Marami Mang Kumukutya sa Relasyon ng Magkasintihang Ito ay Mananaig ang Tunay na Pag-iibigan Nila sa Dulo

Saktong alas otso ng umaga ay paparada ang motor ni Ben sa dormitory ng kaniyang kasintahang si Miya para sunduin ito, maglalabasan naman ang ibang babae para sumulyap. Mukhang artistahin kasi ang lalaki at hindi pinaniniwalaan ng marami tao na nobyo iyon ng babae dahil hindi naman ganoong kagandahan si Miya, masakit man sa tainga ngunit mukhang pinikot lamang daw ang lalaki para sumama sa kaniya.

“Good morning mahal ko!” masayang bati ni Ben sa babae at sabay halik nito sa labi ng babae na labis namang ikinakilig ni Miya.

“Hala ano ba yan ang daming nakatingin e!” maarteng saad ni Miya sa nobyong kahit gustong-gusto naman niya ito. Inulit-ulit pa ni Ben ang paghalik sa dalaga kahit maraming mata ang nakapako sa kanila at sumakay na si Miya sa motorsiklo ng lalaki at saka sila umalis.

Mag-iisang taon nang magkasintahan ang dalawa, nakilala ni Miya si Ben sa kanilang opisina. Mensahero nila ang lalaki habang kahera naman ang trabaho ni Miya sa opisinang pinapasukan. Halos araw-araw silang nag-uusap kaya nga siguro nagkapalagayan ang loob sa isa’t-isa. Hindi man niligawan ni Ben si Miya ay basta na lamang silang naging sila.

“Mahal, maghuhulog na ako sa motor bukas ha,” saad ni Ben sa nobya habang sila ay nasa gitna ng kalsada.

“Sige mahal, ibibigay ko mamaya yung panghulog, isasabay ko na rin yung budget natin sa pagkain,” baling naman ng babae sa nobyo.

“Sobrang maalaga ka talaga mahal! Kaya hinding-hindi kita kayang ipagpalit e, I love you mahal ko!” sagot muli ng lalaki.

Sa edad na 26 anyos ay unang nobyo pa lamang ni Miya si Ben dahil wala namang nanliligaw rati sa dalaga, kaya ngayong naging sila ng lalaki ay binibigay halos lahat ng luho nito. Katulad na lamang ng pagkuha ni Miya ng motor kay Ben, para raw hindi nahihirapan itong bumayhe kasama siya, nagbibigay rin ang dalaga ng budget sa lalaki para sa pangkain nila sa araw-araw, si Ben ang bahala kung ano ang bibilhin at kakainin nila sa tuwing magkasama ang dalawa. Halos bihisan rin ni Miya ang lalaki dahil binili niya ito ng sandamakmak na salawal at kung ano pang gamit para sa sarili.

Advertisement

“Nga pala mahal, uuwi ako sa probinsya sa susunod na linggo at baka magtagal ako ng mga isang buwan doon. Yung lolo ko kasi naghihingalo na e kailangan andon ako dahil ako ang pinakapaborito nung apo,” saad ni Miya sa lalaki bago sila pumasok sa opisina.

“Sige mahal, aantayin na lang kita dito, kung pwede lang na sumama ako sa’yo ay sinamahan na kita pero alam mo naman kailangan ko rin magbanat ng buto dito” baling ni Ben sa babae.

“Ayos lang yun mahal, basta pagbalik ko akin ka pa rin ha?” malanding wika ng babae sabay kindat at nguso bago ito umakyat papuntang opisina.

Hindi perpekto ang relasyon ng dalawa, marami kasing naririnig si Miya na may ibang babae raw ang lalaki ngunit para sa kaniya ay hindi iyon totoo hangat sa hindi siya mismo ang makasaksi sa mga chismis.

“Ben, pwede mo ba akong ihatid?” malanding wika ni Isabel, isa sa mga katrabaho ni Miya.

“Ay sige, idadaan na kita, tutal wala naman akong ihahatid dahil wala si Miya,” sagot naman ng lalaki sa kaniya.

Magkapitbahay lamang si Miya at Isabel at matagal na itong may inggit sa babae kaya plano niyang agawin ang nobyo na si Ben.

Pagbaba nila sa bahay dormitory ay agad na niyaya ni Isabel na magkape ang lalaki at napapasok niya ito sa kaniyang bahay.Nag-usap ang dalawa at planong akitin ni Isabel ang lalaki para maipakita kay Miya na hindi tapat ang nobyo.

Advertisement

“Ben, bakit hindi mo pa iwan si Miya?” tanong ni Isabel.

“Mahal ko siya, Isabel. Bakit mo naman bigla-biglang naitanong yan?” wika naman ni Ben.

“Mahal mo ba siya dahil marami kang nahuhuthot sa kaniyang pera? Kaya ko rin naman ibigay yun sa’yo, Ben,” wika ni Isabel sabay hawak niya sa pisngi ng lalaki.

Hindi sumagot si Ben at tinawanan lamang ang babae sa kaniyang pinagsasabi. Inilapit ni Isabel ang kaniyang mukha sa lalaki at umaaktong hahalikan na niya si Ben.

“Ano sa tingin mo yung ginagawa mo, Isabel?” galit na tanong ni Ben dito.

“Bakit? ‘Di ba’t gusto mo rin naman ako? Parati mo akong tinitingnan sa opisina tapos ngayon pumayag kapang ihatid ako dito sa bahay at pumasok ka, diba ito naman ang gusto mo?” tanong ni Isabel.

“Nagpapatawa ka? Hindi kita gusto at hindi ko hinuhuthutan lang si Miya. Kaya kita parating tinitingnan dahil sa mga hapit na hapit mong suot. Kaya naman kita hinatid dahil alam kong parati kang nababastos sa daan dahil diyan sa itsura mo. Huwag mong gawan ng kwento ang pagiging mabait ko sayo dahil kung gusto kong lokohin si Miya ay dati ko pa ginawa!” bulyaw ng lalaki sabay alis.

“Isa pa, tigilan niyo na kami ng nobya ko. Hindi man siguro siya ganoon kaganda sa panglabas na kaanyuan ay siya namang nag-uumapaw niyang ganda sa kalooban. Yun ang dahilan kung bakit ko siya minahal at hindi dahil sa pera niya!” dagdag pa ng lalaki.

Advertisement

Napahiya si Isabel sa kaniyang ginawa at mas napahiya siya sa mga nanunuod ng kaniyang kalokohan dahil ivinideo pala ito ng babae at ginawa pang Facebook live para sana mapatunayan kay Miya ang kaniyang plano dahil kasalukuyang nanunuod din pala ito ngayon.

Pagbalik ni Miya galing sa probinsya ay agad siyang dumiretso kay Isabel.

“So? Masaya ka naman ba sa napatunayan mo sa nobyo ko?” nakangiting tanong ni Miya kay Isabel.

“Oo na! Ikaw ang panalo ngayon! Pero hindi habang buhay magiging tapat yang si Ben sa’yo sa chaka mo!” galit na sagot ni Isabel sa babae.

“At least, hindi naman siya pumatol sa kaladkaring babaeng katulad mo!” wika ni Miya sabay alis.

Masaya ang babae sa napatunayan niya, kahit na marami ang nagtatanong kung totoo ang pag-ibig ni Ben sa kaniya dahil sa agwat ng kanilang itsura ay napatunayan niya ito kahit pa nga hindi siya nakatingin o wala siya sa tabi ng nobyo. Ngayon mas pagkakatiwalaan na niya ang kaniyang puso at ang pag-ibig na isinusugal sa mundo.