Nakabangon na ang Ginang na Ito sa Panloloko ng Asawang Seaman Ngunit Wala Itong Kadala-dala; Nang Makipagbalikan ang Babaerong Mister ay Muli Niya Itong Tinanggap

Sampung taong gulang pa lamang ang panganay na anak nila Josie at Ben nang maghiwalay ang dalawa. Ipinagpalit ni Ben ang kaniyang mag-iina sa isang waitress na kasamahan nito sa barko.

Tatlo ang anak ng mag-asawa. Si Marie; 10 taong gulang, si Leah; 8 taong gulang at ang bunsong anak na lalake na si Mark; 7 taong gulang.

Ang nanay nilang si Josie ay walang trabaho. Kaya nang iwan sila ni Ben ay hirap na hirap sila sa kanilang pamumuhay.

Sapagkat wala silang makain ay napilitan si Josie na magpunta ng Maynila kasama ang tatlong anak. Tumuloy sila sa bahay ng kaniyang mga magulang.

“Itay, inay, parang awa n’yo na po! Patuluyin n’yo na kaming mag-iina sa bahay n’yo. Patawarin n’yo po ako sa kasalanang nagawa ko!” Pagmamakaawa ni Josie habang umaagos ang luha.

“Ano pa nga ba ang magagawa namin? Alangan namang pabayaan namin kayong mag-iina na mamatay sa gutom.” Saad ng ina ni Josie na si Aling Mercedes.

Bunso si Josie sa anim na anak nila Aling Mercedes at Mang Roberto. Lahat ng anak nila ay may sarili nang pamilya at may kaya sa buhay. Si Josie lang ang hindi naging matagumpay sa anim na magkakapatid sapagkat nabuntis ito ng maaga at hindi na nakapagtapos ng hayskul.

At dahil siya ang bunso, hindi matanggap ni Mang Roberto ang sinapit ng anak. Lalo na’t kilala si Ben sa kanilang lugar bilang isang babaero. Pinakiusapan ni Mang Roberto noon si Josie na huwag magpakasal kay Ben at sila na ang bahala sa dinadala n’ya.

Advertisement

Noong una ay pumayag na ito ngunit kinalaunan ay tumakas papuntang probinsya kasama si Ben.

Sabado ng dumating ang mag-iina sa bahay ng mag-asawa kaya’t kinabukasan, araw ng linggo, dumating ang lahat ng kapatid ni Josie kasama ang mga pamilya nila.

Nakaugalian na kasi nila na tuwing linggo ay dumadalaw sa kanilang mga magulang upang magsalo-salo.

Nalaman ng mga kapatid ni Josie ang sinapit ng mag-iina kaya’t napagkasunduan nilang pag-aralin ang tatlong magkakapatid at bigyan ng trabaho si Josie.

“Wala akong alam na trabaho na hindi nanghihingi ng diploma bilang requirement, ate. Mahihirapan ako dahil third year highschool lang ang natapos ko.” Saad ni Josie sa panganay na kapatid na si Evelyn.

“Huwag kang mag-alala. Ang Kuya Nestor mo naman ang magiging boss mo. Tuturuan ka nila doon. Di ba, Nestor?” Sabay tingin sa asawa na tumatango at nakangiti.

Kinabukasan, dahil sa mabait at kilala ang mag-asawang Mercedes at Roberto sa lugar nila, nagawa nilang maipasok ang tatlong apo sa mababang paaralan sa kanilang lugar. Si Josie naman ay nagpunta sa opisina ni Nestor. Tinuruan s’ya ng mga empleyado doon ng kaniyang magiging trabaho.

Kahit na siya ay hindi nakatapos, madali niyang natutunan ang kaniyang trabaho dala na din ng matinding pangangailangan.

Advertisement

Lumipas ang isang taon, nakaahon na sa kahirapan si Josie. Ang kaniyang mga anak ay madaling nakapag adjust sa bagong lugar na tinitirhan. Nagkaroon na sila ng mga bagong kaibigan. Silang tatlo din ay naging honor students.

Patuloy pa rin ang tradisyon ng kanilang pamilya na magkita-kita tuwing araw ng linggo. Napansin ni Josie na magiliw na magiliw ang kaniyang mga magulang sa mga anak ng kanyang kapatid. Dahil dito, nakadama ng inggit si Josie. Naisip niya na hindi sila gusto ng kaniyang mga magulang. Dahil ba sa nagawa niyang kasalanan noong bata pa sya? Dahil ba sa hindi sila mayaman? Ilan ito sa mga iniisip na dahilan ni Josie.

Ilang buwan na din palang nakikipagkita ng lihim si Josie kay Ben. Dahil sa may trabaho at sapat na kita na si Josie, palagi siyang niyayaya ni Ben na umalis na sa poder ng magulang nya at sumama na ulit sa kanya.

Napatalsik ito sa ahensiyang pinapasukan nang mabuking ang bawal na relasyon nila ng waitress na pamilyado na rin pala kaya’t wala na itong trabaho.

Ayaw ni Josie na sumama kay Ben sa takot na iwan sila ulit na mag -iina. Ngunit dahil sa inggit na nararamdaman ni Josie sa kaniyang mga kapatid, napilitan itong sumama ulit sa mister.

Hindi na s’ya umuwi ng bahay pagkagaling sa opisina. Iniwan niya din ang kaniyang mga anak sa bahay ng kaniyang mga magulang.

“Bakit hindi ka pa natutulog, Marie?” Tanong ni Aling Mercedes sa apo.

“Hindi pa po kasi umuuwi si Mama” Sagot ng inosenteng bata.

Advertisement

“Baka nag-overtime. Huwag kang mag-alala at tatawagan ko ang Tito Nestor mo.”

“O sige po lola, salamat po.”

“Matulog ka na apo at maaga pa ang pasok mo bukas.”

Hinatid ni Aling Mercedes si Marie sa kaniyang kuwarto at tinawagan ang manugang na si Nestor.

Umuwi na daw si Josie kanina pang alas singko y medya. Biglang nag-alala ang matanda at ginising ang kaniyang asawa.

Papunta na sana sa istasyon ng pulis ang mag-asawa nang makasalubong nila ang kapitbahay nilang si Aling Huling.

“Saan kayo pupuntang mag-asawa? Madaling araw na ah!” Wika nito.

“Papunta kaming istasyon ng pulis. Hihingi kami ng tulong. Nawawala ang bunso naming si Josie.” Sagot ni Aling Mercedes na puno ng pag-aalala ang mukha.

Advertisement

“Si Josie ba kamo? Nakita ko s’ya kanina sa istasyon ng bus kasama si Ben. Ang laki nga ng bag na dala ng anak nyo. Mukhang hindi na baba….”

Hindi pa natatapos magsalita si Aling Huling ay bigla s’yang iniwan ng mag-asawa at patakbong umuwi ng bahay.

Dumiretso sila sa kuwarto ni Josie at binuksan ang kabinet nito. Muntik nang matumba sa kinatatayuan si Aling Mercedes sa nakita. Walang laman ang kabinet ni Josie.

Napahagulgol na lamang si Aling Mercedes at niyakap naman siya ng kaniyang asawa.

Imbes na magalit ang mag-asawa, pinilit na lang nilang tanggapin ang naging desisyon ng bunso nilang anak. Ang buong oras nila ay iginugol na lamang sa pag-aalaga sa tatlong apo na iniwan ng kanilang anak.

“Hindi! Hindi ito totoo! Sabihin nyong mali ang sinasabi nyo!!!!” Sigaw ni Josie sa doktor na kaharap nya matapos sabihin ang resulta ng laboratory examinations nya.

Si Ben ay umakyat nang muli ng barko bilang may tumanggap ditong ibang ahensiya. Umuuwi siya kada-anim na buwan. Naiiwan si Josie sa bahay nila sa probinsya.

Pagkaraan ng tatlong taon nilang muling pagsasama, nabuntis ulit ni Ben si Josie.

Advertisement

Napansin ng kaibigan niyang si Malou na namamayat si Josie at hindi nagkakakain. Pinayuhan niyang magpatingin ito sa doktor. Nalaman sa resulta na positive sa isang sexually transmitted disease si Josie at nanganganib ang buhay ng bata sa kaniyang sinapupunan.

Dahil sa babaero pa rin si Ben, nagkaroon ito ng sakit at nahawahan niya ang kaniyang mag-iina.

Matapos malaman ni Josie ang kalagayan niya ay nagpunta siya sa ahensiya kung saan nagtatrabaho ang kaniyang asawa. Nalaman niya na sumakabilang buhay na ito isang linggo na ang nakalipas dahil sa malubhang karamdaman. Galit na galit ito at nagwala sapagkat hindi man lamang siya kinontak ng mga ito ukol sa kalagayan ng asawa.

Nanlulumong umuwi si Josie at hindi malaman ang kaniyang gagawin. Mag-isa na lamang sya sa buhay. Naisip niyang umuwi sa kaniyang mga magulang pero dahil sa hiya ay hindi niya ito magawa.

Naibalita sa telebisyon ang nangyari kay Ben. Marami na ring nagreklamo sa ahensiyang pinapasukan ng asawa at patong patong ang kasong kinakaharap ng may-ari nito.

Napanood ito ng mag-asawang Mercedes at Roberto. Alam din nila na nagdadalang-tao ang kanilang anak sapagkat hindi na natiis ng kaibigan nitong si Malou ang kundisyon ni Josie at nakipag-usap ito sa mga magulang at mga kapatid ng kaibigan.

Nagpasya ang magkakamag-anak na sa ikalawang pagkakataon ay tulungan muling makabangon si Josie. Ang kanilang pangalawang anak na si Rolan ay isang pulis na may mataas na posisyon kaya’t natunton nila ang kinaroronan ni Josie.

“Nahihiya na po ako sa inyo inay, itay.” Pahagulgol na giit ni Josie.

Advertisement

“Huwag mo nang isipin ‘yan. Ang dapat na isipin natin ay kung paano ka gagaling at ang bata sa sinapupunan mo.” Wika ni Mang Roberto. Mababakas sa mukha nito ang matinding awa sa anak.

“Patawarin n’yo po ako.” Wika ni Josie habang mahigpit na niyayakap ang mga magulang.

Bumalik na si Josie sa Maynila at ipinagamot nila ito sa isa sa mga pinakamagaling na doktor sa isang pribadong ospital.

“Mama, miss na miss ka namin! Lumaban ka! Para sa aming magkakapatid pati na rin sa baby sa tiyan mo.” Pakiusap ng bunsong si Mark sa ina hawak ang iginuhit nitong larawan na handog sana sa kaniyang ina at ama. Hindi maikakaila ang husay nito sa pagguhit.

Lumipas ang ilang buwan at nagamot naman si Josie at ang bata sa sinapupunan niya. Matagumpay nitong nailuwal ang isang batang lalake na pinangalanan nilang Jose.

Mula noon ay natuto na si Josie sa buhay. Ika niya, kapag may mga anak ka na ay hindi na tungkol na lamang sa iyo ang buhay. Inialay na lamang niya ang kaniyang buhay para sa mga anak, ina, at mga kapatid.

Labis din ang ginawa niyang pagseserbisyo sa mga magulang at mga kapatid upang kahit papaano’y makabawi man lamang sa mga ito.