Ayaw Mag-asawa ng Lalaki Hanggang sa Tumandang Binata na Siya, Huli na Nang Maisip Niyang Mali ang Naging Desisyon

Masayang hinimas ni Arthur ang kanyang dalawang aso, si Macy at Malloy. Bata pa lang siya ay gustong gusto na niyang magkaroon ng alagang aso pero hindi pumapayag ang mga magulang niya, masyado pa raw kasi siyang iresponsable para sa ganoon. Tiyak raw na ang mga ito rin ang maglilinis ng dumi ng aso kung sakali. Kaya naman sa pagpatak ng edad na 18 ay aso kaagad ang hiniling niya sa mga magulang, na pinagbigyan na naman ng mga ito.

Maganda ang buhay nila, hindi na kailangang magtrabaho ang kanyang ina dahil ang papa niya ay executive sa isang kumpanya, na siya ring pinasukan niya pagkatapos niyang gumraduate ng college.

“Anak,34 ka na, kailan ka ba mag aasawa? Gusto na namin ng mga baby dito sa bahay!” sabi ng mama niya, matagal na siyang kinukulit nito tungkol sa pag aasawa pero sadyang wala pa talaga sa isip niya iyon.

“Si Macy at Malloy, baby naman sila eh?” sagot niya rito, pilit niyang iniiwasan ang usapang iyon, ayaw niya naman kasing umoo tapos ay paaasahin lang pala sa wala ang mama niya.

“Alam mo naman ang tinutukoy ko Art.” malungkot na sabi ng kanyang ina, hindi na sumagot ang lalaki.

Lumipas ang ilang taon at na-promote na siya, nakabili ng malaking bahay para sa sarili at nag ampon pa ng maraming aso, wala pa rin sa isip niya ang mag asawa. Darating din siguro siya roon.

“Arthur, wala ka pa rin bang napupusuan?” tanong ulit ng matandang ina ni Arthur.

“Ma, I’m enjoying life.” palaging ganoon ang sagot niya rito, kasi totoo naman, hindi niya maintindihan bakit siya pinipilit nitong magpakasal na. Kay rami niyang kilala na may asawa at masakit ang ulo dahil sa perwisyo.

Advertisement

Lumipas ang marami pang taon, pumanaw na ang magulang ni Arthur. Siya man ay may edad na at hirap nang magtrabaho. Nananatili pa rin siyang mag isa kasama ang kanyang mga aso na inilalakad niya tuwing umaga.

Isang araw, habang akay ang mga aso sa park ay may natanaw siyang lalaki na siguro ay ka-edad niya, pero imbes na mga aso, nasa kandungan nito ang dalawang batang maliit.

“I love you lolo!” sabi ng isang bata.

“I love you too Gracey,” payapang sagot ng matanda.

Bigla biglang nakaramdam ng kawalan sa puso si Arthur, masyado siyang nawili sa kanyang buhay na hindi niya namalayang lumilipas na pala ang panahon niya. Heto siya, mayaman, pero walang nagmamahal. Ni hindi niya maisasama sa langit ang kanyang kayamanan, ni walang iiyak kapag nawala siya.

Tumalikod si Arthur at umuwi, mag isa.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Advertisement

Ano ang natutunan mo sa kwentong ito? Sa tingin mo, tama lang ba na hindi nag asawa si Arthur? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.