Dalawa ang Pamilya ng OFW na Ito: Isa sa ‘Pinas at Isa sa Amerika; Anong Mangyayari Kapag Nagkabukingan Na?

Limang taon na ang nakararaan nang umalis si Gerry sa kanilang bahay upang magtrabaho sa ibang bansa. Naiwan niya ang kanyang asawang si Jessa at ang apat na taong gulang na anak nila na si Mark Ian.

Sa unang tatlong taon, kada pasko ay nakakagawa ng paraan si Gerry upang makauwi sa kanyang pamilya, ngunit matapos noon ay bihira na lamang itong umuwi. Agad naman itong napansin ni Jessa.

“Mahal? Hindi ka ulit makakauwi ngayong pasko?” usisa ni Jessa.

“Pasensiya ka na, ha? Hindi na ako pinayagan ni boss e. Pagbibigyan daw muna niya ang iba naming mga kasamahan,” palusot ni Gerry. Ang totoo’y kabuwanan na ng kaniyang misis doon sa Amerika at hindi pwedeng iwan niya itong mag-isa.

“Sayang naman, kaarawan pa man din ni Mark Ian. Pitong taong gulang na siya, pero ilang beses pa lamang niyang nakikita ang papa niya,” malungkot na sabi ni Jessa.

“Hay nako, heto na naman ba tayo? Alam mo naman kung bakit ako nandito ‘di ba? Para sa ikagiginhawa ng buhay natin,” pangongonsensiya pa ni Gerry.

Hindi na sumagot pa si Jessa. Alam niyang tama naman ang paliwanag ng kanyang mister kaya naman nagpaalam na siya rito upang bihisan na ang anak na papasok na sa eskwela.

Maganda ang pamumuhay ni Jessa kasama ang kanyang anak. Kahit ilang taon pa lamang si Gerry sa ibang bansa, dahil sa pagiging masinop niya ay nakapagpatayo na sila ng sariling bahay. Pinuno niya rin ito ng magagandang gamit at appliances. Sa pribadong eskwelahan din niya ipinasok ang kaisa-isang anak, at bigay niya ang lahat ng pangangailangan nito. Tunay ngang maswerte si Gerry sa kanyang misis sa Pilipinas.

Advertisement

Sa kabilang ibayo naman, ang misis niya sa Amerika na si Lady ay maluho. Dahil laki sa Amerika, kailangan ay parating nasa uso ang mga gamit nito. Madalas din ay nagpapabili siya ng kung ano-anong alahas at damit sa kay Gerry. Dahil humaling na humaling sa dalaga, lahat naman ng hiling nito ay agad binibigay ng lalaki.

Dala kasi ng labis na kalungkutan sa pagtatrabaho ng malayo sa pamilya ay nagawa niyang mambabae sa ibang bansa. Lingid din sa kaalaman ni Lady na may asawa’t anak na si Gerry sa Pilipinas.

Isang umaga ay nagising si Gerry sa sigaw ni Lady.

“Babe! Dalhin mo na ako sa ospital! Manganganak na ako,” sigaw ng dalaga.

Agad-agad namang isinugod ni Gerry ang babae sa ospital nang makita niyang pumutok na nga ang panubigan nito. Matapos ang ilang oras, isinilang ang isang malusog na babaeng sanggol. Masayang-masaya si Gerry habang niyayakap ang mag-ina niya sa Amerika, nang bigla siyang makatanggap ng tawag mula sa kanyang boss.

“Gerry! Pumunta ka rito sa opisina,” utos nito. May nasira raw kasing isang software sa kanilang opisina, at si Gerry lang ang may kayang umayos nito. Walang nagawa ang lalaki at dumiretso na lamang doon. Humalik muna siya sa kanyang mag-ina bago nagmadaling lumabas at sumakay ng kanyang sasakyan.

Habang nagmamaneho, patuloy pa rin ang pagtawag ng kanyang boss. Dala ng pagkataranta, hindi inaasahang mabunggo si Gerry sa isang truck na nagmamadali ring umaandar sa kalsada. Ang aksidenteng iyon ang naging dahilan ng kanyang maagang pagpanaw.

Agad namang naibalita kay Lady ang nangyari. Nasa balita kasi ang kalunos-lunos na nangyari sa kanyang pinakamamahal. Halos mabaliw sa kaiiyak ang babae nang mapanood ang lahat sa telebisyon. Maya-maya ay dumating ang isa sa mga kaibigan ni Gerry sa trabaho na si Carlo.

Advertisement

“Lady, iuuwi sa Pilipinas ang labi ni Gerry,” wika nito.

“Ha? Why? What’s the point? Wala na naman ang parents niya. Bakit iuuwi pa roon?” nagtatakang tanong ni Lady habang humahagulgol.

Napahinga ng malalim si Carlo. Inamin niya kay Lady na may pamilya si Gerry sa Pilipinas, at kinakailangang iuwi ang labi nito sa Pilipinas upang maihatid sa tunay niyang asawa.

Halos tumriple ang sakit na naramdaman ni Lady. Hindi siya makapaniwala sa nabalitaan. Ngunit wala siyang magagawa, dahil ayon nga sa batas ay kailangang iuwi ang mga labi ng kanyang mahal. Napagdesisyunan niya na lamang na bumiyahe sa Pilipinas, ngunit iiwan niya ang anak sa pangangalaga ng kanyang ina dahil bawal pa itong bumiyahe sa himpapawid.

Nang makarating ng Pilipinas, sinalubong ang kanyang eroplano ng asawa’t anak ni Gerry na si Jessa at Mark Ian. Parehong malamlam ang mata ng dalawa dala ng labis na pagdadalamhati. Gayunpaman, sa tingin niya’y kailangan niyang magpakilala kay Jessa para na rin sa kapakanan ng kanyang sanggol.

“Jessa? Ako nga pala si Lady… Patawarin mo ako, hindi ko alam,” lumuluhang sabi ni Lady kay Jessa.

Noong una’y walang reaksyon ang babae, ngunit maya-maya pa ay naglupasay na ito sa kaiiyak.

“Kilala kita! Alam ko! Alam ko ang lahat,” sigaw nito habang humahagulgol.

Advertisement

Iyak nang iyak ang dalawa. Ngunit nang mahimasmasan, bigla na lamang nagsalita si Jessa.

“Kapapanganak mo lamang ‘di ba? Pwede ko bang makita ang bata sa susunod? Alam kong pareho lamang tayong naloko ni Gerry. Kaya, pinapatawad kita Lady. Pinapatawad kita,” mahinang sabi ni Jessa.

Napatakip na lamang ng bibig si Lady sa kabutihang ipinakita ni Jessa. Imbis na magalit ay pinakitaan pa siya nito ng pang-intindi at pagpapatawad. Nagsabi pa ito na sa susunod ay magkikita sila upang maipakilala si Mark Ian sa kanyang anak bilang kapatid.

Nagpatuloy ang buhay ng dalawang babae kasama ang kani-kanilang mga anak. Nang may makuhang pera si Jessa mula sa pagpanaw ng asawa ay binigyan pa niya si Lady, upang pangtustos sa anak nito. Para kay Jessa, nagkamali man si Gerry ay nakalipas na ito. Nagluksa na lamang sila at ipinagdasal ang kaluluwa ng namayapang lalaki. Wala rin namang kasalanan si Lady kaya’t agad niya itong pinatawad, dahil para sa kanya’y pareho lamang silang nawalan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!