sa Maynila, tapos maghahanap ka naman ng panibagong hahabol sa iyo. Aba pare, saan ka na magtatago niyan?” natatawang tanong nito.

Napangisi si Rick, nagsindi ng sigarilyo at hinithit iyon.

“Tsong, ayos ka lang ba rito? Doon kaya tayo sa salas para hindi malamok?” yaya ni Dan.

“Hindi, dito nalang. Kaya ka kamo nagyayaya kasi hihiga ka sa sofa,”

“Inaantok na ako eh. Ulol, isipin mo ako ang nagdrive ha!”

Pabiro niya itong sinuntok sa braso tapos ay tinanguan, senyas na pumasok na ito sa loob at matulog na. Bilang antok na antok na ay sumunod naman si Dan, “Pakilagay sa ashtray ang yosi ha. Wag ka magtapon kung saan saan pare.”

Ilang minuto pa ay si Rick na lamang mag isa, tanging kuliglig lamang ang maririnig sa paligid. Nabo-bore na siya at papasok na rin sana nang matanaw ang isang magandang dalagang naglalakad sa tapat ng bahay.

Agad na nabuhay ang katawang lupa niya, itinaktak niya ang sigarilyo at tumayo. Aba, tiyak niyang hindi siya tatanggihan ng babae. Baka nga kiligin pa dahil taga Maynila siya at ubod ng gwapo.

“Miss, gabi na. Saan ka pupunta?” bungad niya rito. Sinulyapan lang siya ng babae at nagtuloy na sa paglalakad.

Hindi naman sumuko si Rick, binuksan niya ang gate at sinundan ito.

“Miss, yo, hatid na kita ha? I mean, dito lang ako sa likod mo. I just wanna make sure na safe kang makakauwi sa inyo. Don’t worry, I’m harmless.” Hah! Maraming babae na rin ang nabiktima niya sa mga pa-gentleman effect nyang iyon. Walang malay ang mga ito na isa siyang malaking manloloko.

Lalo na siguro itong probinsyana, kaunting bola lang tiyak niyang bibigay rin.

Sige lang siya sa paglalakad at sinusundan ang dalaga, pero dahil di niya kabisado ang daan at madilim pa ay natapilok siya.

“Aw, sh*t!” daing niya, nahawakan ang kanyang paa. Nang makabawi ay muli siyang lumingon ngunit dismayado dahil wala na ang babae. Imposible namang makalayo ito kaagad diba?

“Miss?” tawag niya, pinilit na maglakad kahit na masakit.

“Bakit mo ako tawag?”

Napapitlag ang binata nang biglang sumulpot sa harap niya ang isang matandang beki, alam niyang lalaki ito bagamat may lipstick at blush on sa mukha. Nakataklob ng tela ang bumbunan nito.

“Wag kang lalapit sa akin! Sasapakin kita!” galit na wika niya, tikom ang kamao at handang sumuntok.

Hindi naman nga lumapit ang matanda at minasdan lang siya.

“S-Saan ka galing?! Bakit bigla kang sumusulpot?”

“Sinusundan mo ako kanina pa, ginoo.” sabi nito.

Kumunot ang noo ni Rick, sa pagkakaalam niya ay isang magandang dalaga ang kanyang sinusundan! Tila nabasa naman nito ang laman ng kanyang isipan kaya nagsalita ito at nagpaliwanag.

“Alam mo ginoo, ang probinsyang ito ay napaka-hiwaga. Maraming nagpupunta ngunit di na nakakabalik. Maraming isinusumpa, kinukulam. Isa na ako roon, dahil sa angkin kong kagandahan dati ay naging sobrang pintasera ako. Nagalit sa akin ang isang diwata at pinarusahan ako, magiging isang matandang panget at panot!

Ito na ako ngayon, pero may pag asa pa! Isang lalaking mag -aalaga sa akin magdamag, at hahalik sa aking labi pagsikat ng araw. Kapag nahanap ko ang binatang iyon ay babalik ako sa dati kong anyo,” wika nito.

Hindi makapaniwala si Rick pero tama ito, marami nga siyang naririnig na mga kwento sa probinsya. Bukod doon, babae na ito- palalagpasin niya pa ba ang pagkakataon na makabingwit ng magandang chicks?!

“S-Sige, nahanap mo na ang binatang matagal mo nang hinihintay.” sabi niya, hinaluan pa ng lambing ang boses.

“Talaga?” di makapaniwalang sabi ng matanda.

“Oo, sasamahan kita at aalagaan magdamag.” hinawakan niya ang kulubot nitong kamay. Kahit nandidiri siya ay inisip niya na lamang na jackpot naman siya mamayang umaga.

Naglakad-lakad sila at nagkwentuhan. Sa tabi ng bangin pa sila tumambay at doon nagpalipas ng oras. Ilang minuto nalang ay sisikat na ang araw. Excited na si Rick.

“Pwede na ba kitang halikan?” wika niya sa kausap.

“Oo naman, pero baka mamaya pa ang epekto niyan dahil may dilim pa.” sagot naman nito.

Inilapit ni Rick ang kanyang labi sa labi ng matanda at nagdampi ang mga iyon.

Tumagal ang halik at hindi makareklamo ang binata dahil malay mo, pagdilat niya ay isa na itong magandang dalaga. Tulad ng anyo nito kagabi na ginamit upang maakit siya.

“Ano na? Bakit parang wala pa rin?” takang wika niya, hindi pa rin siya binibitiwan ng matanda at nakahawak pa sa dalawa niyang pisngi. Lumayo lang siya nang kaunti para makapagsalita.

“Mamaya pa siguro, umiglip muna kaya tayo? Paggising mo, sayo nako.” nakangiting wika nito.

Napangiti rin ang binata, at dahil nga magdamag na walang tulog ay hinila na rin siya ng antok.

Makalipas ang tatlong oras

Mainit na ang paligid, nangangati na rin siya dahil sa lupa at damo kaya nagising na ang binata. Agad na hinanap ng mata niya ang dalagang nakilala kagabi.

Ganoon na lamang ang laki ng kanyang ngiti nang makita ito sa gilid ng isang puno at nakatingin sa kanya. Dali-dali siyang bumangon at nagpagpag ng sarili.

“H-Hi, ang ganda mo talaga.” sabi niya at akmang hahalikan ito muli pero pinigilan siya ng braso nito.

“Ano ang ginagawa mo? Hihingi sana ako ng tawad dahil natakot ako sa iyo kagabi at tinakbuhan kita, pero para halikan mo ako? Bastos!” asik nito.

“H-Ha?” litong tanong niya.

Tumaas ang kilay ng babae, “O bakit? Hindi ba ikaw iyong sunud nang sunod sa akin kagabi? Hindi masama ang ugali naming mga taga-probinsya, natakot lang talaga ako dahil di naman kita kilala.

Noong natapilok ka ay sinamantala ko ang pagkakataon na umuwi sa amin, bagamat nag alala naman ako dahil baka kung napaano ka na. Halata namang taga-Maynila ka eh.” sabi nito.

“Nakalimutan mo na? Ako ang nagtanggal ng sumpa! Ako ang prinsipe mo!” sabi niya. Gumanda lang ito ay nawala na ang alaala?!

Pero hindi pa man nakakasagot ang dalaga ay nakarinig na sila ng tawa sa likod ng isang puno. Nang puntahan iyon ni Rick ay naroon ang matandang beki na kahalikan niya kani-kanina lang!

“Ano ito?! B-Bakit..” humihingal na tanong niya.

“Ay, nabiktima ka rin ba ng tito Romel ko? Pasensya kana, may kakulangan siya sa pag iisip eh. Minsan pinaniniwala niya ang mga tao na diwata siya, minsan multo, o lamanlupa. Ano ang sinabi niya sa iyo?” natatawang tanong ng dalaga.

“Oh my God..oh my God!” nahaplos niya ang labi at halos burahin iyon. “Walanghiya ka! Matanda ka na ay manloloko ka pa!”

Lumapit ito sa kanya at tila nang-aasar.

“Ikaw nga, matanda kana ay naniniwala kapa sa diwata!”

Tapos noon ay nagtatakbo si Rick habang sumisigaw. Nagtataka man ang kaibigan niyang si Dan ay pinagbigyan naman siya nito nang magpahatid na siya sa Maynila. Wala na siyang pakialam, hihingi nalang siya ng tawad kay Nicole.

Ito ang napapala ng mga babaero, kina-karma sa dulo. Mula noon ay pinili niyang wag nang manloko ng babae, dahil alam niya na ang pakiramdam ng hinalikan at pinaasa tapos pinaglalaruan lang pala.

Images courtesy of www.google.com


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.