Tuloy sa Panlalalaki ang Misis Matapos Pumanaw ang Mister na OFW, Laking Gulat Niya Nang May Kumatok sa Pinto Habang Kasama ang Kabit Niya

Isang taon pa lamang matapos ikasal, agad nang umalis ng bansa si Tonyo upang maghanapbuhay. Alam niyang kailangan niyang magbanat ng buto upang makabili na sila ng sariling bahay at makapag-anak na ang asawang si Emilia.

Tatlong taon ang nasa kontrata ni Tonyo. Nang malaman ito ng kanyang asawa, agad naman itong nanlumo.

“Tatlong taon? 3 years?! Iiwan mo akong mag-isa dito sa Pilipinas?” galit na tanong ni Emilia sa asawa. Ni hindi niya magawang intindihin na para iyon sa ikabubuti nilang dalawa.

“Tatlo lang naman, mahal. Pagbalik ko, pwede na tayong magsimula ng pamilya. Magpapadala ako buwan buwan ha? Para makapaghulog na ng bahay at lupa. ‘Yong iba naman, para sa ipon natin kapag magkaka-anak na tayo.” Malambing na paliwanag ni Tonyo. Sa totoo lang ay ayaw din niyang mawalay sa asawa, ngunit wala siyang magawa dahil alam niyang hindi siya uunlad agad kung dito lamang sa Pilipinas magtatrabaho.

Dahil nasa probinsya ang mga kamag-anak ng dalawa, natirang mag-isa sa inuupahang apartment si Emilia. Wala rin siyang trabaho dahil hindi pa ito nakakapagtapos ng pag-aaral. Kahit pa bilin ng mister na ihulog para sa bahay na kanilang pinag-iipunan ang pera, ginagamit niya lamang ito pambili ng mga luho niya.

Anim na buwan pa lamang si Tonyo sa America na nagtatrabaho bilang construction worker, ngunit naging madalang na ang pag-uusap nila ng asawa. Noon, halos gabi-gabi silang magkausap sa video chat para lamang magkwentuhan. Ngayon, napansin niyang palaging busy ang misis. Inisip na lamang niya na busy ito sa pag-aasikaso sa bahay at lupa na kanilang ipinatatayo.

Sa kabila ng pagbabanat ng buto at pagsasakripisyo ni Tonyo na maging malayo sa Pilipinas, lingid sa kaalaman ng lahat na mayroon na palang kalaguyo itong si Emilia. Tila hindi na nakapaghintay ang babae sa pag-uwi ng kanyang mister, at nagpapakamot na pala ng kati sa ibang mga lalaki. Ginagastusan din niya ang mga ito gamit ang perang ipinadadala ng walang kaalam-alam na asawa.

Lumipas pa ang ilang taon at nagpatuloy ang pangloloko ni Emilia. Hindi siya nahihiyang lumabas kasama ng ibang lalaki dahil wala namang nakakakilala sa kanila sa Maynila. Pansin din ng mga kapitbahay na kung sino-sinong lalaki ang pinapatuloy ni Emilia doon sa kanilang bahay gabi-gabi. Kaya’t akala ng mga ito ay naghiwalay na si Tonyo at Emilia.

Advertisement

Isang araw, tumawag si Tonyo sa asawa. Masayang-masaya ito dahil sa kanyang balita. Matapos ang tatlong beses na pagtawag, ay sa wakas sinagot ito ng kanyang misis.

“Mahal! Good news!” Tuwang tuwang sabi ni Tonyo.

“Ano ba ‘yon? May ginagawa ako e. Bilisan mo, sabihin mo na.” Walang kagana-ganang sagot ni Emilia.

“Uuwi na ako! Sinend ko na sa text ang flight number ko. Bukas na bukas, nariyan na ako! Hehehe. Yung kiss ko ha? Miss na miss na kita e. Pasakay na ako ng eroplano maya-maya.” Masayang-masayang sabi ni Tonyo.

“Ha? Bakit? Hindi ba next year pa dapat matatapos ang kontrata mo?” Inis na tanong ni Emilia.

“Pinayagan ako ni Boss e. Maganda raw kasi ang performance ko, kaya papayagan niya akong umuwi ng ilang buwan.” Paliwanag ng mister sa kanyang misis.

Inis na inis naman si Emilia. Habang nag-uusap sila ay may katabi pa itong ibang lalaki sa sarili nilang kamang mag-asawa. Agad na nitong pinaalis ang lalaki upang maglinis ng bahay at itago ang mga ebidensya ng kanyang pangangaliwa.

Maya-maya, binuksan ni Emilia ang TV upang manood ng paboritong telenobela. Nang biglang may news flash na lumabas.

Advertisement

“Isang eroplanong galing America pauwing Pilipinas ang biglang bumagsak nang dahil sa hindi pa alam na dahilan. Sa ngayo’y pinaghahanap pa ang katawan ng mga nakasakay dito.” Nakalagay rin sa TV kung anong flight number ng eroplano ang bumagsak.

Agad na tiningnan ni Emilia ang flight number ng asawang si Tonyo. Nanlaki ang mata niya nang parehas ito. Imbis na umiyak at puntahan agad ang airport upang makibalita, tuwang-tuwa pa ang babae sa sinapit nga kawawang asawa.

“Salamat naman!” Buntong hininga ni Emilia dahil hindi rin niya alam kung paano ipapaliwanag sa asawa kung saan napunta ang perang ipinadadala nito sa kanya. Agad nagtext si Emilia sa kabit niyang si Roman.

“Honey! Balik ka na rito. Dito na tayo matulog. Hehe. Pinapaboran tayo ng tadhana. Ikukwento ko na lang pagpunta mo rito.” Tuwang-tuwang sabi ni Emilia.

Agad namang nagpunta si Roman doon, at ginawa ang mga kalaswaan at kalokohang dati pa nilang ginagawa.

Kinabukasan, nagising ang dalawa sa maingay na katok sa pintuan. Inis na bumangon si Emilia na nakahubo’t hubad pa, at nagsuot na lamang ng tuwalya upang tingnan kung sino ang istorbo sa kaniyang pintuan.

Patuloy pa rin ang katok, nang painis na binuksan ni Emilia ang pinto.

“Ano ba?!” Gulat na gulat ang babae nang makita kung sino ang nasa pinto.

Advertisement

Si Tonyo, na walang kagalos galos sa katawan, ay nakatayo sa pintuan na may mga ngiti sa labi. May dala pang mga pasalubong para sa kaniyang mahal na asawa. Yayakapin na sana agad nito ang asawa nang biglang makita ang lalaking hubo’t hubad ring naglalakad sa loob ng kaniyang bahay.

“P*tang*na mo! Sino kang hayop ka at anong ginagawa mo dito?” Hindi na nakasagot ang lalaki nang bigla siyang tamaan ng lumalagutok na sapak ni Tonyo. Sa takot na magulpi pa, nagtatakbo nang walang saplot si Roman palabas ng bahay. Hiyang-hiya ito nang pagtawanan ng mga nakasalubong na kapitbahay.

Naiwan na ang mag-asawang si Emilia at Tonyo sa kanilang bahay. Sinara ni Tonyo ang pintuan, at naupo sa kanilang sofa. Nakayuko ito habang hawak-hawak ang kaniyang ulo.

Magsasalita na ang babae para magpaliwanag ng kanyang mga kalokohan, nang bigla siyang nagulat sa paghagulgol ni Tonyo.

“Mahal?! Nagpakahirap ako sa abroad para makapag-ipon. Para sa iyo, sa akin, sa pamilyang bubuoin natin! Tapos ganito ang aabutan ko? T*ngina naman! Wala kang awa! Nasaan na ‘yong mga perang ipinadala ko?” Punong-puno ng luha ang mukha ng kawawang lalaki. Hindi niya inaasahang ganito ang aabutan.

“E kasi naman! Sinabi ko sa iyo na tutol ako sa pag-alis mo. Sinabi ko sayo na ayokong maiwan mag-isa rito. Pero anong ginawa mo? Umalis ka pa rin! Wala na ‘yong mga pinadala mo. Nagastos ko na! At saka akala ko ba bumagsak ang eroplano mo?!” Matapang na sagot ni Emilia. Parang siya pa ang galit.

“Sa kabutihang palad, na-delay ang flight ko. At ibang eroplano ang nasakyan ko. Kaya pala palagi kang malungkot kapag kausap ako, ano? Naiistorbo ko ang panglalalaki mo. Umalis ka na dito. UMALIS KA NA!” Sigaw ni Tonyo sa salawahang asawa. Kahit galit na galit ito, hindi niya sinaktan ang asawa. Pinalayas niya na lamang ito dahil hindi na niya kayang makita ang mukha ng misis.

Nag-empake na si Emilia, at bago umalis ay naglitanya pa kay Tonyo.

Advertisement

“Akala mo wala akong mapupuntahang iba? Maraming nagmamahal sa’kin! Yabang mo!” Sigaw ni Emilia habang palabas ng pintuan.

Naglupasay ang mister sa pighating nararamdaman. Hindi niya akalaing ang ilang taong pagsasakripisyo ay mauuwi lamang sa wala.

Makalipas ang ilang buwan, nakatanggap ng text si Emilia mula kay Tonyo. Kung saan-saan na lamang tumutuloy ang babae dahil wala ni isa sa mga lalaki niya noon ang kumupkop sa kanya.

“Emilia, kung ayos lang sa’yo e pumunta ka sa dati nating tagpuan. May mahalaga lang akong sasabihin sa iyo.” Text ni Tonyo sa kanya. Tuwang-tuwa naman ang gaga sa pag-aakalang babalikan na siya ng lalaki.

“Sabi na hindi makakatiis ‘to e. Mahal pa rin ako. Ha!” tuwang tuwang sabi ni Emilia sa sarili habang masayang nagbibihis at nagpapaganda.

Pagdating ni Emilia sa restawran na lagi nilang kinakainan noon, laking gulat niya nang makita ang asawang si Tonyo na may kasamang mga abogado.

“Maupo ka, Emilia. Kailangan nating mapag-usapan ang annulment ng kasal natin.” Mahinahong sambit ni Tonyo.

Pahiyang-pahiya si Emilia. Noong una’y ayaw pa niyang pumirma, ngunit dala na rin ng pagkapahiya at ng takot sa mga abogado na magsasampa raw ng kaso sa kanya kapag hindi pumayag, agad na itong pumirma at galit na galit na umalis. Hindi man lang nakarinig si Tonyo ng kahit anong paghingi ng tawad.

Advertisement

Makalipas ang ilang taon, sa wakas ay nakatagpo na si Tonyo ng babaeng tunay siyang mamahalin at aalagaan. Samantalang si Emilia nama’y bali-balitang nagbebenta na lamang ng sarili sa mga matatandang lalaki para lamang may pambili ng sariling pagkain.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!